Nagpanggap ang Kasambahay na Maganda ang Buhay Niya sa Maynila; Lubos na Pagsisisi ang Kahahantungan Nito
Nananaginip nang gising si Lora habang sinusukat niya ang mga magagandang damit sa harap ng salamin nang biglang dumating ang kaibigan niyang si Pilar.
“Lora, suot mo na naman ‘yang mamahaling bestida ni ma’am! Kapag nahuli ka niya ay sigurado akong matatanggal ka sa trabaho! Hindi ka ba natatakot?” sambit ng kapwa kasambahay.
“Nasa ibang bansa naman sina madam, Ate Pilar, kaya huwag kang matakot. Hayaan mo na lang akong damahin ang pagiging mayaman kahit sandali lang! Alam mo namang ito ang pangarap ko sa buhay!” inis na sagot naman ng dalaga.
“Bahala ka nga riyan, Lora. Kapag nahuli ka’y huwag mo akong sisihin na hindi kita pinagsabihan, a!” dagdag pa ni Pilar.
Umismid lamang ang dalaga at ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa.
Lumuwas si Lora sa Maynila para magkaroon ng masaganang buhay. Ngunit hindi niya akalain na mas mahirap pala ang buhay dito. Dahil hindi nakatapos ng hayskul ay walang makuhang ibang trabaho ang dalaga. Mabuti na lang at nakilala niya si Pilar at inirekomenda siya sa kanilang mga amo. Tinanggap naman siya agad ng mga ito.
Subalit walang ibang nakakaalam ng tunay na trabaho ni Lora. Ayaw kasi niyang mapahiya sa kaniyang pamilya at ilang kakilala. Kaya pinaninindigan niyang maganda ang trabaho niya sa Maynila.
Isang araw ang nakalipas ay biglang nakatanggap ng tawag itong si Lora.
“Biyernes ng gabi? Oo naman! Wala na akong masyadong trabaho no’n dito sa opisina. P’wedeng-pwede akong sumama! Asahan ninyo ako! Huwag kayong mag-alala at ililibot ko kayo rito sa Maynila,” sambit ng dalaga sa telepono.
Hindi sinasadyang marinig ni Pilar ang sinabing ito ni Lora.
“At saan ka pupunta ng Biyernes ng gabi? Hoy, Lora, huwag mo akong iwanang mag-isa rito! Baka mamaya ay biglang dumating ang mga amo natin, hindi ko alam ang sasabihin sa kanila! Saka marami pa tayong gawain!” saad naman ng kasambahay.
“Huwag kang mag-alala, Ate Pilar, tatapusin ko muna ang trabaho natin bago ako umalis. Saka babalik din naman ako kaagad, e! Hindi ko naman p’wedeng hindian ‘yung mga kaibigan ko kasi luluwas pa sila dito sa Maynila para lang makasama ako,” pahayag naman ni Lora.
“Narinig ko sinabi mong may trabaho ka sa opisina. Hindi nila alam na isang kasambahay ka? Hindi mo ba sinabi sa kanila?” pagtataka ni Pilar.
“Anong gusto mong sabihin ko, Ate Pilar? Kinukutya na nga ako sa baryo namin dahil hindi ako nakatapos ng hayskul dahil pinili kong magpunta dito sa Maynila. Kapag nalaman nilang kasambahay ako’y lalo nila akong pagtatawanan! Hayaan mo na ako! Ako nang bahala sa kanila!” saad muli ng dalaga.
Dumating ang araw ng Biyernes at dali-daling umalis ng pinagtatrabahuhang bahay si Lora. Ayaw niyang makita siya ng kasamahang si Pilar dahil suot niya ang damit ng kaniyang amo. Ngunit hindi siya nagtagumpay nang makasalubong niya ito sa may bakuran.
“Lora, bakit mo suot ‘yang mga damit ni madam? Alam mo ba kung gaano kamahal ‘yan? Baka mamaya ay mamantsahan ‘yan! Kulang pa ang sahod natin sa isang taon para mabayaran ‘yan! Saka ano ‘yang mga bag at sapatos na ‘yan? Bakit mo suot-suot mo ang mga ‘yan?! Hindi ka na natakot sa amo natin kapag nalaman nila ang ginagawa mo!” sambit ni Pilar.
“Alam mo, Ate Pilar, hindi naman ito malalaman ni madam kung walang magsasabi. Tinawagan niya ako kanina. Ang sabi niya’y sa katapusan pa ng buwan na ito sila uuwi mula sa Amerika. Huwag ka nang kabahan dahil ako na nga ang bahala. Mag-iingat ako! Isa pa, hinihiram ko lang naman. Kailangan ko lang ipakita sa mga ka-baryo ko na may maganda akong trabaho dito sa Maynila!” saad pa ng dalaga.
Napapailing na lang si Pilar. Patuloy niyang pinagsabihan si Lora ngunit hindi ito nagpaawat. Sadyang tinuloy pa rin niya ang kaniyang gusto.
“Tandaan mo, Lora, hindi mo habangbuhay na matatago kahit kanino ang tunay mong pagkatao. Kung kaibigan mo talaga ang mga iyan ay tatanggapin ka nila kahit ano pa ang pinagdadaanan mo ngayon,” wika na lang ni Pilar.
Tumuloy na si Lora sa restawran kung saan sila magkikita ng ilang kaibigan. Nang makita siya ng mga ito’y labis ang kanilang paghanga sa kaniyang hitsura.
“Aba’t ang laki ng pinagbago mo! Hindi ka na parang si Lora na tiga-baryo! Ano ba talaga ang trabaho mo rito?” saad ni Becca.
