Inday TrendingInday Trending
Nag-alala ang Dalaga sa Lolong Naglulupasay sa Kalsada; Napagnakawan Pala Ito ng Ipong Pera 

Nag-alala ang Dalaga sa Lolong Naglulupasay sa Kalsada; Napagnakawan Pala Ito ng Ipong Pera 

Alas diyes na ng umaga nang magising ang dalagang si Faye. Sobrang sakit man ng ulo niya dahil sa dami ng alak na ininom niya kagabi, dali-dali pa rin siyang kumilos upang makapasok sa trabaho.

“O, akala ko nakapasok ka na sa trabaho! Alas diyes na, Faye! Hindi porque ospital natin ang pinagtatrababuhan mo, palagi ka nang mahuhuli sa trabaho! Paano na ang mga pasyenteng umaasa sa’yo? Kung hindi ka…” pagbubunga ng kaniyang ina na agad niyang sinegundahan.

“Kung hindi ka tatahimik kakasermon d’yan, bibili na lang ako ng sarili kong bahay! Kakagising ko lang, bunganga mo na agad ang naririnig ko!” sigaw niya rito na lalong ikinainis nito.

“Ayan, ayan lagi ang panakot mo tuwing papangaralan kita! Kailan mo ba bibigyang halaga ang ganda ng buhay at trabaho mo, ha? Panay ang pag-iinom mo sa bar at pagwawaldas ng pera!” sermon pa nito kaya imbes na pakinggan niya, nagsuot na lamang siya ng earphones at nagpatugtog nang malakas habang inaayos niya ang kaniyang sarili.

Alas onse ng umaga nang siya’y tuluyang makaalis ng kanilang bahay. Kaya lang, habang nagmamaneho siya palabas ng kanilang subdivision, may napansin siyang isang matandang lalaking madungis na naglulupasay sa gilid ng kalsada. Buong akala niya’y inaatake ito kaya bilang isang doktor, agad siyang tumigil at ito’y nilapitan.

“Tatay, ayos lang po ba kayo?” tanong niya rito at agad na nawala ang kabang nararamdaman niya nang tumingin ito sa kaniya habang umiiyak.

“Hindi, hija,” sagot nito saka muling humagulgol.

“Ano po bang nangyari sa inyo, lolo?” pag-aalala niya.

“May grupo kasi ng kabataan ang nakapasok dito sa subdivision tapos kinuha nila ang pitaka ko! Naroon lahat ang ipon ko, hija!” kwento nito, kitang-kita niya ang panghihina nito kaya siya’y labis na nakaramdam ng awa.

“Diyos ko! Paano sila nakapasok dito?” tanong niya sa sarili saka agad na tinawagan ang sekyu na nagbabantay sa gate ng kanilang subdivision ngunit walang sumasagot.

“Teka po, tatay, magkano po ba ang laman ng pitaka niyo?” tanong niya rito.

“Dalawang daang piso, hija,” mangiyakngiyak nitong sagot na labis niyang ikinatawa.

“Kung makapaglupasay naman kayo, tatay, akala ko, malaking halaga ang nawala sa inyo!” tawang-tawa niyang tugon saka niya sinuksok sa bulsa ang kaniyang selpon.

“Sobrang laki na ng halagang iyon para sa akin, hija. Sa katulad kong inaasahan ng lima kong mga apo at pagbubunot lang ng damo sa mga mansyon sa subdivision na ito ang trabaho ko, ang halagang iyon ay malaking tulong sa akin. Sa katunayan, tatlong buwan ang ginugol ko para maipon ang perang pinagtatawanan mo,” kwento nito na ikinagulat niya.

“Tatlong buwan, tatay? Huwag mo nga akong lokohin d’yan!” sabi niya rito.

“Totoo, hija. Bente hanggang singkwenta pesos lang ang bayad sa akin sa pagbubunot ng mga damo rito. Syempre, hindi naman araw-araw kailangang magbunot ng damo at ‘yong kinikita ko ay kadalasang nauubos para sa pangkain ng mga apo ko. Kaya ganoon katagal ang ginugol ko para maipon ang halagang iyon na nawala lang na parang bula,” wika pa nito habang mangilidngilid ang luha kaya siya’y labis na nakaramdam ng awa.

“Ang halagang iniiyakan niya ay pinambibili ko lang ng isang basong alak. Hindi ko naisip na ganoon pala kalaki ang halaga no’n sa mga taong katulad niya,” sa isip-isip niya habang pinagmamasdang umiyak ang matanda.

At dahil hindi niya na ito matiis, agad niya itong niyayang sumakay sa kaniyang sasakyan para ito’y mapasaya kahit papaano.

“Naku, marumi ako, hija, baka marumihan lang ang magara mong sasakyan! Maglalakad na lang ako palabas ng subdivision!” tanggi nito na nakadagdag sa awang nararamdaman niya.

Pinilit niya ito nang pinilit hanggang sa ito’y napapayag na niya. Agad niya itong diniretso sa grocery upang bilhan ng mga pagkain. Dinala niya rin ito sa pagupitan para maging disente ang itsura nito at sila’y nagpunta rin sa mall kung saan niya ito binilhan ng mga damit, sapatos, at kung ano pang gamit na talagang ikinatuwa nito.

Hindi pa siya roon nakuntento, agad niya rin itong dinala sa pinagtatrababuhan niyang ospital upang maging katuwang niya sa pag-aasikaso ng mga pasyente.

Bungangaan man siya muli ng kaniyang ina nang maunahan pa siya nitong magpunta sa ospital, niyakap niya lang ito saka sinabing, “Mama, magandang aral ang naibigay sa akin ni tatay. Hayaan mo siyang makatrabaho ko, ha? Pangako, magiging masipag na ako sa pagtatrabaho at magiging masinop sa pera,” na talaga nga namang ikinatuwa nito.

Sa ganoong paraan, nakatulong na siya sa matandang nagsusumikap upang matustusan ang pangangailangan ng mga apo, napasaya niya pa ang kaniyang mga magulang sa pagbabagong pinapakita niya.

Simula noon, nilimitahan na niya ang pagpupunta sa bar at ang perang dapat sa alak niya lang ginagasta, ngayo’y inilalaan na niya upang maipaayos ang bahay ng matanda. Sadyang binago nila ang buhay ng isa’t isa.

Advertisement