Inday TrendingInday Trending
Itinaboy ng Dalaga ang Binabaeng Kaibigan para sa Nobyong Manloloko; Sa Huli’y Isang Katotohanan ang Kaniyang Matutuklasan

Itinaboy ng Dalaga ang Binabaeng Kaibigan para sa Nobyong Manloloko; Sa Huli’y Isang Katotohanan ang Kaniyang Matutuklasan

“Beshie, pasensya ka na kung pinaghintay kita! Ang dami ko lang talagang tinapos sa opisina! Ano na naman ba ang dahilan bakit tayo nagkita ngayon?” bungad ni Bryle sa kaniyang kaibigang si Sarah na kanina pa naghihintay sa isang cafe.

Napayuko ang dalaga at napaiyak.

“Alam ko na! Niloko ka na naman niyang hayop na si Jake, ‘no?! Ilang beses ko bang sasabihin kasi sa iyo na hiwalayan mo na ‘yan! Bakit kasi gustong-gusto mo sa kaniya, e, lagi ka namang sinasaktan niyang hudas na yan!” dagdag pa nito.

“Beks, hindi ko siya p’wedeng iwan dahil mawawalan ng tatay itong anak ko. Buntis ako!” patuloy sa pag-iyak ang dalaga.

Nagulantang si Bryle. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya alam ang sasabihin sa matalik na kaibigan. Hindi na kasi mabilang sa kamay kung ilang beses niloko ito ng kaniyang nobyo ngunit matigas pa rin ang ulo ni Sarah. Komo, unang pag-ibig ay lagi niya itong pinapatawad at binabalikan.

“Palagi mo kasing pinapatawad kaya pakiramdam n’yang si Jake ay ayos lang sa iyo kahit anong gawin niya. Tapos ngayon ay nagpabuntis ka pa! Wala namang kasalanan ang bata, beshie, pero isipin mo namang isisilang siya sa mundong ito na walang kwenta ang ama niya! Ang dami-dami naman siyang iba kasi, Sarah! Ano bang pumasok sa isip mo?” saad ni Bryle.

“Huwag mo na akong sisihin, beks! Hindi ko na nga alam ang gagawin ko, e! Saka sinong iba ba ang tinutukoy mo? Ikaw? Papatulan mo ba ako kung lalaki ka?” sambit ni Sarah.

“Bakit? Papatulan mo rin ba ako kung lalaki ako?” tanong naman ng matalik na kaibigan.

“Siyempre kung lalaki ka ay matagal na kitang nilayuan kasi ayaw kong masira ang relasyon namin ni Jake. Saka alam mo namang siya lang ang gusto ko! Siya lang ang mahal ko!” umiiyak na wika muli ng dalaga.

Napahinto nang bahagya si Bryle sa sagot nito. Bigla na lang tuloy naging seryoso ang kanilang usapan.

“Paano na ‘yan? Anong balak mo?”

“Hindi ko alam paano sasabihin sa mga magulang ko dahil alam mo namang ako lang ang inaasahan nila. Ang gusto ni Bryle ay ipalagl*g ko ang bata at magsimula na lang kami muli, pero hindi ko kayang gawin ‘yun sa anak ko!” patuloy sa pag-iyak si Sarah.

Magkahalong inis at awa ang nararamdaman ni Bryle sa matalik niyang kaibigan. Hindi naman kasi siya nagkulang sa pagsasabi rito. Lalo nang mahirap na pagsabihan itong si Sarah dahil may dinadala na siya.

“Bryle, tulungan mo naman akong hanapin si Jake ngayon! Gusto ko siyang makausap. P’wede namang maghanap ako ng trabaho na mas malaki ang kita. Hindi naman niya kailangang sagutin ang lahat. Nais ko lang na may kilalaning ama itong anak ko,” saad ni Sarah.

“Hindi kailangan ng ama ng batang iyan! Ang kailangan niya ay inang titindig kahit walang lalaki sa buhay. Mas mapapabuti pa nga ang buhay niya kung tuluyan mo nang iiwan si Jake,” payo pa ni Bryle.

“Nasasabi mo lang ‘yan kasi hindi ka nagmamahal. Madali lang sabihin ‘yan sa’yo kasi kahit kailan ay hindi ka magkakaanak! Hindi mo nararamdaman ang nararamdaman ko!”

