Inday TrendingInday Trending
Para sa Dalaga, Baduy Raw ang Paraan ng Panliligaw ng Binata; Ito pala ang Makakabihag sa Kaniya

Para sa Dalaga, Baduy Raw ang Paraan ng Panliligaw ng Binata; Ito pala ang Makakabihag sa Kaniya

Sa lahat ng binatang nanligaw kay Franchezka, si Aga lang labis niyang kinaiinisan. Ibang-iba kasi ito sa mga binatang nanligaw sa kaniya. Kung ang iba ay palagi siyang binibigyan ng tsokolate, teddy bear at bulaklak, mga tula ang araw-araw nitong binibigay sa kaniya na nakasulat pa sa isang malaking papel na inilalantad nito sa harap ng mga estudyante na talagang ikinahihiya niya dahilan para palagi niya itong iwasan at itaboy.

Sa katunayan, may pagkakataon pa ngang sinisigaw-sigawan niya ito sa harap ng mga estudyante nang harangin siya nito para lang basahin ang tulang ginawa nito na labis na ikinabahala ng kaniyang mga kaibigan.

“Bakit mo naman ginawa ‘yon, Franchezka? Hindi mo ba alam na pinaghirapan niya iyon?” sabi sa kaniya ng kaibigan niyang si Jane.

“Nakakainis naman kasi, eh! Pinapahiya niya lang ako! Akala niya yata, panahon pa ito ni Jose Rizal para ganoong klaseng panliligaw ang gawin niya! Ayoko ng mga tula, sobrang baduy at luma na no’n! Ang gusto ko, tsokolate, pagkain, at lalo’t higit, mga bulaklak!” singhal niya habang pinupunit ang papel na pilit na binigay ng kaniyang manliligaw.

“Hindi naman porque hindi mo gusto ang pamamaraan niya ng panliligaw, hindi mo na siya rerespetuhin. Hindi siya ang nakakahiya, kung hindi ikaw,” pangarap nito sa kaniya na talagang ikinataas ng kilay niya. “Edi ikaw na lang ang magpaligaw sa kaniya!” sigaw niya rito saka niya ito agad na nilayasan.

Sa pagpapatuloy ng panliligaw nito sa kaniya, lalo lang siyang naiinis sa mga tulang binibigay nito na para sa kaniya, isa lamang basura. Ni hindi siya naglaan ng oras upang intindihin o basahin iyon, ang tangi niyang ginagawa, kung hindi niya ito pinupunit sa harap ng binata, iniimbak niya lamang ang mga ito sa kaniyang bag.

Isang araw, nang magkayayaan sila ng kaniyang mga kaklase na tumambay sa bagong bukas na kapehan sa tapat ng kanilang unibersidad, siya’y labis na nahumaling sa kantang tumutugtog doon.

“Ang ganda naman ng kantang ito! Ano kayang pamagat ng kanta? Saka sino ang kumanta? Sobrang ganda ng boses! Ang swerte naman ng babaeng tinutukoy niya sa awitin niya!” tuwang-tuwa niya sabi habang pinakikinggan ang bawat salitang binibigkas nang mang-aawit.

“Ganda mo ang gusto kong unang makita pagsikat ng araw, mga labi mong pula, nais kong mahagkan balang araw. O, Franchezka, kailan mo ba makikita? Aking pagsinta na hindi mo makikita sa iba,” sabi pa sa kanta na talagang ikinalaki ng mga mata niya.

“Siguro naman alam mo na kung sino ang kumanta ng awiting iyan at kung para kanino ‘yan. Franchezka ang pamagat niyan, ikasampung kanta na gawa para sa iyo ni Aga,” nakangiting sabi ni Jane saka tinuro sa kaniya ang binatang si Aga na mayroon na namang tulang nais ibigay sa kaniya.

Sa sobrang kilig na nararamdaman niya habang patuloy na pinakikinggan ang malamig na boses ng binatang nagsasambit ng matatamis na salita, dali-dali siyang tumakbo papalapit kay Aga saka niya ito hinalikan!

“Teka, Franchezka, baka nabibigla ka!” gulat nitong sabi matapos niya itong halikan.

“Hindi, Aga, hindi ako nabibigla. Sadyang ngayon ko lang nakita kung sino ka at kung gaano mo ako kamahal,” nakangiti niyang sabi.

“Huwag mong sabihing…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad na niyang sinabi, “Oo, tayo na, tandaan mo itong araw na ito, ha?”

Simula noong araw na ‘yon, halos linggo-linggo na itong naglalabas ng kanta para sa kaniya hanggang sa ang mga kanta nito at ang kanilang istorya ay nakilala na sa buong bansa na kinakiligan ng nakararami.

Kung dati ay kinahihiya niya ang kabaduyan ni Aga, ngayo’y ito na ang naging pundasyon ng kanilang pagmamahalan at ang pag-angat nilang dalawa sa buhay.

Ilang taon lang din ang kanilang binilang, habang patuloy na sumisikat ang mga awitin nito, sila rin ay nagdesisyon nang magpakasal na labis na ikinatuwa ng kani-kanilang mga kaanak, kaibigan, at pamilya.

“Hindi ko akalain na ang lalaking tinatawag kong baduy noon ay ang lalaking bubuo sa buhay ko ngayon,” sabi niya rito habang sila’y nasa harap ng altar.

“Hindi pa rin ako makapaniwala na isang napakagandang babae ang siyang makikita ko pagsikat ng araw. Salamat dahil ngayon, nakita mo na kung sino ako sa buhay mo,” sagot nito saka siya hinalikan na nagpakilig maigi sa mga taong nakasaksi ng matamis nilang pagmamahalan.

Advertisement