Itinago ng Ginoo sa Silong ng Bahay ang Asong Napulot Niya sa Lansangan; Isang Mapait na Pangyayari ang sa Kaniya’y Nag-aabang
Panay ang tawag ni Celia sa asawang si Ador upang sabay na silang kumain ngunit hindi niya ito matagpuan, kaya lumabas siya ng bahay at nakita niyang nasa silong ang mister at hinihimas ang asong napulot nito sa daan.
“Nandiyan ka lang pala! Kanina pa kita tinatawag, a! Maghugas ka na ng kamay at kakain na tayo! Hinawak-hawakan mo pa ang aso na ‘yan!” wika ng ginang.
“Nagseselos ka ba, Celia? Pati ba naman sa aso ay nagseselos ka? Aba’t sobra naman yata ang pagkahumaling mo sa akin. Ganun na ba ako kagwapo?” pagbibiro naman ni Ador.
“Tumigil ka na nga riyan at pumasok na tayo sa bahay. Sabi ko sa iyo na huwag mo nang iuwi ang aso na ‘yan dito. Marami na tayong aso, Ador! Ang hilig-hilig mong kumuha ng responsibilidad,” naiinis na wika ng ginang.
“Hayaan mo na nga ako, Celia. Ito na nga lang ang libangan ko. Saka hindi ka ba naaawa sa asong ito? Mukhang pinabayaan na talaga ng kaniyang mga amo. Kaunting paligo lang ito ay gaganda rin. Mabait naman siya. Kanina ko pa nga siya hinihimas pero hindi naman siya mailap. Parang matagal na niya akong kilala,” dagdag pa ng ginoo.
“Huling aso na ‘yan na kukupkupin mo, Ador, a! Sa susunod ay hindi ka na makakapasok pa ng bahay at isasama na kita sa mga ‘yan!” sambit muli ni Celia.
Wala kasing anak ang dalawa kaya nahilig sa pag-aalaga ng mga aso si Ador. Hindi rin naman masagana ang kanilang buhay ngunit labis kasi siyang naaawa kaya binigyan niya ito ng tahanan. Ikinagagalit naman ito ni Celia dahil bukod sa maingay ang kahol ay dagdag gawain pa sa paglilinis at dagdag gastos pa sa pagkain.
Kinabukasan ay aligaga na naman itong si Mang Ador dahil nawawala ang bago niyang alagang aso.
“Baka naman bumalik na sa dati niyang amo. Pabayaan mo na ‘yun, Ador! Mabuti nga’t nakauwi na siya!” wika ni Celia.
“Paano kung hindi pala siya nakauwi? Paano kung nakuha lang siya ng mga tambay at ipinulutan? Matindi pa naman ang mga sunog-baga dito sa atin,” pag-aalala ni Ador.
“Hintayin mo na lang muna hanggang mamayang gabi, tapos ay hanapin mo na lang kinabukasan. Pero kapag hindi mo na makita, Ador, parang-awa mo na at huwag mo nang paglaanan masyado ito ng oras. Tandaan mo ang sinabi ng doktor. Hindi ako maaaring ma-istres kung gusto talaga nating magkaroon ng anak,” dagdag pa ng misis nito.
Pero labis talaga ang pag-aalala ni Ador sa aso. Sa tingin pa niya kasi’y buntis ito.
Ilang araw ang nakalipas at biglang nagbalik ang aso sa kanilang bahay. Masayang-masaya ang ginoo dahil sa wakas ay kumpleto na ang kaniyang mga alaga.
“Celia, tingnan mo at bumalik na si Batik dito. Sabi ko na nga ba’t babalik siya! Naligaw siguro kaya natagalan,” saad ni Ador.
Nang tingnan ni Celia ang aso ay iba ang kaniyang kutob.
