Inday TrendingInday Trending
Palihim na Tinulungan ng Waiter ang Isang Batang Palaboy na Makakain; Dalawang Dekada ang Lumipas at Muling Magkukrus ang Landas Nila

Palihim na Tinulungan ng Waiter ang Isang Batang Palaboy na Makakain; Dalawang Dekada ang Lumipas at Muling Magkukrus ang Landas Nila

Kumakalam na ang sikmura ng batang palaboy na si Blessie ngunit wala man lang mag-abot sa kaniya ng tulong. Labis na ang pagmamakaawa niya ngunit wala talagang pumapansin sa kaniya. Dahil sobra na ang sakit ng tiyan at nanghihina na siya ay napilitan siyang maghanap ng makakain sa basurahan. Sa tapat ng isang kilalang restawran sa lugar na iyon siya nagtungo. Inaabangan niya ang paglabas ng mga parokyano upang hingin ang kanilang tira.

Habang matiyaga siyang naghihintay ay lumabas ang isang waiter.

“Nene, umalis ka na riyan at baka makita ka pa ng amo namin. Ubos ng sungit no’n!” wika ng Naldo.

“Manong kahit konting pagkain lang po. Gutom na gutom na po talaga ako,” pagmamakaawa ng bata.

“Kapag binigyan kita ng pagkain ay aalis ka na? Huwag ka nang magtawag, a. Pagagalitan ako ng amo ko,” wika pa ng lalaki.

“Opo, manong! Salamat po!” nabuhayan ng loob si Blessie.

Ilang sandali pa ay naglabas ng pagkain si Naldo at saka ibinigay sa bata. Tuwang-tuwa ito dahil sa wakas ay malalamnan na ang kaniyang tiyan.

“Maraming salamat po, manong! Sa totoo lang po ay ilang araw na po akong hindi kumakain. Ang sakit na po talaga ng tiyan ko! Hindi ko po alam kung paano magpapasalamat sa iyo,” naiiyak na wika ng bata.

“O siya, ‘yung usapan natin. Umalis ka na rito at baka maabutan ka pa ng boss ko. Saka baka mamaya ay makita niyang binigyan din kita ng pagkain. Huwag ka nang babalik dito, a. Sabihin mo sa mga magulang mo na tungkulin nilang hindi ka magutom,” dagdag pa ni Naldo.

Masayang umalis si Blessie sa tapat ng restawran. Iniisip niya kung paano titipirin ang binagay na pagkain ng ginoo. Takot na takot na kasi siyang magutom muli.

Hindi pa man nakakalayo ng restawran itong si Blessie ay hinarang na siya ng ilang kabataan at pilit na kinukuha ang na delihensya niyang pagkain.

“Hindi naman p’wedeng ikaw lang ang kakain, Blessie. Bigyan mo naman kami. Mukha pa namang masarap ‘yan!” saad ng isang binatilyo.

“N-napulot ko lang sa basurahan ang mga tira-tirang ito! Sapat lang ito para sa akin. Kung gusto n’yo ay humanap na lang din kayo ng sa inyo!” sambit ni Blessie.

Ngunit ayaw tantanan ng mga binatilyong ito ang bata. Sapilitan nilang kinuha ang mga tirang pagkain na nasa supot. Nang magtagumpay sila’y iniwan na nila si Blessie na nakahandusay pa sa kalsada.

Nakita ni Naldo ang lahat ng nangyari. Sa kaniyang awa ay dali-dali niyang pinuntahan si Blessie upang tulungan.

“Nene, okay ka lang? Nasaan ba kasi ang mga magulang mo? Bakit kasi mag-isa ka lang na naghahanap ng pagkain?” sambit ng ginoo.

“Manong, wala na po akong mga magulang, ulila na po ako. Mag-isa na lang po akong nakatira doon sa may bangketa. Pero madalas po ay umaalis din ako doon dahil hindi po panatag ang kalooban ko. Natatakot po ako lagi,” umiiyak na wika ng bata.

Nahabag si Naldo sa sinapit ni Blessie.

“Tara nga at sumama ka sa akin. Bibigyan kita muli ng pagkain. Pero sa pagkakataong ito’y kumain ka na agad!”

