
Ikinahiya ng Lalaki ang Lihim na Natuklasan Niya Ukol sa Kapatid; Isang Babae ang Nagbukas ng Kaniyang Isipan
“Hi, Erin!”
Matamis na ngiti ang ipinukol ni Kenji sa babaeng kaniyang napupusuan.
“Hello, Kenji,” mahinhin na bigkas naman nito sa pangalan niya.
Lalong lumawak ang ngiti niya. Tinig pa lang kasi ng dalaga ay sapat na upang kumabog nang husto ang puso niya.
“Pauwi ka na? Hatid na kita,” alok niya.
Tila nahihiyang ngumiti ito.
“Pasensya ka na ha? May hinihintay kasi ako…” sabi nito bago nanghahaba ang leeg na sumilip sa loob ng opisina kung saan sila nakatayo.
Nanghihinayang man ay hindi na siya nagtagal doon. Pinakaiiwas-iwasan niya kasi ang opisina na ‘yun, kung saan nagtatrabaho ang kaniyang Kuya Harold.
Nasa iisang kompanya sila, ngunit parati niyang sinisiguro na hindi sila magtatagpo. Ayaw niya kasing malaman ng iba na magkapatid sila.
Bakit? Dahil natuklasan niya ang lihim nito. Simula noon ay namuhi at nandiri na siya sa kapatid na minsan niyang inidolo.
Limang taon na ang nakalilipas simula noong aksidente niyang mahuli ang kaniyang kuya na may kahalikan.
Wala naman sanang isyu sa kaniya na magkaroon ito ng karelasyon, ngunit nanlamig siya nang makita na isang lalaki ang kahalikan ng kapatid niya.
Simula noon ay umiwas na siya sa kapatid. Kung maibabalik niya nga lang ang mga sakrispisyo nito para sa kaniya ay gagawin niya. Ayaw niyang magkaroon ng utang na loob dito.
Ang kaso ay hindi naman niya magagawa iyon. Kaya wala siyang ibang magawa kundi ang umiwas na lang dito.
Maraming beses itong sumubok na kausapin siya. Ngunit hindi niya kayang harapin ito, dahil hindi niya tanggap ang pagkatao nito.
Mabuti na nga lang at hindi nito inihahayag ang katauhan. Sa opisina ay lalaking-lalaki ang kuya niya, at mataas ang katungkulan nito.
“Grabe, ang gwapo at ang bait ni Sir Harold, ano? Ang swerte ng magiging girlfriend niya!”
Napaismid na lang si Kenji nang maulinigan ang usapan ng mga kinikilig na kababaihan. Kung alam lang ng mga ito ang lihim ng kuya niya!
Kinabukasan ay muli silang nagtagpo ni Erin. Gaya ng nakaraang araw ay nakatanaw ito sa loob ng opisina at tila may hinihintay.
“Erin, may hinihintay ka ulit? Yayayain sana kitang mag-date…” nahihiya man ay ungot niya sa dalaga.
Bumaling sa kaniya ang dalaga bago bumuntong hininga.
“Sige, kailangan din kitang makausap,” pagpayag nito.
Sa isang coffee shop nila napili na mag-usap. Doon ay may sinabi ang dalaga na dumurog sa puso niya.
“Kenji, alam ko na gusto mo ako. Pero ayaw ko naman na paasahin ka. Sa totoo lang ay may iba na akong nagugustuhan…” pag-amin nito.
“Sigurado ka ba na mamahalin ka niya gaya ng pagmamahal ko sa’yo?” malungkot na tugon niya.
Tipid na ngumiti ang dalaga.
“Ang totoo niyan ay hindi ko alam. Hindi pa ako nagtatapat sa kaniya…”
Kumislap ang mata ng babae.
“Napakabait niya, Kenji. Sobrang maayos ang pakikitungo niya, kahit doon sa mga mas mababa ang posisyon sa kaniya. Nabalitaan ko rin na siya ang nagtaguyod ng nakababata niyang kapatid…”
Bumundol ang kaba sa dibdid niya. Tila may ideya na siya kung sino ang tinutukoy nito.
“Pwede ko bang malaman kung sino ang maswerteng lalaki?” alanganing tanong niya.
Matamis ang naging ngiti nito.
“Si Sir Harold.”
Tila siya pinagsakluban ng langit at lupa. Sa lahat ng pwede nitong magustuhan, bakit ang Kuya Harold niya pa?
Ilang sandali siyang natulala bago nagkaroon ng bagong ideya. Ibubunyag niya ang maduming lihim ng lalaki.
“Si Sir Harold? Alam mo ba na may nakakita sa kaniya na may kahalikan na lalaki? Ang usap-usapan ay b@kla raw siya…” bulong niya.
Imbes na madismaya ay natawa ang dalaga.
“Naku, sino naman kaya ‘yang nagpapakalat ng tsismis?” naiiling na komento nito.
“Pero kung totoo man, ano naman kung b@kla siya? Masamang bagay ba ‘yun? Isa siyang disente at mabuting tao. Sigurado ako na tatanggapin siya ng lahat, at sigurado ako na mamahalin pa rin siya ng pamilya niya. At patuloy ko pa rin siyang gugustuhin,” punong-puno ng kasiguraduhan na pahayag ng kaharap niya.
Naiwan na nakatulala si Kenji. Tila umaalingawngaw pa rin sa isip niya ang sinabi ni Erin.
“Isa siyang disente at mabuting tao. Sigurado ako na tatanggapin siya ng lahat, at sigurado ako na mamahalin pa rin siya ng pamilya niya.”
Paulit-ulit na umukilkil sa isip niya ang mga naging sakrispisyo ng kuya niya.
Ito ang tumayong ama ng tahanan nang pumanaw ang ama nila. Ito ang nagbigay ng buhay na pinapangarap ng kanilang ina.
Higit sa lahat, ito ang nagsilbing matalik niyang kaibigan at sandigan noon. Iginapang nito ang pag-aaral niya.
Ngunit ano ang isinukli niya? Pinandirihan niya ang taong nagtaguyod sa pamilya nila.
Bago pa namalayan ni Kenji ay tumulo na ang kaniyang luha. Napagtanto niya na ang malaki niyang pagkakamali.
Wala siyang inaksayang sandali. Agad niyang tinungo ang tirahan ng kaniyang kapatid.
Nang buksan nito ang pinto ay sinugod niya ito ng isang mahigpit na yakap.
“Sorry, Kuya. Sorry kung hindi kita naunawaan at sinuportahan noon. Pero ngayon ay naiintidihan ko na. At tanggap na tanggap ko na kung sino ka,” umiiyak na bulalas niya.
Wala siyang narinig na anumang panunumbat sa kapatid. Ang tanging nakita niya sa mga mata nito ay saya. Saya dahil muli nang manunumbalik ang solido nilang samahan.
Masaya si Kenji sa naging takbo ng tadhana. Hindi man napasakaniya ang pag-ibig ni Erin, may nakuha naman siyang bagay na higit na mas mahalaga—pamilya.

Galit na Galit ang mga Pasahero sa Isang Lolang Pinagmumulan ng Mabahong Amoy sa Loob ng E-Jeepney; Napahiya Sila sa Sinabi ng Isang Batang Babae
