Lumaki ang Magkakapatid na Sumisilip Lamang sa Bintana ng Kapitbahay Upang Manuod ng TV, Nagsumikap Upang Magkaroon ng Magandang Buhay
Bitbit ni Catherine, 15 taong gulang ang bunsong kapatid na si Leo, 4 taong gulang habang nasa kabilang kamay naman niya ang isa pang kapatid na si Carlinda, 6 taong gulang. Papunta sila sa bahay ng kanyang kaibigang si Daisy, maigi kasi ang buhay ng mga ito kaya nakabili ang mga ito ng TV, hindi pa uso ang TV sa mga panahong iyon.
Sa totoo lang ay anim silang magkakapatid, ang tatlo ay naiwan sa nanay niya dahil hindi niya naman kayang sabay sabay alagaan ang limang maliliit na bata. Ewan ba niya sa kanyang magulang, tila uso yata ang paramihan ng anak sa mga panahong ito.
Maligaya na silang nakikisilip sa bintana ng bahay ng kanyang kaibigan para makinood. Pagdating kina Daisy ay kinarga niya si Leo, habang si Carlinda naman ay nakatungtong sa isang upuan. Naroon si Daisy sa loob ng bahay ng mga ito kasama ang ina, hindi sila nito pinapasok at pinaupo kahit kay laki naman ng sofa, pero ayos na iyon sa kanya, kahit sa bintana lang sila nakasilip ang mahalaga ay nakakanood naman sila ng palabas.
“Daisy, isara mo nga ang bintana, malamok!” sabi ng mataray na ina ni Daisy.
Tumalima naman ang dalagita at palapit na sa bintana, pilit itong tinititigan ni Catherine sa mga mata, ipinapahatid ang mensahe na sana ay hayaan siya nitong makinood ng TV tutal ay ‘kaibigan’ naman siya nito. Pero tuloy tuloy ang dalagita sa pagsara ng bintana, naipit pa ang maliit na kamay ni Carlinda.
Pumalahaw ng iyak ang bata.
“Aray!!” sigaw nito. Tila wala namang pakialam si Daisy, sinulyapan lang sandali ang bata at itinuloy na ang pagsara ng bintana.
Hinawakan ni Catherine ang kamay ng kapatid, nangingitim ang dulo ng maliit na daliri nito, dahil sa naipong dugo. Luhaan ang mukha ng kawawang bata.
“Ate sakit po..” sumbong nito sa kanya.
Iginawi ni Catherine ang dalawa palayo sa lugar na iyon, nangako siya sa sariling wala nang kahit na sino ang pwedeng gumanoon sa mga kapatid niya.
Makalipas ang ilang taon.
“Wow! ang ganda naman nito!” tuwang tuwang wika ng kanyang ina, kaka-deliver lang kasi sa kanila ng washing machine. Kahit pa sasabihing mabuti na ang buhay nila ngayon, sobrang saya pa rin ng reaksyon ng kanilang nanay kapag may bagong appliance na naide-deliver, palibhasa ay dinanas nila ang matinding hirap 8 years ago.
Tinupad ni Catherine ang pangako niya, nagsumikap siya at nakapagtapos ng pag aaral. Ang una niyang binili sa kanyang unang sweldo?
TV.
“Ate thank you, ganda ng bahay natin,” nakangiting sabi ng ngayo’y 14 taong gulang na si Carlinda.
“Hindi, salamat kasi dahil sa inyo nagsumikap ako.” niyakap ni Catherine ang mga kapatid.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.
Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!