Inday TrendingInday Trending
Nakakasakal Kana!

Nakakasakal Kana!

Si Mikaela ang tipo ng babaeng kung magmahal ay binubuhos ang lahat, wala siyang pakialam kung may natitira pa ba siya para sa sarili o wala. Ang mahalaga sa kanya ay maluguran ng labis-labis na pag ibig kanyang itinatangi.

“Mikaela, hindi mo naman kailangang gawin ito. Kahit simpleng handaan lang ay ayos na ako,” wika ni Robin, ang nobyo ni Mikaela.

Monthsary kasi nila ngayon kaya naghanda siya ng bongga. Lahat ay gastos niya.

“Ayos lang sa’kin iyon Robin. Ang mahalaga lang naman sa’kin ay ma-celebrate natin ang monthsary natin. Syempre, natutuwa lang ako kasi kahit papaano umabot tayo ng two years and three months. Ibigay mo na sa’kin iyon,” ngumiti siya sabay kindat sa nobyo.

“Hmm, ikaw talaga. Lagi naman e, kahit anong okasyon gusto mo e ‘yong bongga.”

“Hayaan mo na ako. Gusto ko ‘yong ginagawa ko,” wika pa niya.

“Tsk! Ano pa nga ba.” pilit itong ngumiti.

Mas siya ang nagmamahal at gumagastos, hindi niya napapansin na hindi na iyon masyadong nagugustuhan ni Robin.

Isang araw ay naiwan ng binata ang cellphone nito sa unit niya. Hahabulin pa sana niya ito ngunit hindi na niya naabutan pa ang nobyo. Sa labis na kuryosidad na makita man lang kung sino ang nakaka-chat ng nobyo ay binuksan niya ang cellphone nito at dumiretso sa messenger.

Salubong ang kilay nang makitang may lagi itong ka-chat na babaeng ang pangalan ay Trisha.

Sus! Huwag ako Robin. Ang sabihin mo parang nanay mo iyong jowa mo. Buti hindi ka pinapailuhan no’n kapag tumatae ka, sabi ng babae.

Iyon na nga e, alam mo Trish! Nagsasawa na talaga ako sa mga ginagawa niya. Alam ko naman na mahal na mahal lang niya ako kaya ginagawa niya iyong lahat pero, sa totoo lang nakakasakal na. Iyong tipong pinaparamdam niyang wala kang kwenta kasi mas kaya naman niyang gawin ang lahat. Nakakawala ng pagkalalaki, Trish. Kaya nga nanliligaw ako sa’yo, kasi baka sa’yo ko mahanap ang pagiging lalaki ko sa isang relasyon, sagot naman ni Robin.

Iyon ang palitan ng mensahe ng mga ito. Nais niyang umiyak sa mga masasakit na nabasa, nasasakal na ba niya si Robin dahil sa labis-labis na pagmamahal na ibinibigay niya? Bakit hindi nito sinasabi sa kanya ang problema?Bakit kailangan pa nitong manligaw ng iba? Umiiyak niyang tinakpan ang mukha ng kanyang dalawang kamay.

Doon naman dumating si Robin, bumalik ito dahil naalala nitong nakalimutan nito ang cellphone sa bahay niya.

“Mikaela, may problema ba?” kabadong tanong ng binate nang makitang hilam sa luha ang kanyang mukha.

“Ako yata ang dapat magtanong niyan Robin,” humihikbi niyang wika.

“Ano ba ‘yon? Sabihin mo sa’kin,” walang ideya pa rin nitong sambit.

“Sino si Trisha? Naliligawan mo? Bakit, may mali ba sa’kin? Nagsobra ba ako kaya nagsawa ka? Minahal lang naman kita ah, pinaparamdam ko lang naman sa’yo kung gaano kita kamahal. Pero bakit parang mali ko pa? Bakit parang kasalanan ko pa kung bakit ka nagkakaganyan?” humihikbi parin si Mikaela.

“Nakakasakal kana kasi Mikaela. Nasasakal na ako sa pagmamahal mo. Alam kong ginagawa mo lang ‘yon dahil mahal mo ako, pero nakakasawa e. Ikaw nalang lagi ang gumagawa ng paraan para mapasaya ako, hindi mo ako pinapahintulutan para iparamdam ‘yon sa’yo.

Dahil bago ko paman magawa, nagawa mo na. Patawad oo. Tanga ako, kasi ano pa bang hahanapin ko sa’yo e binibigay mo na nga ang lahat. Pero Mikaela, sana naman pantay tayo. Hindi naman kita ginawang nobya para magkaroon ako ng nanay. Minahal kita dahil mahal ka ng puso ko. Sana naman, hayaan mo rin akong maging lalaki sa relasyon na ‘to. Hayaan mo naman akong maramdaman na lalaki ako at babae ka, ibigay mo naman sa’kin minsan ang pride ko bilang isang lalaki.

Iparamdam mo naman sa’kin na, angat ako sa’yo, na proud ka sa mga ginagawa ko sa’yo. Ikaw nalang kasi lahat gumagawa ng dapat ako ang gagawa e,” nagsimula narin itong umiyak. “Para akong bata na naghihintay lang na handugan mo. Ayoko ng ganitong relasyon, mas gusto ko ‘yong pantay lang tayo. Gagawa ka ngayon, ako naman bukas. Nakakababa bilang lalaki ‘yong akala ng lahat nanay kita kesa girlfriend kita e.”

“Sorry Robin, patawarin mo ako kung hindi ko sinasadyang saktan ang damdamin mo. Pero sana ay pinag usapan natin, kaysa naghanap ka ng kapalit ko,” mahina niyang sambit habang umiiyak.

“Sorry din. Dapat noon ko pa sinabi ito sa’yo e. Mahal na mahal kita at ayokong mawala ka.”

Niyakap siya ng binata pero kumalas siya rito.

“Magsimula tayo ulit,” anito saka siya ginawaran ng halik sa noo.

Wala namang kaso sa kanya iyon dahil mahal na mahal niya ang lalaki, kaya lang ay humingi siya ng panahon rito para maghilom ang kanyang sugat. Pumayag naman si Robin.

Niligawan siya nito ulit at this time, pinabayaan na ng dalaga ang nobyo na gawin ang sarili nitong diskarte.

Lalong tumibay ang kanilang samahan dahil bukod sa pagmamahal ni Mikaela sa nobyo, minamahal niya na rin ang kanyang sarili.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement