
Labis ang Dedikasyon ng Ginoo sa Kaniyang Trabaho; Bandang Huli’y Pagsisihan Niya Ito
“Anton, anong oras na?! Magsisimula na ang graduation ni Jopet. Nangako ka sa anak mo na darating ka ngayon. Huwag mo namang biguin ang anak mo!” bungad ni Susan sa asawa sa kabilang linya ng telepono.
“Sandali na lang, Susan, at parating na rin ang mga boss ko para sa meeting.. Alam mo namang hindi ko p’wedeng mapalagpas ito dahil dito nakasalalay ang promosyon ko!” sagot naman ng mister.
“Kung gayon, bakit ka nangako sa anak mo na makakarating ka? Ipinaliwanag ko na nga sa kaniya ang tungkol sa trabaho mo, tapos ay pinaasa mo pa ang bata. Palagi na lang mas mahalaga sa iyo ang trabaho mo. Kailan mo naman kaya kami bibigyan ng prayoridad ng anak mo?!” galit nang wika ni Susan sabay baba ng telepono.
Naiinis naman itong si Anton sa ginawa ng kaniyang asawa. Pabalik na sana si Anton sa conference room nang masalubong niya ang matandang sekretarya na Maria.
“Hindi ba’t araw ng pagtatapos ng anak mo? Gagawaran siya ng pinakamataas na parangal ngayon, ‘di ba? Ano ang ginagawa mo rito, Anton?” pagtataka ng matanda.
“Kailangan kasi ako dito sa meeting. Kanina ko pa nga sila hinihintay dahil ayaw kong isipin ni boss na hindi ko sineseryoso ang trabaho ko,” sagot naman ng ginoo.
“Bakit sa tingin mo ba ay mapo-promote ka kung palagi kang nariyan sa tabi niya? Mas mahalaga ang pamilya, Anton, hayaan mo na muna ang isang pagkakataon na ito. Minsan lang sa buhay ng anak mo mangyayari ito. Mas maganda kung nasa tabi ka niya,” pahayag naman ni Maria.
Ngunit hindi nakinig si Anton. Talagang pinanindigan niya ang pagiging isang mabuting empleyado. Tingin siya ng tingin sa kaniyang relo habang nagaganap ang pagpupulong. Sa mga panahong iyon ay nagtatalumpati na ang anak niyang si Jopet.
Palinga-linga si Jopet habang nasa entablado. Nang makita niya kasing wala sa tabi ng ina ang kaniyang ama ay labis siyang nalungkot. Hinahanap niya ang kaniyang ama sa grupo ng mga taong nasa kaniyang harapan. Ngunit hindi niya ito makita.
Sa pagkakataong ito ay kailangan nang simulan ni Jopet ang kaniyang talumpati. Mabigat man sa kaniyang dibdib ay sinimulan niya ang pagsasalaysay.
Natapos ang kaniyang talumpati ng pasasalamat ngunit wala pa rin ang kaniyang ama. Tanging ang kaniyang inang si Susan lamang ang umakyat ng entablado para siya ay sabitan ng medalya.
“Ma, nasaan na naman po si papa? Akala ko po ba ay kahit anong mangyari ay darating siya. Pati ba naman sa pagtatapos ko ay wala siya?” pinipigilan ni Jopet na tumulo ang kaniyang luha.
“Sa bahay na tayo mag-usap, Jopet, ituon mo muna ang sarili mo sa magandang pangyayaring ito. Ang mahalaga ay narito ako,” saad pa ng ina.
Pilit na ikinukubli ni Jopet sa kaniyang mga ngiti ang kalungkutan.
Natapos ang pagdiriwang ng pagtatapos ni Jopet ngunit wala rin ang kaniyang ama. Hatinggabi na nang makarating ito sa bahay. Rinig ni Jopet ang pag-aaway ng kaniyang mga magulang.
