
Inis ang Ginang sa Patuloy na Pag-iyak ng Sanggol sa Bus; Mapapahiya Siya nang Malaman Niya ang Tunay na Kwento ng Mag-Ama
Halos hindi na alam ni Albert ang kaniyang gagawin sa dami ng kaniyang bitbit. Bukod kasi sa ilang bag ay dala rin niya ang sanggol na anak. Kahit na tirik ang araw ay kailangan niyang makipagsiksikan. Natatakot kasi siya na maubusan ng tiket sa bus pauwi ng probinsya.
Sa pila ay nakabangga niya ang isang ale. Galit na galit ito dahil natapakan pa ni Albert ang mga paa ng ginang.
“Aray ko! Hindi mo man lang tinitingnan ang dinadaanan mo?! Parang ikaw ang ang tao dito, ha!” bulaw ng ginang na si Aling Maricel.
“Pasensiya na po kayo, ale. Hindi ko po talaga sinasadyang matapakan ang paa n’yo. Hindi ko na po kasi makita ang daan sa dami ng dala ko,” paliwanag naman ng ginoo.
“Bakit kasi hindi mo muna iwan ang mga gamit mo doon sa upuan? Alam mong napakaraming tao dito! Napakasakit ng ginawa mo! Bukod pa doon ay dinumihan mo ang sapatos ko!’ “ galit na wika pa ng ginang.
Paulit-ulit na humingi ng pasensya si Albert kay Aling Remedios. Ngunit patuloy pa rin ang pagdaldal ng ale.
Nang makakuha na ng tiket si Albert ay agad na siyang sumampa sa bus. Patuloy ang paghingi niya ng pasensya sa mga taong natatamaan ng kaniyang mga dala.
Nang maiayos na ni Albert ang mga gamit ay dahan-dahan siyang umupo. Kinuha niya ang lampin ng sanggol at saka niya ito pinunasan ng pawis.
Halata sa mukha ng ginoo na hirap siya sa kaniyang sitwasyon.
“Hayaan mo, anak, pauwi na rin tayo. Konting tiis na lang,” bulong niya sa anak.
Naghintay pa sila ng ilang minuto at umandar na nga ang bus.
Hindi pa man nakakalayo ay pumalahaw na ng iyak ang bata.
Ipinagtimpla ito ni Albert ng gatas ngunit ayaw itong inumin ng sanggol na patuloy pa rin sa pag-iyak.
Habang tumatagal ay lalong lumalakas ang iyak ng bata.
“P’wede bang patigilin mo na ‘yang sanggol na dala mo? Nakakabulaho siya sa ibang pasahero!” sambit ng isang ale.
Nagulat si Albert nang makita niya ang babaeng kaniyang nakabangga sa bilihan ng tiket.
“Pasensya na kayo! Pasensya na talaga!” pilit na pinapatahan ni Albert ang anak.
“Anak, sige na at dumede ka na. Matulog kang muli,” hindi na alam ng ginoo ang kaniyang gagawin.
Dahil hindi pa rin humihinto ang anak sa pag-iyak ay napilitan anng tumayo si Albert upang ihele ito. Ngunit patuloy pa rin ito sa pag-iyak.
“Pati kaming mga nananahimik na pasahero ay nadadamay sa ingay ng anak mo! Kung hindi pala sanay kasi ang sanggol ay dapat hindi mo na sinasama bumiyahe! Anak mo ba ang batang iyan? Sigurado ka ba?” sambit pa ni Aling Remedios.
“Anak ko po siya. Iuuwi ko po kasi siya sa probinsya. Pasensya na kayo. Hindi ko po kasi alam talaga ang gagawin ko. Ayaw niyang uminom ng gatas,” pag-aalala ni Albert.
“Sigurado kang anak mo ‘yan? Bakit ayaw tumahan sa iyo? Siguro ay kinuha mo lang ang batang iyan at ibebenta mo, ano?” ayaw pa ring papigil ni Aling Remedios sa kaniyang panghuhusga.
