Sa sobrang kalasingan ni Bryan ay hindi niya napansing may tumatawid na isang babae sa daanan. Nagulat nalang siya nang biglang may malakas na lagabog sa siyang narinig. Hindi man niya nakikita ay ramdam niyang nasagasaan niya ang babae. Sa labis na takot na kanyang naramdaman ay nagdesisyon siyang iatras nang kaunti ang sasakyan at ipinagpatuloy ang pagtakbo. Madilim ang lugar at walang katau-tao, kaya sana lang ay walang nakakita sa ginawa niya.
Makalipas ang ilang buwan ay nakilala ni Bryan si Aira, isa itong Teacher sa grade school na pinapasukan ng bunso niyang kapatid na si Brenda.
“Hello Teacher Aira,” magiliw na bati ni Brenda sa maganda at mabait nitong Teacher.
“Hi Brenda, pauwi kana?”
“Opo. Teacher, sabi ng kuya ko magha-hi daw po siya sa’yo,” nais man niyang sawayin ang kapatid ay huli na ang lahat. Nakita naman niyang ngumiti si Aira at bahagyang ginulo ang buhok ni Brenda.
“Gano’n ba? Sige, i-hello mo nalang din ako sa kanya ah.”
Pakiramdam niya ay nag-blush siya sa sobrang hiya na naramdaman. Dahil kay Teacher Aira kaya pursigido siyang sunduin araw-araw ang kanyang kapatid na si Brenda. Hindi niya alam kung crush ba niya ang Teacher ng kapatid dahil kung kailan siya naging trenta ‘y tres ay saka pa siya nakaramdam ng kilig.
“Hi Teacher Aira,” bati niya kay Aira na agad namang ngumiti nang makita siya.
“Hello Bryan, kumusta kana?”
“Okay lang naman po, ikaw Teacher?” ngiti palang ni Aira ay kumpleto na ang araw niya. Napakaganda kasi ng babae at napaka-bait pa.
Lumipas ang maraming araw ay nakapagdesisyon siyang ligawan na nga si Aira. Hindi naman ito tumanggi, pero ang tanging pakiusap lamang nito ay maging pormal at sa bahay niya ito ligawan upang makilala siya ng pamilya nito. Pursigido naman si Bryan at nais niyang makuha ang matamis na oo ng dalaga kaya buo ang loob siyang pumayag.
“Hello po magandang gabi,” magalang niyang bati sa mga magulang ni Aira.
“Magandang gabi din hijo,” masayang tugon naman ng dalawa. “Saglit lang hijo ah. Lalabas din iyon si Aira,” anang Ina nito.
“Sige po.”
Ilang sandali nga lang ay lumabas na si Aira habang may tulak-tulak na naka-wheel chair at may isang babaeng nakasakay roon. Kahawig ni Aira ang babae, marahil ay kapatid nito.
“Siya na ba ang manliligaw mo ate?” rinig niyang tanong ng babaeng sa tantiya niya ay nasa edad disi-otso palang.
“Oo Ara, siya na nga.”
“Hi, ako nga pala ang kapatid ni ate Aira. Ako si Ara,” magiliw nitong pakilala sa sarili.
Hindi naman pinaramdam ng pamilya ni Aira na ibang tao siya. Welcome na welcome naman siya sa pamilya nito kaya lubos ang kasiyahang kanyang nararamdaman. Nang ma-solo si Aira ay tinanong niya ito ng tungkol kay Ara.
“Ano ang nangyari kay Ara? Bakit siya nalumpo?”
Malungkot itong tumingin sa kanya atsaka malalim na bumuntong hininga. “Hindi talaga siya ganyan nang ipanganak. Nagbakasyon kaming lahat noon sa probinsya nila Papa sa Tarlac, inutusan siya ni Mama na bumili ng suka kasi naubusan, kailangang magluto ni Mama. Nagtaka nalang kami kasi ilang oras na’y hindi parin nakauwi si Ara.
Hanggang pinasundan siya ni Papa sa isa kong pinsan na taga-roon din sa Tarlac at laking gulat nalang namin nang sumigaw itong nasagasaan si Ara. Ang akala talaga namin noon ay wala na siya, salamat sa Diyos at buhay ang kapatid ko.
Kaso may napinsalang buto sa kanyang magkabilang paa. Ang sabi ng doctor ay pwede pa naman daw na maibalik si Ara sa dati. Pao-operahan namin siya at malaki ang gagastusin kasi wala yata dito ang materyales na gagamitin. Kailangan pa yata naming pumunta sa ibang bansa, para gumaling lang si Ara. Kaya ako kumakayod nang trabaho kasi gusto kong mag-ipon para bumalik sa dating buhay ang kapatid ko,” malungkot nitong kwento.
Nanikip ang dibdib ni Bryan nang dahil sa rebelasyon ni Aira. Tarlac? Hindi kaya si A– kausap niya sa sarili. Hindi kaya si Ara ang babaeng nasagasaan niya noong minsan siyang pumunta sa Tarlac dahil sa isang kasalan?
Pinagpapawisan siya ng malagkit dahil sa sinabi ni Aira. Siya iyon, siya ang walang konsensyang nakasagasa sa kapatid nito. Tunay ngang napakaliit ng mundo dahil ipinakita sa kanya ng diyos ang kanyang nagawang kasalanan.
Ito yata ang naging paraan nito upang makita niya ang kanyang ginawang kasalanan. Nakilala niya si Aira, at sa pamamagitan nito ay nakilala niya ang kapatid nitong nasagasaan niya at tinakbuhan.
Umuwi siyang balisa at hindi malaman kung ano ang gagawin. Aamin ba siya? Kung aamin siya baka magalit sa kanya ang pamilya ni Aira? Mahal niya ang babae at hindi niya kakayaning magtago rito. Kaya nakapagdesisyon siyang aminin ang kasalanang nagawa niya kay Ara at handa siyang akuin ang pagpapagamot nito upang bumalik lamang ang buhay nito sa dati.
Noong una ay nagalit ito sa kanya at ang pamilya nito. Pero makalaunan, katulad ng sinabi ni Aira na kaya nilang magpatawad ay pinatawad siya nito at ng pamilya. Nang matapos niyang ipagamot si Ara ay saka naman siya sinagot ni Aira.
Totoo ngang may Diyos na nakatingin sa mga ginagawa natin. Walang lihim na hindi naibubunyag at walang kasalanang hindi pinagbabayaran.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!