Pinapakita Niya sa Social Media na Maayos ang Relasyon Nila ng Kaniyang Anak; Nainggit Siya nang Makitang Totoo Itong Masaya Kasama ang Kaniyang Kumare

Pinapakita ng ginang na si Hasmin sa social media na maayos ang kaniyang relasyon sa kaniyang nag-iisang anak na ngayon ay nasa unang taon na sa kolehiyo. Lagi niya itong kinukuhanan ng litrato kahit na kumakain pa ito, gumagawa ng takdang-aralin, gumagawa ng gawaing bahay at kung ano pa mang ginagawa nito para lamang maipakita sa mundo kung gaano kaswerte ang anak niya na mayroon itong isang ina katulad niya.

Ngunit sa kabila ng masasayang posts niya sa social media, hindi alam ng mga tao na malayo talaga ang loob ng kaniyang anak sa kaniya at napipilitan lang itong magpakuha ng litrato sa kaniya.

Nagsimula itong magkaroon ng sama ng loob sa kaniya nang makipaghiwalay siya sa ama nito sa kadahilanang hindi lamang siya masaya at kinikilig dito. Labis pa itong nagmakaawa na huwag niyang palayasin ang tatay nito sa kanilang bahay ngunit imbis na makinig siya, hinila niya pa palabas ang ama nito habang paulit-ulit na sinusumbatan.

Lalo pang lumawak ang espasyo sa kanilang mag-ina nang magsimula siyang mag-uwi ng kung sino-sinong lalaki sa kanilang bahay. Wala siyang pakialam kahit makita ito ng kaniyang anak. Ang tanging mahalaga lang sa kaniya, siya’y maging masaya at maging aktibo ang buhay niya sa kama.

Simula noon, kahit pilitin man niyang maging malapit sa anak sa pamamagitan ng mga mamahaling bagay na binibili niya rito, pagpasyal dito sa magagandang lugar, at ang pagbibigay dito nang malaking baon sa eskwela, patuloy lamang nitong nananahimik sa isang sulok ng kanilang bahay habang nag-aaral.

Kung hindi niya ito kakausapin maghapon, hindi ito magsasalita at kung hindi niya ito kukuhanan ng litrato na ilalagay niya sa social media, hindi ito kailanman ngingiti na talagang ikinababahala na niya.

Kahit pa ganoon na ang sitwasyon sa kanilang tahanan, pinagpatuloy niya pa rin ang pakikipagkilala sa mga lalaking nakikita niya sa bar o kung saan man siya magpunta hanggang sa tuluyan na siyang magkaroon ng kasintahan. Mas bata man ito ng ilang taon sa kaniya, gustong-gusto niya naman ito dahil sa angkin nitong kakisigan at kabaitan.

Noong araw na sinagot niya ang binata, dali-dali niya itong dinala sa kanilang bahay upang makasama na niya ito sa kama. Alam man niyang hindi ito magiging katanggap-tanggap sa kaniyang anak, agad niya rin itong pinakilala rito nang makita niya itong nag-aaral sa isang sulok ng kanilang bahay.

Advertisement

Ni isang salita’y wala itong binigkas nang ipakilala niya ang binata. Pilit lang itong ngumiti at kumaway saka agad nang bumalik sa pag-aaral. At dahil ayaw niyang ipakita sa iba na hindi maayos ang relasyon nilang mag-ina, niyaya niya na lamang sa kwarto ang binata kung saan sila naglambingan.

Pagkatapos ng isang masayang karanasan niya sa kama kasama ang naturang binata, nagpasiya siyang kumuha ng makakain at maiinom. Kaya lang, siya’y biglang nagtaka nang marinig kung paano humagikgik ang kaniyang anak.

“Diyos ko, totoo ba itong naririnig ko? Matagal na panahon na ang nakalipas mula nang huli ko itong narinig!” tuwang-tuwa niyang sabi saka agad na humangos kung nasaan ang kaniyang anak.

Siya’y labis na nabigla nang makitang naroon ang kaniyang matalik na kaibigan. Masaya itong kumakanta habang sumasayaw pa na talagang ikinatatawa nito.

“Hindi ko alam na close pala kayo ng anak ko, Laila, ‘no?” sabat niya na ikinagulat ng dalawa.

“Paano mo naman malalaman, Hasmin, eh, palagi kang abala sa panlalalaki mo?” patawa-tawang wika nito na ikinasimangot niya, “Biro lang! Noong maghiwalay kayo ng tatay niya, pinuntahan niya ako para kumbinsihin kang huwag ituloy ang balak mo. Kaso wala talaga akong magawa kaya simula no’n, palagi ko na lang siyang pinapasaya sa abot ng makakaya ko. Iyon ang dahilan para maging ganito kapalagay sa akin ang anak mo. Pasensya ka na, hindi ko nasabi sa’yo, sobrang abala rin kasi ako sa trabaho’t sarili kong pamilya,” kwento nito na talagang ikinainggit niya. 

Nakita niya pa kung paano nagniningning ang mga mata ng kaniyang anak tuwing kausap ito dahilan para siya’y labis na makaramdam nang pangongonsenya.

“Palagi ko siyang kasama rito sa bahay at siya ang laman ng social media account ko, pero ni minsan hindi siya ngumiti sa akin nang gan’yan,” sabi niya sa kaibigan nang yayain niya itong mag-yosi sa labas ng kanilang bahay.

Advertisement

“Pagtuunan mo rin kasi siya ng pansin, Hasmin. Pakinggan mo ‘yong saloobin niya at mas bigyan mo siya ng oras kaysa sa mga lalaking gusto mong makasama sa bahay,” payo nito sa kaniya.

Sa kagustuhan niyang muling makuha ang loob ng kaniyang anak, pinutol niya kaagad ang relasyon sa binata at mas binigyan ng oras ang kaniyang anak.

Napagdesisyunan niya na ring muling makipag-usap sa ama nito na talagang ikinasaya nito. Sa ganoong paraan, unti-unti siyang naging malapit sa kaniyang anak at muli pang nabuo ang kanilang pamilya. 

Labis-labis ang pasasalamat ng dalaga sa kaniya at siya’y muli nitong nayakap at nahalikan matapos ang halos isang dekada na ikinaiyak niya na lamang sa tuwa.

Ngayon, ang mga dating pilit na ngiti ng kaniyang anak sa mga litratong nilalagay niya sa social media ay napalitan na ng totoong mga ngiti kasama pa ang kaniyang legal na asawa na ikinatuwa ng lahat ng kanilang kakilala.