Inday TrendingInday Trending
WANTED: Boyfriend na May Motorsiklo

WANTED: Boyfriend na May Motorsiklo

“Hay naku Tanya, gusto ko talagang magkaroon ng jowang may motor! Para kapag ganitong uwian ko galing trabaho may susundo sakin tapos nakayakap pa ko sa likod niya kapag inangkas niya ako.” ika ng nangangarap na si Jessa nang minsa’y may makitang magnobyong nakamotor.

“Hay naku ka rin Jessa, naiinggit ka na naman! Halika na sumakay na tayo ng jeep kaysa maghintay ng lalaking nakamotor dyan! Baka apat na buwan na hindi pa tayo nakakauwi!” inis na sabi naman ni Tanya, katrabaho ni Jessa.

Isa si Jessa sa daan-daang empleyado sa sikat na pabrika sa Cavite. Madalas ginagabi siya nang uwi kaya naman lagi niyang iniisip na kung may jowa lang siguro siyang may motor ay mabilis siyang mabalik sa bahay nila at isa pa, makakapaglabing-labing sila habang angkas siya nito.

Palaging ganito ang sinasabi ni Jessa sa kaibigan paglabas nila ng pabrika. Minsang napuno si Tanya at ibinenta ang katrabaho sa isang bumbay na nag-aabang sa tapat ng kanilang pinagtatrabahuhan.

“Mamang Bumbay, baka gusto mo ng babaeng iaangkas dalawang libo na lang walang issue.” pabirong sabi ni Tanya sa hindi kilalang bumbay.

“Aba sige, hulugan ba yan?” tanong ng bumbay na para bang naniwala kay Tanya.

Hinila ni Jessa si Tanya habang tawa sila nang tawa. Gulat na gulat sila sa reaksyon ng bumbay.

“Hanep talaga yang mga bumbay na yan no, usong-uso sa kanila ang hulugan!” hagalpak na tawa ni Tanya.

“Hoy tumigil kana baka mamaya sundan ako niyan, peste ka talaga. Pero nakakatawa yung reaksyon niya eh no.” malakas ring tumawa si Jessa.

Kinabukasan, sa parehas na oras at lugar nilapitan sila ng bumbay na biniro nila kahapon.

“Kamusta? Ako yung pinagbebentahan mo kahapon, kukunin ko na sana yang kaibigan mo. Maganda naman saka mukhang mabait. Pwede ba three gives? Wala kasi ako gaanong nasisingil ngayon eh.” tuloy-tuloy na anang bumbay, halatang desidido itong makuha si Jessa.

Hindi ito sinagot ng dalawa, kung hindi, tumakbo sila ng humahagalpak sa tawa. Tumigil sila saglit sa isang tindahan at bumili ng softdrinks. Maya-maya may lalaking nakamotor na parating. Tumigil iyon sa tapat ng tindahan saka sila kinausap.

“Bakit niyo naman ako tinakbuhan? May nakabili na ba sa kanya? Sakin kana lang magpabili, kahit tatlong libo, basta three gives.” pangungumbinsi ng bumbay.

“Kuyang bumbay, binibiro ko lang po kayo kahapon. Ito kasing kaibigan ko gusto magkajowa ng lalaking may motor eh sakto nakita kita kaya nilapitan kita. Pasensya kana kuya hindi ko talaga binebenta itong katrabaho ko.” ika ni Tanya habang nagpipigil nang tawa.

“Ah ganon ba, pwede naman na ako na ang magsundo sayo araw-araw. Kahit walang bayad.” nakangiting sabi ng bumbay, halatang gustong-gusto niya si Jessa.

Umalis na rin ang bumbay kalaunan. Habang ito si Jessa, tulala tila natatkot na baka ano gawin sa kanya ng lalaki.

“Ikaw talaga Tanya! Baka mamaya kidnap-in ako niyang bumbay na yan eh!” takot na sabi ni Jessa

“Ano ka ba? Feeling ko nga gusto ka talaga non. Huwag ka matakot por que ganoon ang itsura! Malay mo siya na ang icing sa ibabaw ng cupcake mo!” pabirong sabi ni Tanya.

“Tumigil ka! Kadiri!” sigaw ni Jessa, at umalis na ito.

Araw-araw nag-aabang ang nasabing bumbay kay Jessa sa tapat ng pabrika, palagi itong nakangiti at laging excited na makita siya. Minsa’y binibigyan siya ng pagkain o bulaklak. Minsan nama’y inaabutan siya ng kumot o payong para daw may magamit siya sa bahay, libre raw ito at walang interes. Madalas inaalok siya na iangkas sa motor para ihatid na siya sa kanila pero ayaw ni Jessa.

Ngunit isang araw, wala ang bumbay sa lugar kung saan ito naghihintay. Binalewala ito ni Jessa, baka daw naniningil lang. Kaso ay lumipas na ang dalawang Linggo, wala nang nakangiting bumbay na naghihintay sa kanya.

Nabahala na si Jessa kaya naman nagtanung-tanong siya sa mga tricycle driver na madalas nakakakwentuhan ng bumbay habang naghihintay sa kanya. Doon nalaman niya na nabangga pala ito at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital malapit sa pinagtatrabahuhan niya.

Iniwan niya si Tanya at dali-daling nagtungo sa ospital. Naabutan niyang nakasakay sa wheelchair ang lalaki.

“Akala ko sumuko kana sakin. Na-miss kita, bumbay ko. Aangkas na ako promise magpagaling ka lang agad.” maluha-luhang ika ni Jessa.

“Talaga? Edi tayo na?” pakembot-kembot ng bumbay habang nakaupo sa wheelchair sabay hila kay Jessa para yakapin.

Tawa naman nang tawa si Jessa. Ngayon lang siya nakaramdam nang ganitong klase ng saya.

Aayaw-ayaw pa siya noong una, inlove na rin pala. Ganoon naman ang pag ibig eh, tulak ng bibig, kabig ng dibdib.

Advertisement