Kinaawaan ng Binata ang Pasyenteng Sunog na nga ang Mukha ay Wala pa sa Tamang Katinuan; Maluluha Siya sa Totoong Pagkatao Nito
Malapit nang magtapos bilang estudyante ng Psychology si Paulo. Ngayon ang training niya sa isang mental institution bilang bahagi ng kurikulum sa kanilang eskwelahan.
“Bakit ba kasi Psychology pa ang kinuha mong kurso? Ang gusto ng mama mo ay maging abogado ka o doktor pero ang tigas ng ulo mo at iyan pa rin ang pinili mong kunin sa kolehiyo. Ayan tuloy, kinakailangan mo pa tuloy mag-training sa mental hospital na puro mga baliw ang makakasalamuha mo,” sabi ng pinsan niyang si Karlo.
Napangiti lang ang binata. “Alam mo naman noon pa na gusto ko ang kursong ito. Dito ako masaya eh, sa pag-aaral ng tungkol sa utak ng tao, kaya kahit kontra si mama ay sinunod ko pa rin ang puso ko. Hayaan mo na insan, makaka-gradweyt na naman ako. Basta makumpleto ko lang ang kailangang oras sa training ko,” sagot niya.
“Iyan ba ba talaga ang dahilan o may iba pa?” tanong ng pinsan niya.
Naging seryoso ang mukha ng binata.
“B-Baka sakaling sa pagte-training ko roon ay malaman ko kung ano ang sagot sa tanong ko nung bata pa ako kung bakit iniwan kami ni papa. Gusto kong malaman kung ano ang nasa pag-iisip niya kung bakit hindi na niya kami binalikan ni mama,” sabi niya.
“Hanggang ngayon pa ba ay hindi ka pa rin nakaka-move on, insan?” tanong ni Karlo.
“Buti sana kung wala pa akong isip noon, eh kaso meron na kaya nakatatak pa rin sa utak ko ang pang-iiwan ng walang kwenta kong ama sa aking ina,” aniya. Maya maya ay biglang tumawa ang binata. “Naku, tigilan na nga natin ‘yan, naiinis lang ako pag napag-uusapan ‘yan. Sige na insan, una na ako, baka ma-late ako sa first day ng training,” sabi niya bago tumalikod at umalis na.
Habang nasa biyahe ay hindi pa rin maalis sa isip ni Paulo ang naungkat kanina ng pinsan niya.Walong taong gulang siya noon nang iwan sila ng papa niya para magtrabaho sa abroad. Nangako ito sa kanila ng mama niya na babalik pagkatapos ng dalawang taong kontrata sa ibang bansa pero lumipas ang dalawang taon hanggang sa kasalukuyan ay hindi na ito bumalik. Ni walang tawag o sulat silang natanggap mula rito. Nahinto rin ang pagpapadala nito ng pera sa kanilang mag-ina.
Natatandaan niya na sobrang nasaktan at kawawa noon ang mama niya dahil hindi nito alam kung paano siya bubuhayin, pero matatag ito, naghanap ang kaniyang ina ng trabaho para sa kanila. Iginapang nito ang pag-aaral niya hanggang sa kolehiyo. Mas lalo niyang minahal ang ina dahil sa ginawa nitong pagsasakripisyo. Kaya nga nagkaroon siya ng galit at sama ng loob sa papa niya. Maraming tanong ang tumatakbo sa isip niya tungkol dito. Bakit hindi na sila nito binalikan? Hindi na ba sila nito mahal kaya inabandona na sila? Dapat sana sinabi na lang ng kaniyang ama na ayaw na nito sa kanila, na mayroon na itong ibang pamilya kaya iniwan sila, baka matanggap pa niya. Bigla niya tuloy naalala ang ilang taon na hindi nila kasama ang ama sa mga espesyal na okasyon lalo na ang kaarawan niya. Mayroon palang magulang na kayang tiisin ang anak?
Nagising siya sa pag-iisip nang mapansing bababa na pala siya sa dyip dahil malapit na ang ospital na pupuntahan niya. Ilang minuto lang ay narating na niya ang sadya. Pagdating niya roon ay sinalubong siya ng isang babaeng nars.
“Good morning, Ako si Nurse Gin. Ako ang mag-a-assign sa iyo sa isang pasyente na kailangan mong pag-aralan at gawan ng report. Isa ito sa mga requirement sa training mo kaya pagbutihin mo, okey?” sabi nito.
Kinakabahan siyang tumango, hindi niya inasahan na matotoka agad sa kaniya ang isang pasyente roon. Pero para sa kaniya ay malaking hamon ito para mas lalo niyang maunawaan ang kalagayan ng isang pasyente na nasa mental.
Dinala siya ng nars sa isang kwarto. Pagpasok nila roon ay sumalubong agad sa kanila ang mabahong amoy. Halos maduwal siya nang makitang nagkalat sa lapag ang ihi at dumi ng tao. Mahigpit na nagtakip ng ilong ang binata. Nakita niya ang isang may edad na lalaki na nakaupo sa gilid ng kama. Nakatalikod ito kaya hindi niya mahagip ang mukha.
“Hindi po ba siya nananakit?” tanong niya.
Umiling ang nars. “Di tulad ng iba rito, maayos ang lagay ng pasyenteng naka-assign sa iyo. Mabait siya at hindi nananakit. Siya si Potpot, mahilig siyang magkuwento ng kung anu-ano, maaari mo siyang kausapin, makipagkuwentuhan ka rin sa kaniya.”