Isinama ni Naldo si Blessie sa tapat ng restawran. Agad namang kumain bata dahil gutom na gutom na talaga ito. Sobra-sobra ang pasasalamat nito sa kaniya.

Ilang sandali pa ay lumabas ang may-ari ng restawran.

“Kaya pala panay ang ikot dito ng mga palaboy dahil pinagbibigyan mo sila. ‘Di ba’t maliwanag na bawal ang pagbibigay sa kanila ng mga tirang pagkain? Baka gusto mong sesantehin kita ngayon na! Maraming may gusto ng trabaho mo!” saad ng amo.

“Sir, h’wag naman po. Tinulungan ko lang naman ang batang ito dahil kawawa siya. Matagal na siyang hindi kumakain. Wala na siyang mga magulang,” paliwanag ni Naldo.

“Hindi ko na problema ang bagay na ‘yan! Paalisin mo siya sa tapat ng restawran ko ngayon na kung hindi ay isasama kitang palalayasin!” sigaw pa ng may-ari.

Dahil natatakot na mawalan ng trabaho ay pinakiusapan ni Naldo ang bata na umalis na ng tapat ng restawran.

“’Ne, sige na at umalis ka na. Marami pa akong trabaho. Mamayang alas otso ay magtatapon pa ako ng basura d’yan sa may gilid. Papasok na ako at baka mawalan pa ako ng trabaho,” saad pa ng ginoo.

“Maraming salamat po, ginoo. Pasensya na po kayo sa akin,” dagdag pa ni Blessie.

Habang naglalakad si Blessie ay bigla niyang naisip kung bakit sinabi pa sa kaniya ng waiter ang trabaho niya nang araw na iyon.

“Hindi kaya binibigyan niya ako ng mensahe na maaari akong bumalik mamayang alas-otso?” tanong niya sa sarili.

Nagbabakasakali si Blessie kaya bumalik siya nang gabi. Eksakto at palabas na si Naldo at magtatapon na ito ng basura.

“Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na bawal ka na rito? Ilalagay ko na ito rito at papasok na ako agad sa loob,” wika ng ginoo.

Pagpasok ni Naldo sa loob ng restawran ay agad na kinalkal ni Blessie ang plastik bag na tinapon nito. Nagulat siyang makakita ng isang supot na puno ng malinis na pagkain.

Tila naunawaan na niya ang pinapahiwatig sa kaniya ni Naldo.

Kinabukasan ay muli siyang bumalik sa may gilid ng restawran sa parehong oras. Nakakita na naman siya ng supot na may malaman na malinis na pagkain. Pakiramdam ni Blessie ay sinasadya na ito ni Naldo.

Lumipas ang isang taon at nabuhay ang batang si Blessie dahil sa pagkain na iyon. Ngunit isang araw ay nagtaka na lang si Naldo na hindi na niya natatanaw ang bata na kumuha ng pagkain. Sinubukan niya itong hanapin ngunit walang nakakakilala dito.

Lumipas ang dalawang dekada at serbidor pa rin si Naldo ng restawran na iyon. Marami nang nagbago at medyo humina na rin ang benta ng restawran dahil sa mga nagsulputang bagong kainan sa paligid. Mayroon na naman ngang bagong itinatayo sa tapat pa mismo ng pinagtatrabahuhan niya.

“Mainit na naman ang ulo ni boss dahil kaunti na lang daw ang kumakain dito sa restawran. Ang sabi nga’y baka magtanggal na siya ng mga tauhan,” saad ng isang kasamahan.

Natatakot si Naldo dahil sa kaniyang edad ay malaki ang tyansa na siya ang tanggalin. Sa kaniyang pag-iisip ay hindi na niya napansin ang isang baso sa mesa. Natabig niya ito at nabasag.

“Pasensya ka na, miss. Hindi ko sinasadya. Sandali lang at lilinisin ko ang bubog,” paumanhin ni Naldo sa kustomer.

“Ayos lang naman po ako, ginoo, huwag po kayong mag-alala. Sa tingin ko po ay malalim ang iniisip niyo. Maaari ko po bang malaman?” tanong ng dalaga.

“Naku, wala ito. Pasensya ka na ulit,” saad pa ng ginoo. Ilang saglit pa ay dumating na ang may-ari ng restawran.

