Pinilit Hanapin ng Batang Ito ang Lumayas na Ina Para sa Tatay Niyang Malapit nang Bawian ng Buhay
“Lumayas ka dito! Malandi kang babae ka!” galit na galit na sigaw ni Gardo sa kanyang misis matapos niya itong mahuling may kasamang ibang lalaki. Labis-labis ang hinagpis niya dito. Dahil hindi niya akalaing gagawin sa kanya ito ng mahal na mahal niyang misis. Iyak siya nang iyak, kasama ng mga anak niya, habang nakikitang nag-eempake nga si Odette. Kahit masakit sa pride ay sinubukan niya pa ring pigilan ang asawa sa huling sandali, “Mahal, sandali lang. Pag-usapan muna natin ‘to. Mapapatawad naman kita kung ipapaliwanag mo sa akin ang nangyari.” Ngunit matigas na kinalas ni Odette ang pagkakahawak ng asawa, “Wala akong dapat ipaliwanag sayo, Gardo. Matagal na akong nagtitiis sa kahirapang ito. Sawang-sawa na ako. Gusto ko namang guminhawa ang buhay ko.” Akmang palabas na ng bahay si Odette nang biglang kumapit sa paanan niya ang bunsong anak na si Olive, “Ma, huwag mo iwan Papa!” “Hindi ako aalis, anak kung matino lang ang buhay na binibigay sa atin niyang ama niyo!” Hanggang sa tuluyan nang umalis ang ginang sa kanilang tahanan. Tuluyan niya na ring tinalikuran ang kanyang pamilya. Kahit anong paghahanap naman ang gawin nina Gardo at ng mga anak niya ay hindi nila ito matagpuan. Hanggang sa lumipas ang panahon at nagkasakit si Gardo. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin malimutan ang asawa at ang sarili niya pa rin ang sinisisi sa pag-alis ng asawa. “Kung naging maganda lang sana ang trabaho ko noon, edi sana’y nabigyan ko ng maayos na buhay si Odette. Hindi niya sana kami iniwan,” rinig ng batang si Olive ang sinabi ng ama sa kaibigan nitong si Mang Nestor. Kasalukuyan kasi itong nakaratay sa ospital. Hindi muna siya nagpakita sa ama at pinakinggan lang ang paghihinagpis nito. “Parang sasabog ang dibdib ko, Nestor. Ayokong lisanin ang mundong ‘to nang hindi nakikitang muli ang asawa ko.” Doon ay nagdesisyon si Olive na hanapin ang ina. Dala-dala ang litrato nito ay pinagtanong niya sa mga tao ito. Ngunit dahil walang pumapansin sa kanya ay sumigaw siya, “Ako po si Olive Castro! Anak nina Gardo at Odette Castro! Hinahanap ko po ang mama ko! Kung hindi siya makikita ng papa ko ay sasabog ang dibdib niya. Ayoko pong mawala ang papa ko! Siya nalang po ang kasama namin sa buhay.” Sa kabila noon ay umuwing luhaan pa rin ang bata. Tinabihan niya nalang ang ama kasama ng mga kapatid niya. Kinabukasan ay nagulat sila nang magpakita sa kanila ang isang pamilyar sa mukha, “Odette?” Tila sila nananaginip lahat. Hindi malaman kung totoo ba ang nakikita. Humingi ng tawad sa kanila ang ina. Hindi naman pala ito nagpamilyang muli. Nag-abroad umano ito ng ilang taon. At kahapon ay saktong kadarating niya lang galing Saudi nang balitaan siya ng kaibigan na nakita daw ang kanyang bunsong anak. “Pasensya na kayo. Nag-ipon ako ng pampaaral niyo. Alam kong hindi kayo pinabayaan ng ama niyo. Pangako ‘di ko na ulit kayo iiwan.” Nagkapatawaran rin ang mag-asawa at nangakong magsasama nang muli sa hirap at ginhawa. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.