Tumango si Paulo, nilapitan at kinausap na niya ang lalaki. Nagulat pa siya nang makita ang sunog nitong mukha, pero saglit lang iyon dahil mas nanaig pa rin sa kaniya ang awa sa pasyente. Matinding trahedya siguro ang pinagdaanan nito kaya napunta ito sa ganoong sitwasyon.
“Hello, anong pangalan mo?” tanong niya.
“Potpot,” tanging sagot ng lalaki.
Nag-isip siya ng susunod na itatanong.
“A-ano ang iniisip mo ngayon, Potpot? Pwede ko bang malaman?” sabi niya.
“Mag-ina ko,” tugon nito na hindi pa rin nakatingin sa kaniya. Nakatulala lang ito.
“Bakit, nasaan ba ang mag-ina mo?” tanong niyang muli.
Umiling ang babae. “‘Di ko alam, kaya nga iniisip ko kung nasaan na sila, eh,” anito tapos ay hindi na nagsalita pa.
Ilang araw na ang lumipas pero hindi pa rin siya nakakagawa ng report tungkol sa pasyenteng naka-assign sa kanya. Tila kasi wala sa mood magkuwento si Potpot. ‘Di nga rin daw maintindihan ng nars na si Gin kung bakit naging tahimik ito samantalang madaldal daw ito at palaging nakikipag-usap kung kani-kanino. Kailangan na niyang gumawa ng paraan para makakuha ng impormasyon kay Potpot, para matapos na niya ang report.
Kinaumagahan nang puntahan niya ito ay nakita niyang may iginuguhit ito sa papel.
“Ano ‘yang dino-drawing mo?” tanong niya.
“Ang mag-ina ko. Ito ang asawa ko at ito naman ang anak ko,” sagot ng lalaki sabay turo sa iginuhit.
Hindi naman maintindihan ni Paulo ang idinrawing nito sa papel dahil parang mga patpat lang iyon na hugis tao. Isang babae at isang bata.
“Kwentuhan mo naman ako tungkol sa kanila,” aniya.
Tumingin sa kaniya si Potpot at ngumiti.
“Sige na nga, kwentuhan kita…meron ako asawa na napakaganda at beybi boy na napakapogi pero iniwan ko sila, eh, punta ako malayo tapos hindi na ako nakabalik,” habang nagkukuwento ay bigla na lang humagulgol ang lalaki.
Sakto naman na dumating ang nars na si Gin at naabutan sila.
“O, bakit siya umiiyak?” tanong nito.
At ipinagpatuloy ng lalaki ang pagsasalita.
“Kawawa naman ang beybi Paulo ko, hindi ko na nabalikan,” saad pa ni Potpot na mas lalong umatungal ng iyak.
Tumawag ang nars ng iba pang kasama para pakalmahin ang lalaki. Niyaya muna siya nitong lumabas sa kwarto.
Sa nangyari ay biglang kinabahan si Paulo, hindi niya alam kung ano ang nararamdaman nang banggitin ni Potpot ang pangalan ng anak nito at kaparehas pa ng pangalan niya. Ewan ba niya pero hindi siya mapakali kaya hiningi niya ang record nito sa nars na si Gin. Ilang sandali lang ay iniabot nito ang mga dokumento tungkol sa pasyente pero agad niyang nabitiwan iyon nang mabasa ang totoong pangalan ni Potpot – Policarpio Pastrano.
“Diyos ko, siya ang tatay ko!”
Napag-alaman nila na hindi ginusto ng kaniyang ama na hindi sila balikan ng mama niya, nagkaroon ng aksidente noon sa pinagtatrabahuhan nitong pabrika, nasunog ang lugar at tanging ang papa lang niya ang nakaligtas. Nagtamo ito ng malubhang sunog sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ang masaklap ay pinagkatuwaan pa ito ng mga dayuhang imbes na tulungan ay pinagbubugb*g pa ito at pinahirapan. Iyon rin ang dahilan kung bakit natulala ito nawala sa katinuan, nagmagandang loob ang ilang OFW na iuwi ang ama sa Pilipinas pero dahil hindi matawagan ang pamilya ay dinala na lang sa mental institution. Dahil nga ang palaging bukambibig ng papa niya ay ‘Potpot’ iyon ang tinawag rito ng mga nars at staff. Naalala ni Paulo na ang mga panahon na nangyari iyon sa kaniyang ama ay naghihirap sila ng mama niya kaya naibenta nila ang kanilang bahay at umupa na lang sa maliit na apartment.
Nang malaman ang totoo ay dali-dali niyang pinuntahan ang papa niya at niyakap ito.
“Papa, ako po si Paulo ang beybi boy mo. Miss na miss ka na namin ni mama. Sorry po kung nagalit ako sa iyo, hindi ko alam na mabigat pala ang pinagdaanan mo,” lumuluha niyang sabi.
Laking tuwa ng mama niya nang makita ang papa niya, pinagtulungan nila itong alagaan hanggang sa unti-unti itong gumaling. Ang lahat ng sama ng loob niya rito ay napawing lahat dahil nalaman niyang kahit nawala ito sa katinuan ay sila pa rin ng mama niya ang nasa isip at puso nito kaya nga bumawi siya sa mga panahon na ‘di ito kasama.
Nang makagradweyt siya ay inihandog niya sa mga magulang ang kaniyang diploma. Pinatigil na rin niya sa pagtatrabaho ang mama niya dahil mayroon na siyang permanenteng trabaho. Mula noon ay masaya na silang namuhay dahil sa wakas ay kumpleto na ulit ang kanilang pamilya.