Inday TrendingInday Trending
Simple Man ang Kaniyang mga Kustomer ay Ginawaran Niya ang mga Ito ng Magandang Serbisyo; Nakaligtas Tuloy Siya sa Isang Kaawa-awang Sitwasyon

Simple Man ang Kaniyang mga Kustomer ay Ginawaran Niya ang mga Ito ng Magandang Serbisyo; Nakaligtas Tuloy Siya sa Isang Kaawa-awang Sitwasyon

“Isa-isa nang nagdadatingan ang mga kustomer. Ayusin niyo na ang mga sarili niyo dahil baka mamaya tat*nga-t@nga na naman tayo at magalit ang kustomer,” mataray na paalala ni Shane, bago siya hayagang tinapunan ng tingin.

Napayuko si Leila sa hiya. Noong isang linggo kasi ay nasigawan siya ng isa sa mga kustomer dahil aksidente niyang matapon sinasalin niyang juice sa lamesa. Simula noon ay madalas na siyang paringgan ng babae, at halos sa kaniya na lang ito nakatutok.

Bago nga sumapit ang alas otso ay halos puno na ang restawran. Bawat isa ay hindi magkandaugaga sa pag-asikaso ng mga mesa kung saan sila nakatoka.

Bumukas ang pinto ng restawran. Pumasok roon ay isang may edad na pares, sa tingin niya ay mag-asawa. Isang tingin pa lang ay nahinuha niya na na may sinasabi sa buhay ang mag-asawa na may seryosong ekspresyon sa kani-kanilang mukha.

Lalapitan niya na sana ang mag-asawa, ngunit agad siyang pinigilan ni Shane.

“Saan ka pupunta?” mataray na tanong nito.

Tinuro niya ang mag-asawa na kapapasok lang.

“Eestimahin ko ‘yung bagong dating,” sagot niya.

Umirap ito bago siya inunahan sa paglapit sa mag-asawa.

“Ako na ang bahala sa mag-asawa. Lapitan mo na lang ‘yung pamilya roon sa sulok,” utos nito bago inginuso ang isang mag-anak na tila kauupo lang din.

“P-pero kustomer mo sila. Bakit mo ipinapasa sa’kin?” bahagyang reklamo niya sa kasama.

“Ayoko sa kanila. Mukhang mga walang pera. Baka mamaya wala pa akong makuhang tip,” walang gatol na sagot nito bago nagmamadaling naglakad palapit sa mga bagong dating.

Napapailing na nilapitan niya ang pamilya na itinuro ng kasama.

“Pasensya na po at mukhang kanina pa kayo naghihintay. Ako po ang mag-aasikaso sa inyo ngayong gabi,” nakangiting sabi niya nang makalapit sa mesa.

Ngumiti ang matandang babae.

“Naku, hija! Walang problema. Inaasahan na naming magiging abala kayo dahil sikat ang restawran na ito,” anang babae.

“Isa pa, walang makakasira sa gabing ito. Anibersaryo kasi naming mag-asawa,” kwento naman ng matandang lalaki.

Nang sipatin niya ang dalaga, na pinagpalagay niyang anak ng mag-asawa, ay may tipid na ngiti rin sa labi nito.

Lalo lamang lumawak ang ngiti ni Leila. Dahil mamahalin ang restawran na pinagtatrabahuhan nila, kadalasan sa mga kustomer doon ay hindi maganda ang pag-uugali.

Subalit ibang-iba ang pamilya na kaharap niya. Mukhang mababait ang mga ito.

Ilang sandali siyang naghintay na maka-order ang mga ito bago siya nagpaalam.

“Babalik po ako dala ang order niyo,” nakangiti niyang paalam.

Nang dumating siya sa kusina ay agad niyang ibinigay sa tagaluto ang order ng kustomer na nakatoka sa kaniya.

Habang naghihintay ay naalala niya ang sinabi ng matandang lalaki. Anibersaryo raw nilang mag-asawa.

