Pinaglaban ng Ginang ang Pulubing Ginoo sa mga Kamag-Anak Nito; Bandang Huli’y Siya pa pala ang Mapapahiya
Nahahabag ang ginang na si Marites nang makita niya sa masaklap na kalagayan ang dating kilalang negosyante sa kanilang lugar. Marami itong pera noon kaya naman napapalibutan ito ng mga kamag-anak. Ngunit unti-unting nalugi ang negosyo nito at isa-isang lumayo ang kaniyang pamilya. Hanggang sa tuluyan na itong bumagsak at hindi na muling nakabangon pa. Ngayon ay matatagpuan na lamang ito sa kalsada at palaboy-laboy.
“Mang Jessie, ‘di po ba’t may asawa kayo at mga kapatid? Nasaan na sila ngayon?” hindi na maiwasan ni Marites ang mag-usisa.
“Iyong mga ‘yun? Mga walang k’wentang tao ‘yun! Lahat sila’y mangagamit lang! Dati noong marami akong pera’y laging nakadikit sa akin ang mga linta. Ngayong wala na ako kahit singko ay wala man lang magbalik ng tulong sa akin!” nanginginig sa galit ang ginoo.
“Wala po ba kayong naipundar na bahay para hindi kayo dito sa kalsada man lang nakatira? Delikado po rito. Bukod pa doon ay sobrang init sa tanghali at sobrang lamig naman sa gabi. Baka po magkasakit kayo,” dagdag pa ng ginang sabay bigay ng tinapay.
“Mabuti ka pa at nag-aalala ka para sa akin. Samantalang ‘yung mga taong nagpakasasa sa pera ko noo’y tingin sa akin ay pabigat. Tinuring na nila akong sumakabilang buhay kaya kahit nadadaanan nila ako rito sa kalye’y wala silang pakialam. Mabuti ka pa! Salamat sa iyo, a!” dagdag pa ni Jessie.
Labis na naaawa si Marites sa sinapit ng ginoo. Minsan ay hindi na talaga siya makapagpigil dahil nakikita niya si Mang Jessie na nangangatog na sa ginaw sa gabi.
Isang araw ay napakalakas ng bugso ng ulan. Agad na pinuntahan ni Marites si Mang Jessie upang kumustahin. Nakita niya itong nakasilong lang at namamaluktot.
“Mang Jessie, baka gusto n’yo pong sumama muna sa akin? Kahit doon lang kayo muna sa garahe namin. Mas ayos po doon kaysa dito sa bangketa. Bibigyan ko rin kayo ng pinaglumaang damit ng asawa ko. Saka para makahigop din kayo ng mainit sa sabaw. Mukhang hindi pa kayo kumakain e,” muling wika ni Marites.
“Maraming salamat sa iyo, Marites! Mabuti ka pa at nag-aalala ka sa akin! Naisip ko bigla ‘yung dati kong bahay. Napakalaki noon at maaliwalas. Kahit buong kamag-anak ko ang magpunta sa doon ay kakasya!” pagmamalaki ng ginoo. “Pero lahat nang iyon ay nawala lang din sa akin! Nang mawala ang lahat ng yaman ko’y tinalukuran na rin nila ako na parang basura!” dagdag pa nito.
Sa tuwing sinasabi ni Mang Jessie ang pagtalikod sa kaniya ng mga kamag-anak ay nayayamot si Marites.
“Totoo pala ‘yung maraming may kakilala sa atin kapag may pera tayo pero estranghero na kapag wala nang pera. Sabagay, wala na kasi silang mapapala sa’yo,” wika ni Marites.
Sa pagtulong na ginagawa ni Marites ay napansin ng mister niyang si Ronald na tila napapalapit na ito kay Mang Jessie.
“Ang kakapal ng mukha talaga ng mga kamag-anak niyang si Mang Jessie. Akalain mong pabayaan na lang siya dahil wala na siyang pera! Dati’y napakarami niyang pera at sobrang galante noong may negosyo pa siya!” anito, apektado na nga ang ginang.
“Marites, napapansin ko na naaapektuhan ka nang masyado sa kwento ng buhay ng lalaking iyan. Bakit ba siya nalugi? Bakit ba nawala ang lahat sa kaniya kung sobrang yaman niya talaga noon? Lagi mong iisipin na laging may kabilang panig ang bawat kwento,” saad naman ni Ronald.
“Malamang ay hinuthutan nila nang hinuthutan ang kawawang ginoo. Noong isang araw nga lang nabalitaan kong nagkaroon ng handaan sa bahay ng kapatid niya. Ni hindi man lang siya inimbitahan. Gusto ko talagang isuplong sa baranggay ang mga ‘yun para mapahiya. Ang lakas ng loob nilang magpakain ng iba gayong ang dating nagpakakain sa kanila’y binabalewala lang nila,” dagdag pa ni Marites.