“Kaya hindi ka umasenso sa buhay ay dahil tatanga-tanga ka! Iaawas ko sa sahod mo ang mamahaling baso na ‘yan!” sigaw ng boss.

Panay ang pakiusap ni Naldo na huwag na sanang gawin ito dahil hindi na sapat ang sinusweldo niya.

“Boss, may sakit po ang anak ko. Patawarin n’yo na po ako. Hindi ko naman po sinasadya!” depensa nito.

Ngunit lalo lang itong ikinagalit ng amo. Umawat naman ang dalaga.

“Ginoo, kung mali po ang ginawa ng waiter ay bakit hindi n’yo pa siya sesantehin. Tanggalin n’yo na siya sa trabaho dahil hindi na pala siya nakakatulong dito!” saad ng dalaga.

“Miss, huwag kang magsalita ng ganyan. Kailangan ko ng trabaho ko! ‘Di ba sabi mo kanina’y ayos ka lang naman. Hindi ko naman talaga sinasadya!” pagmamakaawa ni Naldo.

“Tama ang sinabi ng kustomer na ito. Mas mainam pang tanggalin na kita. Hindi ka na rin nababagay pa sa restawran ko dahil may edad ka na rin. Isa pa, wala ka na rin pakinabang!” muling sambit ng may-ari.

Napahagulgol na lang si Naldo sa sama ng loob.

“Ginoo, talaga bang sesante na ang waiter na ito dito sa restawran mo?” tanong ng dalaga.

“Oo, naman! Hindi ba’t iyon ang tamang gawin? Matagal ko naman talagang gustong alisin ang lalaking iyan! Ngayon ay nakahanap na ako ng pagkakataon!” tugon ng may-ari.

“Mabuti na po ang maliwanag,” dagdag pa ng dalaga.

“Manong Naldo, tutal wala na po kayong trabaho, baka po p’wedeng sa restawran ko na kayo magtrabaho bilang isang manager? Iyan pong ginagawa sa tapat nito,” saad ng babae.

“Ako po? Kukunin mong manager? Waiter lang po ako dito, miss. Baka po nabibigla lang kayo,” saad ng ginoo.

“Hindi po! Talagang matagal ko na pong pinangarap na magtayo ng isang restawran sa lugar na ito at kunin kayo bilang isang manager. Pasensya na po at medyo natagalan! Hindi pala ganoon kadaling magpatayo ng isang sosyal na restawran!” nakangiting saad pa ng babae.

Maging ang may-ari ng restawran ay nagugulumihanan.

“Sino ka bang talaga, miss? Bakit parang pinaglalaruan mo lang kami dito?” naiinis na wika ng may-ari.

“Ako po si Blessie, may-ari ng tinatayong restawran diyan sa tapat. Dalawang dekada na po ang nakalipas nang isang waiter dito ang tumulong sa akin para maibsan ang kumakalam kong sikmura. Mula noon ay pinangarap ko nang maibalik sa kaniya ang kabutihan niya. Sayang lang at hindi ako nakapagpaalam sa kaniya noon nung kinuha ako ng mga madre sa simbahan. Kinupkop nila ako at pinag-aral. Sa awa ng Diyos ay natupad ko na ang aking mga pangarap,” wika ng dalaga.

Gulat na gulat si Naldo sa muling pagkikita nila ni Blessie. Hindi niya akalain na ang palaboy na tinutulungan niya noon ay umasenso na ngayon.

“Manong Naldo, pagbukas ng restawran ko ay kayo na ang manager, a! Sumama na po kayo sa akin para makapagpirmahan na tayo ng kontrata. Sa inyo naman po, ginoo na may-ari ng restawran na ito. Maraming salamat at tinanggal mo si Mang Naldo. Sa wakas ay makakaganti na rin ako sa kaniya! Sa totoo lang hindi naman talaga masarap ang pagkain dito! Kaya kayo nalulugi ay dahil sa sama rin ng ugali ng may-ari!” saad muli ni Blessie.

Masaya si Blessie na sa pagkakataong ito’y siya naman ang makakatulong kay Naldo. Nang magbukas ang restawran ay naging manager nga ang ginoo at magkasama sila ni Blessie na tumutulong din sa ibang nangangailangan.

Advertisement