Kaya naman kahit na alam niyang ibabawas sa sweldo niya ay sinamahan niya pa rin ng maliit na cake ang pagkain ng pamilya, kahit na hindi iyon kasama sa orihinal na order.

Tuwang-tuwa ang mag-asawa.

“Salamat dito, hija. Maliit na bagay lang, pero labis naming na-appreciate ang ginawa mo,” anang matandang babae na hinawakan pa ang braso niya.

“Wala pong anuman. Happy anniversary po sa inyong mag-asawa. Tawagin niyo na lang po ako kung may mga kailangan po kayo,” bilin niya sa mga ito bago umalis.

Sa ilang oras na pananatili ng pamilya ay wala nang iba pang hiningi ang mga ito, dahilan upang kahit papaano ay makapagpahinga siya.

“Buti ka pa. ‘Yung kustomer ko, mga matapobre! Ang dami pang hinihingi,” reklamo ng katrabaho niya na si Jill.

Bandang alas diyes na nang marinig niyang tinawag ng kustomer ang pangalan niya.

Nang lumapit siya ay nalaman niya na magbabayad na pala ang mga ito. Iniabot ng matandang lalaki ang ilang libo.

“Sa’yo na ang sukli niyan, hija. Para sa magandang serbisyo mo sa pamilya namin. Ipagpatuloy mo lang, hija,” anito bago tinapik pa ang balikat niya.

Nang bilangin niya ang pera ay nagulat siya. Nasa dalawang libo rin kasi ang tip na ibinigay ng matanda!

Halos tatlong araw na sweldo niya na rin iyon!

Magpapasalamat sana siya, ngunit nakalabas na ang mag-anak.

Pabalik na sana siya sa kusina nang magkaroon ng komosyon. Isang kustomer ang sumigaw.

Padabog na tumayo ang kustomer habang pinupunasan ang damit mamahaling bag nito na may mantsa. Napasinghap ang lahat nang walang sabi-sabing sinampal nito ang isa sa mga serbidora na walang iba kundi si Shane.

Namumukhaan niya ang matandang babae. Iyon ang kustomer na lalapitan sana niya kanina, kung hindi lang siya inunahan ni Shane.

“Bob@! Sa tingin mo ba kaya mong bayaran ang bag na ito? Kahit isang taon kang magtrabaho, baka hindi mo mabayaran ‘to!” gigil na sigaw ng babae sa umiiyak na si Shane.

Kung hindi lang lumapit ang manager ay baka isang sampal pa ang muling dumapo sa mukha ni Shane.

“Pasensya na po kayo, Ma’am. Sisiguraduhin ko po na mapaparusahan siya dahil sa kapabayaan niya,” matigas na pangako ng manager nila sa kustomer na galit na galit pa rin.

“Gusto kong mawalan ng trabaho ang babaeng ‘yan! Kung hindi ay ipagkakalat ko na hindi maayos ang serbisyo niyo rito!” pananakot nito.

Padabog na ibinagsak ng lalaki ang pera sa lamesa bago sumunod sa asawa nito na nag-walk out.

Naiwang umiiyak si Shane habang sapo ang pisngi nito na nasampal.

“H-hindi ko naman po s-sadya,” katwiran nito.

“Dapat nag-ingat ka. Maraming koneksyon ang mag-asawa na ‘yan, at masisira ang pangalan ng restawran,” sermon nito.

Sa huli ay tinanggal si Shane sa trabaho.

Habang minamasdan ni Leila ang katrabaho ay hindi niya maiwasang mapaisip. Ninais ni Shane na pagsilbihan ang mag-asawa sa kagustuhan na makakuha ng mataas na tip. Minata-mata nito ang mabait na pamilya na maayos ang naging trato sa kaniya.

“Hindi talaga makikita sa itsura ng tao ang tunay nilang kulay, kung sino pa ang mga mukhang edukada at sopistikada, sila pa ang tila walang pinag-aran kung umasta,” sa loob-loob niya.

Mabigat man ang loob niya sa nasaksihan na pang-aapi sa katrabaho, kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag dahil nakaligtas siya mula sa mga mapangmatang kustomer.

Advertisement