Inunawa na lang ni Bryle ang dalaga. Alam niyang nasasabi lamang nito ang bagay na iyon dala ng kaniyang masidhing emosyon.

Kahit labag sa laoob ni Bryle ay sinamahan niya si Sarah na hanapin si Jake ngunit ilang araw na ang nakakalipas at hindi pa rin nagpaparamdam ang binata.

“Hindi talaga magpapakita ang taong ayaw magpakita. Hayaan mo na si Jake, Sarah! Tutal nakakita ka na naman ng magandang trabaho, kaya mo nang buhayin ‘yang anak mo!” wika ni Bryle.

“Kung ayaw mo akong tulungan, Bryle, kahit ako na lang mag-isa. Kung hindi ka titigil sa mga sinasabi mong masama tungkol sa tatay ng anak ko ay hindi na ako magpapatulong pa sa iyo!” naiinis na wika ng dalaga.

Matapos ang araw na iyon ay matagal na hindi nagparamdam si Sarah. Nalaman na lang niyang nakipagbalikan na pala ito kay Jake. Ang kaso nakita niya ang nobyo ng kaibigan na may kasama na namang iba.

“Sarah, mag-isip kang mabuti tungkol d’yan kay Jake. Baka binalikan ka lang niya dahil wala siyang trabaho ngayon. Buksan mo naman ang mga mata mo, beshie!” wika niya sa kaibigan.

“Masaya na kami ni Bryle ngayon! Nagbago na talaga siya! Nangako siya sa akin na hindi na siya mambababae at sisikapin niyang maging mabuting ama dito sa pinagbubuntis ko. Maayos na ang lahat sa pagitan namin. Huwag ka nang manggulo!” tugon naman ni Sarah.

“Manggulo? Ako pa ang nanggugulo ngayon, Sarah? Sino ba ang laging tumatakbo sa akin na umiiyak dahil niloko siya nang paulit-ulit? Kahit anong abala ko sa buhay, Sarah, kapag tinawag mo ako’y dumarating ako. Kahit sa mga pinakamaliit na bagay, kahit walang saysay, kahit magmukha akong tanga basta may kasama ka lang! Tapos ako pa ang tatawagin mong nanggugulo? Hindi naman ata tama ‘yan, beshie!” wika ni Bryle.

“Pasensya ka na kung naabala kita noon, Bryle, pero hindi ko na hihingin pa ang tulong mong muli. Ayos na kami ni Bryle. P’wede bang maging masaya ka na lang para sa amin at sa magiging anak namin? Iba na ang usapang pampamilya, Bryle. Anak ko na ang nakataya dito. Kaya kailangan na rin nating maghiwalay ng landas. Ayaw na rin ni Jake na makasama kita dahil para sa kaniya’y nilalason mo lang ang utak ko,” seryosong wika ng dalaga.

Nasaktan si Bryle sa sinabi ng matalik niyang kaibigan. Matapos ang lahat ng ginawa niya ay ito lang ang kaniyang natanggap.

Kaya naman sa pagkakataong iyon ay ginawa na niya ang hiling ni Sarah. Lumayo na siya at hindi na muling nagparamdam pa.

Ilang buwan ang nakalipas at muling bumalik sa dati si Jake. Mabarkada na naman ito at nagkaroon na naman ng ilang mga babae. Ang matindi pa doon ay madalas siyang masaktan nito ng pisikal.

Minsan ay nami-miss niya ang mga payo ng kaibigang si Bryle, pero hindi na ito sumasagot ng mga tawag niya.

Hanggang sa isang araw ay nakatanggap siya ng text mula rito.

“Kausapin mo na lang ako kung natauhan ka na. Puntahan mo ako sa bahay kung talagang desidido ka nang hiwalayan ‘yang lalaking ‘yan,” mensahe ni Bryle.

Hindi pa rin kaya ni Sarah sa mga oras na iyon na iwan si Jake dahil iniisip niya ang kaniyang anak. Ngunit isang gabi ay nadatnan niya mismo sa tinutuluyan nilang bahay ang binata na may kas*ping na ibang babae. Ang matindi pa noon ay siya pa ang pinalayas nito.

