Sumama ang Lalaki sa Kumpare na Tupukin ang Isang Lugar Kapalit ng Pera Dala ng Matinding Pangangailangan; Maiahon Kaya Siya Nito sa Hirap?
Gipit sa buhay ang binatang si Alfred ngayong mga nakaraang buwan dahil bukod sa nawalan na nga siya ng trabaho, nabaon pa siya sa utang dahil kailangan niyang tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kaniyang mag-iina kahit pa butas na ang kaniyang bulsa.
Sa kagipitang nararanasan niya ngayon, hindi na niya alam kung paano pa makakalusot dito. Halos araw-araw na siyang inaabangan ng kaniyang mga pinagkakautangan, ipahiya at sigaw-sigawan man siya ng mga ito kahit saan siya makita ay wala siyang magawa kung hindi tanggapin ang lahat ng ito dahil ni piso ay wala siya.
Gabi-gabi rin siyang hindi makatulog dahil iniisip niya kung paano niya haharapin ang bukas. Saan siya kukuha ng pangkain ng kaniyang mga anak, paano niya iiwasan ang mga pinagkakautangan niya at higit sa lahat, kung anong trabaho ang pupwede niyang pasukan upang matapos na ang kalbaryong kinahaharap niya.
Isang umaga, habang pilit niyang hinihigop ang mainit na tubig na iniisip niya na lamang na kape, siya’y nagulat nang bigla siyang tapikin sa likuran ng kaniyang kumpare.
“Gusto mo bang magkaroon ng kulay ‘yang iniinom mong tubig, pare?” bungad nito sa kaniya.
“Bakit? May dala ka ba riyang pakete ng kape? Pahingi nga! Ilang buwan na akong humihigop ng mainit na tubig dahil kahit tiglilimang pisong kape sa tindahan, hindi ako makabili,” singhal niya habang iiling-iling.
“Naku, kawawa ka naman! Wala akong dalang kape, pare, eh, pero may alam akong paraan para magkapera ka! Kahit isang drum ng kape, makakabili ka kapag tinanggap mo ang alok ko!” bulong nito na nagbigay buhay sa kaniya.
“Ano ba ‘yan? Kahit ano pa ‘yan, papalagan ko na! Hirap na hirap na ako sa buhay,” tuwang-tuwa niyang sabi rito.
“Hindi ba’t alam mo naman na pagmamay-ari ng isang Intsik ‘yong dagat na tinitirikan ng mga bahay sa kabilang barangay? Ilang beses nang pinaalis ‘yong mga ‘yon, eh, kaso ayaw talaga nilang umalis,” panimula ng kumpare.
“Ngayon, nakausap ko ‘yong Intsik at gusto niyang ipasunog sa akin ang mga kabahayan doon kapalit ng kalahating milyong piso! Hindi ko kaya mag-isa ‘yon kaya kung gusto mong magkaroon ng parte, tulungan mo ako!” mahinang kwento nito sa kaniya na agad niyang ikinakaba.
“Naku, pare, hindi ba mali ‘tong papasukin natin?” tanong niya rito nang may pag-aalinlangan.
“Alam mo kung ano ang mali? Ang manghina ang buong pamilya mo sa gutom at mabaon ka sa utang habambuhay!” pangungumbinsi pa nito kaya siya’y biglang napaisip at napatingin sa mag-iina niyang mahimbing pa ang tulog.
“Lahat gagawin ko para sa inyo. Patawarin sana ako ng Diyos,” sabi niya sa sarili saka agad nang sumang-ayon sa kagustuhan ng kumpare.
Kinagabihan nang araw na iyon, agad na nga nilang pinagplanuhan ang kanilang gagawin. Bumili sila ng isang galong gas at posporo upang sunugin ang isa sa mga bahay sa tabing dagat.
Sabi pa ng kaniyang kumpare, “Isang bahay lang ang masunog, sunod-sunod na ‘yon! Dikit-dikit ang bahay doon, eh!” kaya kahit siya’y may nararamdamang matinding kaba, ginawa niya ang lahat ng pinag-uutos nito.
Nang lumalim na ang gabi at natantiya nilang mahimbing na ang tulog ng mga tao roon, agad na silang namangka upang mabuhusan ng gas ang isang bahay. Agad din niya itong tinapunan ng nakasinding posporo dahilan para agad itong magliyab!
“Sunog! Sunog! Tulungan niyo ako, nasusunog ang bahay ko!” sigaw ng isang matandang naninirahan doon kaya naalarma ang lahat ng taong naroon bago pa sila makaalis.
Magsasagwan na sana sila palayo nang bigla silang dambahan ng dalawa sa mga residente roon at sila’y pagsasapukin habang inaapula ng iba ang apoy sa naturang bahay.
Sa sobrang bilis ng mga pangyayari, nagulat na lamang siya nang ilang kalalakihan na ang sumusuntok sa kaniya at hindi na niya matanaw ang kaniyang kumpare.
“Napag-utusan lang ako, huwag niyo akong saktan! Parang-awa niyo na, biktima lang ako rito!” sigaw niya ngunit kahit anong pagmamakaawa niya, siya’y walang habas na binugb*g ng mga ito habang kinukuhanan pa ng bidyo.
Nang tuluyan nang maapula ang apoy, siya rin ay agad nang dinakip ng mga pulis. Dito na niya inamin na siya’y napag-utusan lang kapalit ang malaking halaga ng pera. Tinuro niya rin ang kumpare niyang nagsama lang sa kaniya ngunit siya’y tinanggi nito. Sabi pa nito, “Hindi ko nga ‘yan kilala, eh!” na talagang ikinaguho ng mundo niya.
Doon niya napagtantong hinding-hindi siya makakaahon sa kahirapan kung maling daan ang tatahakin niya at maling tao ang pagkakatiwalaan niya. Kahit na gustong-gusto niyang sapukin ang kumpare niyang iyon dahil sa ginawa nito sa kaniya, wala na siyang magawa kung hindi pagbayaran ang kaniyang kasalanan sa kulungan habang iniisip kung ano ang kalagayan ng kaniyang mag-iina.
“Pasensya na kayo sa akin, nabulag ako sa pera,” bulong niya sa hangin.
Hindi man niya alam kung kailan siya makakalaya at kung anong lagay ng kaniyang mag-iina, nangako siya na sa araw na makakalaya siya, hinding-hindi na niya tatahakin pa ang ganitong klaseng landas upang makaahon sa hirap.