Naalarma ang mga Magulang ng Baby nang May Kumausap sa Kanilang Anak na Maduming Pulubi, Ikinagulat Nila nang Yakapin Ito ng Bata
Bumaba ng kotse ang mag asawang Kyrine at Edward, bitbit nila ang 2 taong gulang na anak na si Kean. Pagpasok nila sa restaurant ay napakatahimik, sila lang ang may dalang bata, napag-usapan nilang mag-asawa na dito na mag-dinner dahil pagod na sila pareho para magluto pa. Umupo sila sa tabi ng bintana, at naghintay na lumapit ang waiter, mabuti na rin itong hindi aircon ang restaurant, nami-miss na rin kasi nila ang fresh air. Hindi pa dumarating ang pagkain nang isang matandang lalaking marumi ang itsura ang tumayo sa kanilang tapat, ineexpect nilang mamamalimos ito pero iba ang ginawa, sa halip ay ginawa nitong katawa tawa ang mukha upang aliwin ang sanggol na nagsisimula nang mainip sa kakaupo. “Ang pogi naman ng baby na yan, baby baby. Marunong ba yan mag belat? Be-lat.” sabi nito na dinuduling pa ang mata. Kay lakas naman ng hagikgik ni Kean, tuwang tuwa sa matanda. Dumating na ang kanilang pagkain pero hindi pa rin nanghihingi ang matanda, tila wiling wili lang sa kanilang anak. Si Kyrine at Edward naman ay nagsisimula nang mailang dahil pinagtitinginan na sila ng ibang customer, malakas kasi ang boses ng matanda at malakas din ang tawa ng kanilang anak. “Kain ka nga, kain kana dali na.” sabi nito sa kanilang anak. Sumunod ang bata at maligayang ibinuka ang bibig para sumubo ng pagkain, nagulat ang mag asawa dahil pihikan ang kanilang anak. “Ay, galing-galing naman ni baby, pogi-pogi pa yan. be-lat.” sabi ulit nito. Pagkatapos nilang kumain ay tumayo na sila para magbayad, ang asawa niya naman ay inilabas na ang kotse. Diyos ko, sana naman makadaan kami sa harapan ng matandang yon nang hindi niya tinatawag ang anak ko. Panalangin ni Kyrine, ang dumi kasi ng matanda at sigurado niyang may amoy rin ito. Pagdaan nila sa harapan ay pasimple siyang lumayo rito pero bago pa man sila makapaglakad ay pumiglas ang anak niya at lumapit sa matanda, niyakap rin naman ito ng matanda, buong higpit. Isinandal pa ng anak niya ang ulo nito sa balikat ng pulubi at nakita niya namang nagpahid ng luha ang pulubi, maya-maya pa ay naglayo na ang mga ito at ibinalik na sa kanya si Kean. “Ingatan mo ang baby na yan,” sabi ng matanda na may malungkot na kislap sa mata, ipinahihiwatig na tila ang sanggol lang ang yumakap sa kanya na hindi alintana kung ano pa ang itsura niya. Walang nagawa si Kyrine kung hindi tumango at nang makasakay sa sasakyan ng asawa ay di maiwasang mapaluha. “Huy, anong nangyari?” tanong ni Edward. Umiling ang babae. “Ang sama nating tao Eddie, nanghusga tayo. Nadaig pa tayo ni Kean, napakabusilak ng puso ng baby, niyakap niya ang matanda na hindi iniisip ang itsura, ang amoy o ang estado nito sa buhay. Ang sama natin.” Minsan talaga, kung sino pa ang hindi maganda ang panlabas na kaanyuan ay siya pa ang may mabuting kalooban at kadalasan ang mga bata ang nakakakita noon. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.