“Maghinay-hinay ka lang muna, Marites. Huwag mong idamay ang sarili mo sa gusot ng pamilya nila dahil hindi mo alam talaga ang nangyari. Huwag kang basta na lang manghusga!” paalala muli ng mister.
Ngunit taliwas ang ginawa ni Marites. Hindi siya nakinig sa kaniyang asawa.
Tumila na ang ulan at pakikiusapan na sana niya ang matanda na umalis ng kanilang garahe nang mapansin niyang matamlay ito.
“Masama talaga ang pakiramdam ko, Marites. Maaari bang dito na lang muna ako kahit sandali pa?” pakiusap ng ginoo.
“S-sige po, Mang Jessie. Kapag bumuti na lang po ang pakiramdam ninyo saka kayo umalis,” saad ng ginang.
Ilang araw na ang nakalipas at kailangan pa ring manatili roon ng palaboy na matanda dahil hindi pa raw ayos ang pakiramdam nito. Awang-awa si Marites. Isa pa, kailangan nang ipasuri ni Mang Jessie at wala man lang itong mahingan ng tulong.
Sa inis ni Marites ay nagsumbong na siya sa baranggay.
“Ano ba ang kailangan mo sa amin? Bakit mo ba kami ginagambala?” saad ng isang kapatid ni Mang Jessie.
“Bakit hinahayaan n’yo lang na palaboy-laboy sa lansangan itong si Mang Jessie? Dahil ba wala na siyang pera kaya pinababayaan n’yo na siya ngayon? Palibhasa’y wala na kayong mapapala sa kaniya kaya kahit na mag-isa siya sa lansangan ay ayos lang sa inyo? Mga wala kayong konsensya!” galit na wika ni Marites.
“Bakit? Tinanong mo na ba siya kung bakit siya nasa kalsada ngayon at nag-iisa? Marites, wala kang alam sa pinagdaanan ng pamilya namin kaya huwag mo kaming husgahan ng ganiyan!” saad pa ng ginang.
“Nakita ko kung gaanong kayaman dati si Mang Jessie. Maganda ang negosyo niya noon. Kaya naman malapit kayo sa kaniya. Nang malugi ay isa-isa kayong lumayo. Kawawa naman ang ginoo!” muling saad ni Marites.
“Iyan ang alam mo! Pero ang hindi mo alam ay pera rin namin lahat nang iyon! Ang sabi niya sa amin ay mag-invest kami sa negosyo niya. Lahat ng naipundar namin ay ibinigay namin dahil sa sobrang tiwala! Pero ano ang ginawa niya? Nilustay niya sa babae, sugal at inom! Wala siyang ginawa kung hindi magyabang sa kaniyang mga kaibigan. Hanggang sa nagkanda-baon-baon na siya sa utang! Pero tinulungan pa rin namin siyang magkakapatid. Kami pa nga ang nagpa-aral sa mga anak niya. Pero hindi pa rin siya tumigil sa mga bisyo niya. Mantakin mong nangutang pa ako sa bangko para makapagsimula lang siyang muli, pero dinispalko niya ang pera namin! Hindi na siya naawa. Ilang beses namin siyang pinatawad at binigyan ng pagkakataon pero lagi lang niyang sinasayang. Kung bakit siya nasa lansangan ngayon at nag-iisa ay dahil din sa kagagawan niya! Huwag mong palabasing wala kaming kwentang tao at wala kaming konsensya na basta na lang siyang pabayaan ng ganun-ganun lang!” salaysay ng kapatid.
Napahiya tuloy si Marites. Lalo pa nang malaman niyang nagsasakit-sakitan na lang ang ginoo para manatili ito sa garahe nila at makalibre ng pagkain.
“’Di ba’t sinabi ko na sa iyo na palaging may kabilang panig ang bawat kwento? Sana naman ay natutuhan mo na ang iyong leksyon. Huwag kang basta na lang papanig. Talagang nakakaawa ang sitwasyon ni Mang Jessie pero siya rin naman pala ang may kasalanan kung bakit ganyan siya. Ikaw pa tuloy itong mukhang pakialamera at nanghihimasok sa kanilang buhay,” wika ni Ronald.
Humingi ng tawad si Marites kay Ronald at sa mga kaanak ni Mang Jessie. Tuluyan na rin niyang pinaalis sa kanilang garahe ang ginoo. Minsan ay hindi niya maiwasan na abutan pa rin ito ng pagkain at kaunting barya.
Gayunpaman, dalangin niyang tuluyan nang magbago si Mang Jessie nang sa gayon ay makauwi na ito sa kanila.