“Anak ko po ang batang ito at sigurado po ako! Iuuwi ko nga siya sa probinsiya dahil ipapaalaga ko po sa nanay ko muna!” paliwanag muli ni Albert habang pilit na pinapatahan ang anak.
Natataranta na si Albert ngunit patuloy pa rin ang panggigisa sa kaniya ni Aling Reemedios.
“‘Yan ang hirap sa mga tao ngayon, mag-aanak-anak tapos hindi kaya ang responsibilidad! Mang-iistorbo pa ng ibang tao sa bagay na sila naman ang nagpakasarap! Nasaan ba kasi ang nanay niyan at hindi siya ang mag-asikaso? Kawawa na ang bata sa ginagawa n’yo!” wika pa ng ginang.
Patuloy ang pagtatalak ni Aling Remedios habang may isang ale naman ang lumapit kay Albert upang tulungan siya.
“Amina ang bata at susubukan ko siyang patahanin. Baka hinahanap kasi niya ang gatas ng kaniyang ina. Ako na ang magpapagatas sa kaniya,” wika ng isang pasahero.
Hindi na nagdalawang-isip si Albert na ibigay saglit ang bata sa nag magandang loob na ale. Ilang saglit pa may tuluyan nang tumahan ang sanggol.
“Mabuti naman at tumahimik na ang sanggol na iyan. Makakapahinga na rin kami nang maayos!” sambit ni Aling Remedios.
Napatingin na lamang ang nagmagandang loob na ale kay Aling Remedios. Napapailing ito at wari’y pinapatigil na si Aling Remedios sa pagsasalita nang hindi maganda.
Samantala, halata na sa mukha ni Albert ang lungkot at pagkabalisa.
“Mawalang galang na po sa inyo, ginoo, nasaan po ba ang nanay ng batang ito? Bakit kayong dalawa lang ang bumibiyahe?”mahinahong tanong ng ale.
Napabuntong hininga si Albert bago sumagot.
“Nasa sa langit na kasi ang asawa ko kasama ang Poong Maykapal. Nasawi siya habang ipinapanganak niya ‘yang anak namin. Hindi ko alam kung paano palalakihin ang batang iyan na walang ina. Kaya dadalhin ko muna siya sa nanay ko nang sa gayon ay makapagtrabaho ako at matustusan ko ang pangangailangan niya. Matagal naming hinangad ng asawa ko ang magkaroon ng anak. Hindi ko akalain na sa pagtupad ng pangarap na iyon ay ang wakas ng aming pagsasama,” patuloy sa pagluha si Albert.
Nahabag ang ale at ilan pang pasahero sa kwento ni Albert. Habang si Aling Remedios naman ay nakonsensya sa kaniyang mga pinagsasabi kanina.
“H-hindi ko akalain na ganyan pala ang pinagdadaanan mo. Pagpasensyahan mo na ako,” saad ni Aling Remedios kay Albert.
“Kaya ho, sa susunod ay itikom n’yo muna ang bunganga niyo kung wala po kayong magandang sasabihin. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama kayo. Hindi natin alam kung ano ang pinagdadaanan ng bawat isa sa atin kaya huwag tayong mabilis na humusga. Tulad ngayon, naiingayan lang kayo sa iyak ng sanggol ngunit hindi niyo alam ang bigat na dinadala ng mag-ama. Sana ay magsilbing aral na sa inyo ang tagpong ito,” saad ng ale kay Aling Remedios.
Napahiya si Aling Remedios dahil sa kaniyang ginawa. Patuloy naman ang paghingi niya ng tawad kay Albert.
Ang ibang mga pasahero naman ay nagbigay ng tulong kay Albert nang sa gayon ay makauwi ito sa probinsya na may laman ang sikmura at pitaka.
Dalangin ng bawat isa na sa pagbabalik ng mag-ama sa probinsiya ay makita nila ang liwanag sa tatahaking buhay kahit hindi na kapiling ang ilaw ng tahanan.