Isang buwan nalang ay manganganak na si Trish. Stress na stress pa siya dahil nagkasakit ng malubha ang kanyang ina. Single mother siya ng kanyang tatlong anak dahil ang kanyang magaling na asawa ay nangapitbahay na, hindi na sila inuwian nito mula noong tatlong buwan palang ang kanyang tiyan sa bunso nila.
“Anak, huwag mo na muna akong isipin. Isipin mo muna ang sarili mo dahil malapit na ang kabuwanan mo,” nanghihinang wika ni aling Narsing habang nakahiga ito sa hospital bed.
“Nay, pwede ba naman ‘yon? Pwede ba namang hindi kita maiisip? E, halos hindi na nga ako umuuwi sa bahay dahil sa sobrang pag-aalala ko sa’yo.”
“Nak, baka kasi sa sobrang stress mo. Manganak ka ng wala sa oras,” nag-aalala parin nitong sambit.
“Ayos lang po ako.”
Habang kausap niya ang kanyang Ina ay may mga babaeng nagtutumpukan at nag-usap.
“Oy, oo nga may ganyang din kaming kapitbahay. Kayang magbayad ng malaki, ibigay lang sa kanya ang anak mo. Kumbaga, bibilhin niya ang anak mo gano’n. Tsk! Minsan nakakaawa din ‘yong mga taong hindi magkaanak ‘no. ‘Yong tipong, gustong-gusto nilang makabuo pero pinagkakaitan sila. Tapos ‘yong iba namang may kakayahang magbuntis ay ipinapalaglag lang.”
Bigla niyang nahimas ang malaking umbok ng tiyan dahil sa narinig na tsismisan ng katabing bed.
“Bakit hindi nalang siya mag-ampon sa ampunan?” tanong naman no’ng isang nakikisali sa usapan.
“Sabi-sabi nila. Ayaw daw niya nang batang malaki na, umiiyak na daw kasi iyon at may muwang na. Kaya ang gusto niya ay iyong halos kalalabas lang sa ina.”
“Sabagay,” sang-ayon ng ilan.
Sino naman ang inang kayang ibenta ang sariling anak? Malayo nga lang sa kanya ang mga anak ay nababaliw na siya. Hindi baleng mawalan siya ng asawa, huwag lang ang kanyang mga anak.
Dalawang araw mula noong nakausap niya ang kanyang Ina ay lumabas na sila ng hospital dahil nagiging maayos na rin naman ang lagay nito. Ngunit ilang araw palang sa bahay ay muli na naman itong inatake sa sakit na asthma kaya ibinalik niya sa hospital. Kahit malaki ang tiyan at nahihirapan, hindi na niya inisip pa ang sarili. Dahil ang mas mahalaga ay mailigtas ang matanda.a
“Dok, ano na po ang lagay ng Nanay ko?” Agad niyang tanong nang makita ang doktor.
“Ma’m Trish, hindi kasi dapat kinakaligtaan ang gamot ng Nanay mo. Mahina na ang baga ni Mommy at kapag hindi siya nabigyan ng tamang gamot para sa kanyang asthma ay may tendency na mahirapan talaga siyang huminga,” paliwanag ng Doktor sa kanya.
“Ginagawan ko naman po ng paraan Dok.”
“Well, sad to say Ma’m Trish na hindi sapat ang ginagawa ninyong paraan. Dahil muli ay inatake na naman po ang Nanay niyo,” malungkot naman nitong tugon.
Laglag ang balikat na naglakad siya pabalik sa ward ng kanyang Nanay. Ano ang gagawin niya? Sinubukan naman niya ang lahat ngunit tama rin ang Doktor na hindi iyon sapat. Nais niyang humaguhol ng iyak sa kawalang magawa. Nahimas niyang bigla ang kanyang umbok na tiyan.
Kaya ba niyang ibenta ang anak, kapalit ng pagpapagamot sa Nanay niya?
Pinuntahan niya ang babaeng narinig niya noon na pinag-uusapan ang kapitbahay nitong kayang bumili ng isang sanggol.
“Sigurado ka ba ‘ne? Kapag ginawa mo iyan hindi mo na pwedeng makita at makuhang muli ang anak mo. Kasi dinadala nila iyon sa ibang bansa, doon na kasi sila naninirahan. At saka ayaw nilang tumira dito kasi iwas tsismis narin.”
Iisipin palang niyang hindi na niya makikita ang kanyang anak ay sumisikip na ang kanyang dibdib. Pero naaalala naman niya ang kanyang nahihirapang Nanay.
“Opo, desidido na po ako.”
Binigay na nga ng ale ang numero ng kapitbahay nitong handang magbayad ng malaking halaga ng pera kapalit ng sanggol. Nakausap niya ito at tinanong siya kung kailan ba ang kanyang kabuwanan. Nang sinabi niya kung kailan ay sinabi nitong doon lamang ito uuwi galing America upang kunin ang sanggol at iabot sa kanya ang pera.
Dumating na nga ang araw ng kanyang kapanganakan. Saka lamang niya nakita ang babaeng kanyang pagbebentahan ng anak. Pina-pirma siya nito ng isang kasulatan na pumapayag siyang bilhin nito ang baby. Hindi niya napigilan ang hindi maiyak sa isiping, nagawa niyang ibenta ang sariling anak- dugo niya at laman.
“Para sa Nanay ko at sa dalawa ko pang anak,” aniya at saka pinirmahan ang kasulatan.
Pagkatapos niyang mailabas ang bata at marinig ang iyak nito ay walang kaanu-ano ay agad niyang kinarga ang anak habang umiiyak. Kaya niya ba talagang ibigay ito? Minsan man kahit gaano sila kahirap ay hindi niya naisip na darating sa puntong ibebenta niya ang isa sa mga supling. Alam niyang nag-aabang na sa labas ang babaeng kukuha sa anak niya at ibibigay naman nito ang kailangan niyang pera.
Nasa punto siya ng malalim na pag-iisip ng may kumatok sa labas ng kanyang silid.
“Handa kana bang ibigay sa’kin ang anak mo?” tanong ng ale na bibili sa kanyang anak.
Tinitigan niya ang sanggol na ngayon ay mahimbing na natutulog sa kanyang bisig.
Sasagot na sana siya nang biglang hawakan ng munting kamay ng sanggol ang kanyang hintuturo, mahigpit iyon at ayaw pakawalan. Noon din, nakapagdesisyon si Trish.
“Pasensya kana, hindi ko na pala siya ipagbibili,” buo ang loob na wika niya.
Hindi na naman umimik ang ale at tahimik na lamang na lumabas sa silid.
“Mas nanaisin ko nalang kumain ng asin araw-araw, basta nakakasama ko kayong mga anak ko at nakikita ko kayo habang lumalaki.” wika niya sa inosenteng sanggol.
“Sorry anak, kung naisipan kang ibenta ng nanay. Patawarin mo ako, pinanghinaan lang ako ng loob. Pero salamat dahil binigyan mo ako ng bagong pag asa, basta hahawakan mo lang lagi ang kamay ng nanay ha?” dagdag niya pa.
Ilang linggo palang mula sa kanyang pagkapanganak ay muli siyang bumalik sa kanyang dating trabaho, lalong nagsikap dahil mas marami na ang kanyang pagkakagastusan ngayon. Nakita naman ng amo niya ang pagsisikap at hirap kaya laking tuwa niya ng ma-promote siya at mas lumaki ang sahod niya na sasapat sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Wala siyang naging pagsisisi sa naging desisyon na hindi ipagpalit ang anak sa malaking halagang pera.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!