“Ayos lang ba ang asong iyan? Mukhang may mali kasi sa kaniya! Sa tingin ko’y huwag mo nang papasukin sa silong. Parang may kakaiba talaga sa kaniya, e!” pangamba ni Celia.
“Sa tingin ko ay wala namang pinagbago. Baka mamaya ay namamalikmata ka lang. Mukha nga siyang masigla at malakas. Sandali lang at titingnan ko si Batik para makasigurado,” saad ni Ador.
Sinuri mabuti ni Mang Ador ang inampong aso. Wala naman siyang nakitang kakaiba kung ‘di malaki ang tiyan nito.
“Buntis pala si Batik kaya siguro nakita mo na parang matamlay. Sigurado akong magaganda ang magiging anak niya dahil mukhang may lahi talaga ‘yung si Batik, e!” kwento pa ng mister.
“Ador, paano na lang kung magkaanak na tayo? Hindi na p’wedeng maraming hayop dito sa bahay natin. Ayaw ko nang nag-uuwi ka pa ng mga aso dito. Hindi mo rin alam kung ligtas nga ba sila. Pabakunahan mo kaya ‘yang si Batik para makasigurado ka?” suhestiyon ni Celia.
“Hindi na kailangan pa, Celia. Mukhang malusog naman itong si Batik saka ang mga nagkakasakit na aso lang ay ‘yung nakagat ng kapwa aso na may sakit! Nang matagpuan ko naman si Batik ay nasa gilid lang siya ng kalsada at parang may hinihintay,” wika muli ng ginoo.
“Hindi talaga ako panatag, Ador. Kung ayaw mong palaboy-laboy siya’y ibigay mo na lang sa awtoridad. Alam nila ang dapat gawin sa mga asong buntis,” giit pa ni Celia.
Para kay Ador ay walang kwenta ang sinasabi ng kaniyang misis. Gastos pa kasi kung pababakunahan ang aso gayong sigurado siyang malinis naman ito.
Isang buwan ang lumipas at patuloy ang pagtatalo ng mag-asawa tungkol kay Batik. Naging matigas ang ulo nitong si Ador at ayaw niyang makinig sa kaniyang asawa.
Isang umaga ay tuwang-tuwa si Celia na sabihin sa asawa ang magandang balita.
“Ador! Ador! Pumasok ka nga dito sa bahay at may sasabihin ako sa iyo!’ malakas na sigaw ni Celia.
Dali-daling tumakbo papasok ng bahay ang ginoo sa labis na kaba.
“Anong nangyari, Celia, may masakit ba sa iyo?” bungad ng mister.
“Ador, magandang balita ito. Magiging tatay ka na! Buntis ako!” halos mapatalon sa galak ang dalawa.
Nang araw ding iyon ay nagpasuri si Celia sa doktor. Pinasuri rin niya ang labis na pagbanging niya at kati sa balat. Napag-alaman na may allergy pala siya sa balahibo ng hayop.
“Ador, kailangan na nating pakawalan ang mga aso natin. Kahit si Batik ay kailangan nang umalis muna. Kung ayaw mo’y ipaampon natin sa iba,” pakiusap ni Celia.
Subalit naging matigas na naman ang ulo ni Ador. Imbes na ipamigay o dalhin sa awtoridad ay tinago ng ginoo si Batik sa silong. At doon pa ito nanganak.
Tuwang-tuwa si Ador habang pinagmamasdan niya isa-isa ang mga tuta. Ngunit paghawak niya sa isa sa mga ito’y bigla siyang kinagat ni Batik.
“Aray ko, Batik! Bakit ka naman nangangagat! Gusto ko lang namang tingnan ang mga anak mo,” sambit ni Ador.
Nang marinig niya ang tawag ng asawa’y dali-dali siyang nagtungo rito inilihim ang nangyari. Pinadugo lamang niya ang sugat gawa ng kagat sa kaniyang daliri.
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Celia sa asawa.
