Pinagtangkaang Lasunin ng Lalaki ang Kapatid na Lumpo na nga ay May Diperensya pa; Sa Kaniya Tumalbog ang Masama Niyang Balak
Panay ang irap ng asawa ni Bojo habang kausap ng lalaki ang nakatatandang kapatid sa kabilang linya.
“Naiintindihan mo ba ang sinasabi mo, Ate Amy? Gustong mong dalhin diyan si Tommy? Mahihirapan ka lang sa kaniya, kami nga rito hirap na sa pag-aalaga sa kaniya tapos dadalhin pa diyan sa Amerika?” sabi ng lalaki.
“Kasi naman ay gusto ko ring makita at maalagaan ang bunso natin. Hindi naman ako makakauwi pa diyan dahil marami akong trabaho rito. Sayang ang malaki kong sahod dito sa L.A. ‘di tulad diyan sa Pilipinas na kulang na kulang ang sahod ko para sa ating lahat,” sagot ni Amy.
Totoo naman ang sinabi ng ate niya, mas malaki ang kinikita nito sa abroad kaysa kapag nasa Pilipinas ito. Kapag umuwi ito ay mapuputol ang sustento nilang mag-asawa. Ang babae ang halos bumubuhay sa kanila pero ang kapalit ay ang alagaan ang bunso nilang kapatid na may problema na nga sa pag-iisip ay lumpo pa.
Mula nang pumanaw ang mga magulang ng magkapatid na Bojo at Amy ay naiwan na sa kanila ang responsibilidad na alagaan ang kapatid nilang si Tommy. Beinte singko anyos na ang binata pero sampung taong gulang ang isip nito, sa madaling salita ay autistic. Bukod doon ay ipinanganak pa itong walang mga binti kaya hindi ito nakakalakad. Naka-upo lang ito sa wheelchair. Pero kahit isip bata ay nakakaintindi naman ito.
Suwerte nga ng mag-asawang Bojo at Leilani dahil libre na ang kanilang bahay, pagkain, tubig at kuryente, buwan-buwan pa silang may allowance galing kay Amy kaya wala na silang pinoproblema sa mga gastusin at sunod na sunod pa ang luho nila. Mula kasi nang mag-abroad ang babae ay nag-resign na sa trabaho si Bojo at umasa na lang sa mga padala ng kapatid. Wala rin kasing trabaho ang misis, umaasa lang din ito sa lalaki at sa biyayang dumarating sa kanila.
“Hayaan mo na sa pangangalaga namin si Tommy. Saka malulungkot kami kapag nawalay siya sa amin. Alam mo naman na wala pa kaming anak ni Leilani kaya kay Tommy namin ibinubuhos ang lahat ng aming atensyon at pagmamahal. Dumalaw ka na lang rito kapag pinayagan ka na magbakasyon, so, ano ingat ka na lang diyan ha, ate? Huwag mo palang kalimutan iyong sampung libong hinihingi ko ha? Pambili ng mga vitamins iyon ni Tommy,” pahabol niya pa.
“Ang laki naman! Kakapadala ko lang nung nakaraang araw, a!” sagot ng babae sa kabilang linya.
“Ganoon talaga, mahal ang mga vitamins na iniinom ni Tommy. Ano? Makakapagpadala ka ba?”
“Okey sige, ipadala ko bukas. Basta ha, aalagaan ninyong mabuti si Tommy. Ihalik mo na lang ako sa kaniya ha?” sabi ng kapatid.
“Thank you, ate, sige na at papaliguan ko pa si Tommy. Bye!” saka ibinaba na ng lalaki ang telepono.
Abot tainga naman ang ngiti ng mag-asawa dahil nauto na naman nila ang kapatid. Hindi naman totoong ipambibili nila ng vitamins ang hinihinging pera, ang totoo ay ipanglalakwatsa lang nila iyon sa mall, ipangsa-shopping at ipampapanood ng sine.
Kadalasan ay hindi naman talaga nila napapainom ng vitamins ang bunsong kapatid, pakialam niya sa lumpong kulang-kulang na iyon.
“Ano raw ang sabi ng ate mo?” nakasimangot na sabi ni Leilani nang matapos ang tawag.
“Gustong dalhin roon sa Amerika si Tommy! Paano na tayo pag nangyari iyon? Sabi ko tuloy kapag pinayagan siya sa pinagtatrabahuhan niyang magbakasyon edi doon nalang siya bumisita rito.”
“G*go ka talaga, ano? Bakit sinabi mong magbakasyon na lang dito ang ate mo? Hindi ka talaga nag-iisip! Kapag nagbakasyon dito ang kapatid mo, hindi pwedeng makita ka niyang walang trabaho. Mamaya ay maghinala sa atin iyon,” nakasimangot na sabi ng misis niya.
Napakamot naman sa ulo niya si Bojo. “Madali na namang gawan ng paraan iyon, eh…saka ko na iisipin iyon kapag nandiyan na,” sagot niya.
