Inday TrendingInday Trending
Kahit Madalas Bungangaan ng Misis Tungkol sa Simpleng Kalinisan ay Hindi Nakikinig ang Mister; Nang Madamay ang mga Anak ay Saka Pa Siya Matatauhan

Kahit Madalas Bungangaan ng Misis Tungkol sa Simpleng Kalinisan ay Hindi Nakikinig ang Mister; Nang Madamay ang mga Anak ay Saka Pa Siya Matatauhan

Palaging pinapairal ng padre de pamilyang si Joe ang kaniyang kababuyan sa lahat ng bagay. Kapag siya’y kumakain, hindi maaaring hindi niya ito kakamayin kahit alam niyang may hinawakan siyang maruming bagay bago kumain. Katwiran niya tuwing sinasaway siya ng kaniyang asawa, “Ako naman ang kakain niyan, eh, ano namang masama kung madumi ang kamay ko? Tinatamad na akong tumayo para lang maghugas ng kamay, eh!”

Bukod pa roon, hindi pa siya marunong mag-imis ng kaniyang mga pinaggamitan. Lahat ng pinaghubaran niyang damit ay talagang makikita kung saan-saang parte ng kanilang bahay at ang mga pinag-inuman niyang kape ay kadalasang matatagpuan ng kaniyang mga anak na nilalanggam o kaya’y kasama pa ng mga basura na talaga nga namang ikinagagalit ng kaniyang asawa.

Kahit pa ganoon, wala naman itong magawa kung hindi ang pagsabihan lang siya araw-araw upang matutuhan niya ang kaniyang mga maling gawa. Ngunit imbis na makinig at isabuhay ang aral na pilit na sinisiksik ng kaniyang asawa sa kaniyang utak, patuloy niya pa rin itong ginagawa.

Isang araw, habang sabay-sabay silang kumakain ng kaniyang mag-iina, muli na namang umiral ang kaniyang maruming pag-uugali. Kinuha niya ang karne ng sinigang gamit ang kaniyang maduming kamay, ininuman niya nang direkta ang pitsel ng kanilang tubig, at kumuha siya ng kanin gamit ang kutsarang nagamit na ng kaniyang anak na labis na ikinagalit ng kaniyang asawa.

“Ano ba naman ‘yan, Joe? Kailan mo ba matututuhan na mali ‘yang ginagawa mo? Maaaring mapanis ang ulam at kanin natin! Pwede mo ring mahawa ng sakit ang mga anak natin dahil sa pag-inom mo nang direkta sa pitsel! Anong silbi ng sandok at baso natin kung hindi mo gagamitin, ha?” galit nitong sabi saka nginudngod sa kaniya ang mga naturang gamit.

“Pwede ba bawas-bawasan mo ‘yang kaartehan mo? Naghugas naman ako ng kamay kaninang umaga, eh! Saka, wala naman akong sakit!” katwiran niya habang tumatalsik-talsik pa ang mga kanin sa bibig niya.

“Kaninang umaga? Tanghali na ngayon, Joe! Kung anu-ano na ang nagawa mo, tiyak na madumi na ‘yang kamay mo! Nakapag-ayos ka na nga ng kompyuter at kotse mo, eh! Kapag talaga nagkasakit ang isa sa mga anak natin, hindi mo gugustuhin ang gagawin ko!” sigaw nito na talagang ikinapintig ng ulo niya.

“Ako pa talaga ang tinakot mo, ha? Kumain ka na lang d’yan! Palagi ka na lang nanenermon sa harap ng hapag-kainan!” bulyaw niya rin dito at muli niyang ginamit ang kamay sa pagkuha ng mga gulay sa isang malaking lagayan ng sabaw saka niya ito sinubo sa anak nilang bunso na panay ang paglalambing sa kaniya.

Katulad ng kaniyang nakasanayan, matapos nilang kumain ng tanghalian, agad na siyang magpapahinga sa kanilang silid habang naglilinis ang kaniyang asawa sa kusina.

Bandang alas tres ng hapon, habang siya’y nasa kalagitnaan ng kaniyang pagtulog, siya’y napabalikwas nang marinig niyang nagsisisigaw ang kaniyang asawa. Dali-dali niya itong pinuntahan at tumambad sa kaniya ang tatlo nilang anak na sabay-sabay na nagsusuka.

Sa sobrang taranta niya, agad niyang pinasok isa-isa ang mga ito sa kaniyang sasakyan saka sila nagtungo sa pinakamalapit na ospital. Doon nila nalamang mag-asawa na may mga duming nakain ang kanilang mga anak na labis na nagpasakit ng tiyan ng mga ito. Sabi pa ng doktor, “Matagal-tagal nang may mga bacteria sa tiyan nila pero ngayon lang mas naging aktibo ang mga ito. May iba pa kayong pinakain sa kanila?” “Wala naman po, dok,” mangiyakngiyak nang sagot ng kaniyang asawa.

“Malinis ba kayo maghanda at kumain ng pagkain? Naghuhugas ba kayong mag-anak ng kamay bago kumain?” tanong pa nito.

“Ang mga bata po, naghuhugas sila ng kamay, pero itong asawa ko po, hindi!” sabi ng kaniyang asawa, kinuwento pa nito ang mga kababuyang ginagawa niya sa hapag-kainan.

“Naku, mister, maaaring kaya ng katawan mong labanan ang mga bacteria sa kamay mo pero hindi ito kaya ng mga bata. Mas maiging maging malinis kayo sa katawan. Hindi lang para sa’yo iyon, para rin sa mga anak mong malapit sa’yo,” payo nito habang pinagmamasdan nila ang kaniyang mga anak na pawang naka-dextrose na talagang nagpabukas ng utak niya.

Dahil sa pangyayaring iyon, kahit paunti-unti, dinisiplina niya ang kaniyang sarili. Hindi para sa sarili niya, kung hindi para sa kaniyang mga anak na tiyak na maaapektuhan sa kababuyang ginagawa niya. Ito ay sinimulan niya sa paglilinis ng kaniyang sarili, partikular na sa paghuhugas ng kamay.

Naging daan din ito upang magkaintindihan sila ng kaniyang asawa at mabawasan ang kanilang pagtatalo sa harap ng hapagkainan na talagang nagbigay daan upang mas lalo silang mapamahal sa isa’t-isa at maging mahuhusay na mga magulang.

Advertisement