“Ayos lang ako. Natinik lang ako ng halaman kanina. Pero ayos naman na ako. Pinadugo ko na lang nang pinadugo,” tugon nito.
Walang kamalay-malay si Celia sa nangyari sa kaniyang mister. Ilang araw pa at natuklasan niyang naroon pa rin pala ang asong si Batik at mayroon pa itong anak. Naging sanhi nito ang mga allergies sa kaniyang katawan.
“Hindi ba’t sinabi ko nang ilayo mo na rito ang asong iyan? Sa tingin pa lang niya ay mukha na siyang agresibo. Mukhang hindi rin ayos ang pakiramdam niya! Paalisin mo na ‘yan dito, Ador, baka mamaya ay kami naman ang magkasakit ni baby,” sambit ng ginang.
“Celia naman, kakapanganak lang niya, kapag inalis ko sila rito’y kawawa naman sila!” saad ni Ador.
Pilit na pinagtatanggol ni Ador ang pagtira doon ng aso.
Kinabukasan ay napansin ni Celia na nilalagnat ang asawa.
“Ayos ka lang ba, Ador? Mukhang hindi maganda talaga ang pakiramdam mo. Gusto mo bang dalhin kita sa doktor? Wala ka namang sipon. Wala ka namang ubo. Maayos naman din ang tulog mo kahapon, ‘di ba? Ano kaya ang sanhi ng pagkakasakit mong iyan?”
“Normal lang naman ang lagnatin, Celia, huwag ka nang mag-alala at baka may mangyari pang masama sa baby natin, e! Ayos lang ako!” wika ni Ador.
Habang nasa bakuran itong si Celia ay napansin niyang kakaiba ang kinikilos ng alaga nilang aso pati mga anak nito. Takot ito sa tubig at parang naglalaway. Dito na kinutuban ang ginang.
“Ador, nakagat ka ba ni Batik? Umamin ka sa akin, Ador, nakagat ka ba?” sigaw nito.
Sandaling hindi umimik ang ginoo. Ngunit nang patuloy sa pag-iyak si Celia ay inamin na rin niya ang totoo.
“Noong isang araw pa ako nakagat ni Batik. Pero hinugasan ko namang maigi. Pinadugo ko rin,” sagot ni Ador.
Napaluha na lang si Celia. “Sa tingin ko ay may rabis ang asong ‘yun, Ador. Tara na at dadalhin na kita sa ospital upang bigyan ka ng lunas,” pagtangis ng ginang.
Pagdating sa ospital ay tinapat na si Celia ng mga doktor.
“Hindi na mapipigilan pa ng bakuna ang pagkalat ng rabis sa kaniyang utak. Dapat po ay dinala na siya kaagad rito. Pasensya na po, misis, pero kailangan na po nating i-isolate ang asawa ninyo. Ilang oras pa ay maaari na siyang mawala sa kaniyang sarili,” saad ng doktor.
Iyak nang iyak si Celia habang nakatingin siya sa asawa. Napatingin din siya sa kaniyang sinapupunan kaya lalo siyang napaiyak.
Hindi nga nagkamali ang mga doktor at ilang oras lang ay tuluyan nang nawala sa kaniyang sarili si Ador. Kitang-kita ni Celia kung paano nito saktan ang kaniyang sarili. Para rin itong isang asong nauul*l.
Nagsisilakbo ang damdamin ni Celia dahil nagwakas lang nang ganoon ang pag-iibigan nila ni Ador. Ang pagkahilig pala nito sa aso ang tatapos ng buhay nito. Kasabay ni Ador ay tuluyan na ring binawian ng buhay si Batik.
“Kay tagal nating hinintay ang magka-anak, Ador. Hindi ko akalain na sa ganito lang hahantong ang ating pagsasama! Bakit kasi ang tigas ng ulo mo?!” napaluhod na lang si Celia sa labis na lungkot habang pinagmamasdan niyang inaabo ang kaniyang yumaong asawa.