“Ewan ko sa iyo! Pero tama ka naman, hindi talaga pwedeng kunin ng ate mo si Tommy dahil malaki mawawala sa atin, siguradong babawasan niya ang allowance natin.”
Saglit na napaisip si Bojo. “Pero teka, kung tutuusin ay malaki na rin naman ang nahuhuthot natin kay ate. Mayroon na nga tayong naipon sa bangko, di ba? So, kahit dalhin niya ang kulang-kulang naming kapatid sa abroad ay okey lang.”
“Oo nga! Kahit paano ay may naibangko na tayo sa mga padala ng kapatid mong uto-uto. Sapat na iyon para sa atin, kaya naisip ko tuloy na bakit pa tayo nagpapakahirap na alagaan ang kulang-kulang na Tommy na iyon?” wika ng asawa.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ng lalaki.
“Kahit kailan ang hina mo, ano? Kapag nawala na sa landas natin ang kapatid mong si Tommy, wala ka nang kahati dito sa bahay ng ate mo, siguradong sa iyo na ito mapupunta dahil tiyak namang sa Amerika na siya maninirahan,” tugon ng misis na may mala-dem*nyong ngiti sa mga labi.
Sa sinabi ni Leilani ay napangisi si Bojo.
“Ang galing mo, darling! Bakit hindi ko naisip iyon?” aniya.
Pinlano ng mag-asawa na lasunin ang kapatid na may dipresensya, palalabasin nilang binangungot ito at hindi na nagising. Magiging kanila na ang bahay at ang perang nahuthot nila kay Amy ay gagamitin nila sa pagtatayo ng negosyo. Ang wais ng naisip nila, ‘di ba?
“Makikipaglaro ako kunwari kay Tommy, habang ipinapasyal ko siya sa labas ay ibudbod mo itong lason sa juice niya. Sa kaniya ang kanang baso at sa akin naman ang kaliwa ha? Kapag umepekto na ang lason ay tiyak na mangigisay na lang si kulang-kulang tapos kapag t*pok na ay ihihiga natin sa kama. Ako naman ay gigisingin ko siya kunwari, ikaw naman ay magsisigaw at hihingi ng tulong sa mga kapitbahay. Kapag napainom na natin sa kaniya ang juice ay agad mong itapon sa lababo ha, pati ‘yung lason ay itapon mo rin para walang ebidensya,” paliwanag ni Bojo sa asawa.
Sunud-sunod namang tumango ang misis. Nakangisi pa ito habang inilalagay sa tinimplang orange juice ang lasong ibinigay niya.
“O, Tommy bunso, pinagtimpla tayo ng Ate Leilani mo ng orange juice,” wika ni Bojo.
Natuwa naman ang kapatid niya. “Talaga, kuya ko? Gusto ko ‘yan! Sarap-sarap ng juice, eh!”
“Oo, kaya inumin mo na ‘yan. Ako rin oh meron din, sabay tayong iinom ha? Cheers!” sabi ni Bojo sabay inom sa basong may juice. Kasunod na uminom ay ang kapatid niya.
Kay tamis pa ng pagkakangiti ng lalaki habang nakikitang nilalagok ng kapatid ang juice na may lason pero ilang saglit lang ay bigla na lang nakaramdam ng pagkahilo si Bojo.
“L-Leilani! A-anong g-ginawa m-mo?” tawag niya sa misis.
Pagkatapos ay unti-unting nagdilim ang kaniyang paningin, kasabay ng pagbula ng bibig niya at pangingisay ng kaniyang katawan. Ang huli niyang nakita ay ang nagtataka niyang kapatid at natatarantang si Leilani.
Humingi ng tulong ang kaniyang asawa sa mga kapitbahay para maisuod siya sa ospital pero hindi na siya umabot doon nang buhay. D*d on arrival siya. Lingid sa kaalaman ni Bojo ay nagkamali ng lagay ng lason ang asawa niya, imbes na sa baso ng kapatid niya iyon nailagay ay sa baso niya. Habang nagtitimpla ng juice si Leilani ay panay kasi ang kalikot nito sa selpon kaya hindi tuloy tama ang pagkakalagay ng lason. Ang resulta, siya ang nat*gok at hindi ang kulang-kulang niyang kapatid.
Sa sobrang takot ay umamin si Leilani sa masama nilang plano kay Tommy kaya kulungan ang kinabagsakan ng babae.
Hindi makapaniwala si Amy na nagawang pagtangkaan ni Bojo ang kanilang kapatid. Ang ginawa ng babae ay kinuha na niya si Tommy at dinala na sa Amerika para doon na rin ito tumira at para maalagaan na rin niya ito.
Ipinakita sa kwento na hindi kailanman nagtatagumpay ang gawaing masama. Maging mabuti sa kapwa para hindi bumalik sa iyo ang karma.