“Hayop ka, Bryle! Lahat na lang ay ginawa ko para sa iyo tapos ay ganito pa ang igaganti mo sa akin! Paano na lang ang magiging anak natin?” pagtangis ng dalaga.

“Anak mo lang! Hindi ko anak ang batang iyan! Lumayas ka rito dahil sawang sawa na ako sa iyo! Binalikan lang naman kita kasi kailangan ko ng pera!” sigaw ni Jake.

Sa puntong ito’y nakapagdesisyon na si Sarah na ito na ang sukdulan ng panloloko sa kaniya ng nobyo. Ngayon ay desidido na siyang putulin ang ugnayan niya rito at palakihin ang anak nila ng mag-isa.

Labis ang kaniyang kalungkutan. Naalala niya ang mensahe ni Bryle kaya nagtungo siya sa bahay nito. Nais niyang sabihin sa matalik na kaibigan ang magandang balita.

Pagdating niya sa bahay nito’y sinalubong siya ng ina ng kaibigan. Inihatid siya nito sa silid at doon ay nakita niya si Bryle na malubha na ang karamdaman.

“Ang tagal mo namang nagpunta rito, beshie! Ang tagal bago ka natauhan. Pero masaya ako na inabot mo pa ako,” pilit na ngumingiti si Bryle.

“A-anong nangyari sa iyo, Bryle? Kailan ka pa may sakit?” Bakit hindi mo ito sinasabi sa akin?” naiiyak nang wika ni Sarah.

“Natatandaan mo na sa tuwing nakikipagkita ka sa akin ay lagi akong nahuhuli? Galing ako lagi sa ospital no’n. Matagal na akong may malubhang sakit, Sarah, pero hindi mo napapansin ang pagbagsak ng katawan ko dahil nakatuon ang isip mo kay Jake. Gusto ko na sanang sabihin sayo noon pero ayaw kong mag-alala ka dahil may ipinagbubuntis ka. Alam mo may isa pa akong gustong aminin sa iyo, Sarah, huwag ka sanang magagalit. Hindi talaga ako binabae. Ginagawa ko lang ito dahil ayaw kong malayo sa iyo. Noon pa man ay higit sa kaibigan ang turing ko sa iyo. Pero alam kong walang pag-asa kaya minahal na lang kita sa paraang alam ko,” pahayag ni Bryle.

Hinawakan niya nang mahigpit ang mga kamay ni Sarah. Iba na nga ang pakiramdam ng mga hawak ni Bryle ng mga panahong iyon para sa dalaga. Hindi na ito tulad ng dati.

“Sarah, ipangako mo naman sa akin na ngayon ay uunahin mo namang mahalin ang sarili mo at ang dinadala mo. Iiwan ko ang bahay ko at ilang naipundar ko para sa iyo. Magsimula kayong muli ng anak mo. Huwag ka nang bumalik kay Jake dahil hindi ka niya tunay na mahal. Palakihin mo ang anak mo ng puno ng pagmamahal. At pakisabi mo sa kaniya na pasensya na dahil hindi na siya naabutan ng Ninong Bryle niya,” lumuluhang sambit muli ng binata.

Umagos ang luha sa mga mata ni Sarah, Sa huling pagkakataon ay niyakap niya nang mahigpit ang matalik na kaibigan hanggang sa tuluyan na itong nalagutan ng hininga sa kaniyang bisig.

Labis ang pagdadalamhati ni Sarah. Inalala niya ang mga panahong kasa-kasama niya si Bryle. Dito lang niya napagtanto na sa buong panahon na iyon ay ito lang ang tunay na nagmamahal at nakakaunawa sa kaniya.

“Pangako ko sa iyo, Bryle, hinding-hindi ko na hahayaan na lokohin o paglaruan ako ng sinuman. Patawarin mo ako dahil wala ako sa tabi mo nang kailangan mo ako,” pagtangis ng dalaga.

Sa paggunita niya sa buhay ng ni Bryle ay dito niya isinunod ang pangalan ng anak. Ngayon ay mapayapa at masaya na silang namumuhay na mag-ina. May pagkakataon na nalulungkot pa rin si Sarah ngunit alam niyang hanggang sa kabilang buhay ay binabantayan at ginagabayan pa rin siya ng matalik na kaibigan.

Advertisement