“Secretary ako ng isang mayamang Intsik. Marami nga kaming ginagawa sa opisina pero mabuti ay malakas ako sa boss ko kaya nakaalis ako kaagad! Kumusta na ba kayo? Bakit pala kayo napadpad dito sa Maynila?” saad naman ng dalaga.
“May kikitain lang din kaming ilang kaibigan. E, naalala namin na dito ka rin nagtatrabaho kaya tinawagan ka na namin. Gusto mo bang samahan kami doon sa kaibigan namin? Ipapakilala ka namin sa kanila! Tiyak akong magkakagusto sa iyo ang isa sa mga iyon!” wika muli ng kaibigan.
Naengganyo naman si Lora na sumama. Tutal, wala rin naman siyang kaibigan sa Maynila at napakadalang kung payagan siyang lumabas ng kaniyang amo.
Masayang nakipagkuwentuhan si Lora sa kaniyang mga kaibigan. Hindi na nga niya namalayan na malayo na pala ang kanilang pinuntahan.
“Ayos lang ba talaga sa iyo, Lora, na sumama sa amin? Hindi kami nakakaabala, a!” saad muli ni Becca.
“Oo naman! Hawak ko naman ang oras ko!” pagmamayabang pa ng dalaga.
Huminto ang sasakyan sa isang lumang warehouse sa liblib na lugar.
“Mukhang nakakatakot naman dito, Becca. Sigurado ka bang narito ang mga kaibigan mo?” pangamba ni Lora.
“Oo, huwag kang mag-alala at mababait naman sila. Ligtas tayo dito,” saad ng dalaga.
Ngunit iba na ang kutob ni Lora. Hindi pa siya tiwala sa ikinikilos ng kaniyang mga tinatawag na kaibigan. Lalo na nang marinig niya ang sinabi ng kasama ni Becca.
“Mukhang tiba-tiba nga tayo sa kaibigan mong ‘yan. Mukhang maraming pera. Ang bilis pang utuin. Akalain mong sumama agad!” saad ng lalaki.
Dahil dito’y gumawa ng paraan si Lora upang makaalis sa sitwasyon na iyon.
“Naku, Becca, anong oras na rin pala. Maaga pa ang pasok ko bukas. Kailangan ko nang umuwi. Ako na lang ang hahanap ng taxi para makauwi ako,” giit niya.
Ngunit sadyang nagpumilit si Becca na pumasok sila sa warehouse kaya wala nang nagawa pa si Lora kung hindi ang tumakbo. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa kaniya niya. Ni hindi man lang siya lumingon pa sa mga ito. Mabuti na lang at may dumaang taxi at nakatakas siya kaagad.
Kabang-kaba si Lora sa nangyari. Muntik na talaga siyang mapahamak. Akala niya ay nakaligtas na siya sa mga sandaling iyon, ngunit nakita niya ang damit na kaniyang suot na may punit at ubod ng dumi. Tiyak siyang pagagalitan siya ng kanilang amo.
“Kinikita naman ang pera! Babayaran ko na lang ito sa amo ko! Ang mabuti ay buhay pa ako!” tanging nasabi niya.
Nang makauwi ay dahan-dahan siyang pumasok ng bahay. Ngunit laking gulat niya nang makita na naroon na ang among babae at hinihintay siya.
“So, tama pala ang kutob ko sa iyo, Lora. Sinabi ko na nga ba’t hindi kita mapagkakatiwalaan! Ang kapal ng mukha mong isuot ang mga damit ko nang walang paalam! Pagbabayaran mo itong ginawa mo!” wika ng amo.
“Ma’am, pasensya na po kayo sa nagawa ko! Inaamin ko pong nagkamali ako, pero magpapaliwanag po ako! Alam ko na po ang mali ko! Natuto na po ako! Babayaran ko ang mga gamit ninyo! Kung kinakailangan na pagbayaran ko habang buhay ay gagawin ko!” pakiusap ng dalaga.
“Oo nga at mababayaran mo ‘yan ng pera, pero hindi mo mababayaran ang tiwalang sinira mo! Hubarin mo ang mga damit ko at sasama ka sa akin sa pulisya. Sasampahan kita ng kaso nang hindi mo na talaga maulit ang ginawa mo!” galit na sambit pa ng amo.
Labis ang pagmamakaawa ni Lora sa kaniyang boss ngunit hindi na siya nito pinakinggan pa. Humingi rin siya ng tulong kay Pilar nang sa gayon ay mapakiusapan ang amo na huwag nang ituloy ang kaso sa kaniya. Sinabi niya ang lahat ng sinapit niya nang araw na iyon.
“Binalaan kita, Lora, ngunit hindi ka nakinig. Tingnan mo, nais mong magmalaki sa mga taong gagawan ka pala ng masama. Kung hindi ka sana nagsinungaling ay hindi mo aabutin ang ganitong sitwasyon. Pasensya ka na pero kailangan ko rin ang trabaho ko. Wala akong maitutulong na sa iyo, Lora,” wika naman ni Pilar.
Tinanggal na nga sa trabaho ay ipinakulong pa ng amo itong si Lora. Malaki rin ang pinababayarang halaga sa kaniya dahil sa nasirang mahal na damit. Dahil dito ay nakarating na sa kaniyang pamilya ang tunay niyang trabaho sa Maynila. Kumalat ang kaniyang istorya sa buong madla.
Labis na kahihiyan ang naranasan ni Lora. Hirap na hirap na rin siya sa kulungan. Taliwas ito sa buhay na kaniyang pinangarap. Ngunit kahit magsisi siya ngayon ay kailangan muna niyang pagdusahan sa loob ng kulungan ang kaniyang nagawang kasalanan bago siya muling magkaroon ng kalayaang baguhin ang takbo ng kaniyang buhay.