“Inuna mo na naman ang trabaho mo! Hindi mo na inisip ang mararamdaman ni Jopet! Mas maiintindihan ko pa kung sa ibang bansa ka nagtatrabaho, Anton! Hanggang kailan mo ba gagawing prayoridad ang trabaho mo? Paano naman kami ng anak mo?!” bulyaw ni Susan sa mister.
“Tigilan mo na ako, Susan! Akala mo ba ay gusto ko itong ginagawa ko? Ginagawa ko ang lahat ng ito para bigyan kayo ng magandang buhay! Maayos ang bahay na tinitirhan nyo dahil sa akin, masarap ang pagkain sa hapagkainan dahil may maganda akong trabaho. Dahil lang sa simpleng hindi ako nakadalo sa pagtatapos ng anak mo ay parang ako na ang pinakamasamang ama sa mundo? Intindihin n’yo naman ako!” sigaw naman ni Anton.
Hindi na nagkibuan ang mag-asawa buong gabi.
Kinabukasan ay muling nag-usap ang mag-asawa. Nanghingi ng kapatawaran sa isa’t isa. Ang pangako ni Anton ay babawi siya sa kaniyang mag-ina ngunit lumipas ang mga araw at trabaho pa rin ang kaniyang inuuna.
“Ma, hanggang kailan kaya tayo gagawing pangalawang prayoridad ni papa? Minsan naiinggit ako sa mga kasamahan niya sa opisina. Mas matagal pa nilang makasama ang papa kaysa sa atin,” saad ni Jopet sa ina.
“Unawain mo na lang ang papa mo, Jopet. Gusto lang naman niyang bigyan tayo ng masaganang pamumuhay. Tanggapin na lang natin na mahal niya talaga ang trabaho niya,” pahayag naman ni Susan.
Sa pagdaan ng mga araw ay lalong lumalayo ang loob ni Jopet at Susan sa kanilang haligi. Nasanay na sila na palaging abala sa trabaho itong si Anton. May mga lakad nga na hindi na nila tinatanong pa si Anton kung sasama ito. Dahil tanggap na nilang una lagi sa listahan ni Anton ang kaniyang trabaho.
Isang araw ay bigla na lamang sumama ang pakiramdam ni Anton. Labis naman ang pag-aalala ni Susan.
“Hinay-hinay lang kasi, Anton. Hindi ba p’wede ka namang mag-file ng leave sa opisina mo at susweldo ka pa rin? Bakit hindi mo ito gamitin nang sa gayon ay makapahinga ka rin. Makakasama ka pa namin ni Jopet,” wika ni Susan.
“Hindi ako p’wedeng mawala sa opisina ng matagal, Susan. Baka mamaya ay amungusan ako ng iba. Saka ayos lang ako. Siguro ay naistres lang ako sa meeting kahapon,” pahayag naman ng ginoo.
Pumasok pa rin si Anton sa trabaho kahit masama ang kaniyang pakiramdam. Ilang oras pa lamang siya sa opisina ay bigla na lamang siyang sinakitan ng dibdib. Labis ang kirot nito hanggang sa hindi na siya makahinga at tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Mabuti na lamang ay agad siyang nadala sa pinakamalapit na ospital. Inatake na pala sa puso itong si Anton at ngayon ay bahagya siyang na i-stroke.
“Bakit hindi mo sinasabi sa akin na matagal ka na palang nakakaramdam ng pagsakit sa dibdib? Tingnan mo tuloy ang nangyari sa iyo,” hinagpis ng asawa.
“Kilangan kong magpagaling, Susan, kailangan kong pumasok sa trabaho,” kahit hirap ay ito pa rin ang laman ng isip ng ginoo.
“Puro ka na lang trabaho, Anton! Tingnan mo nga ang kalagayan mo? Nasaan ang pinakamamahal mong trabaho ngayong ganyan ang sitwasyon mo? Sila ba ang magbabayad ng lahat ng nagastos sa ospital? Sila ba ang magpapagamot sa iyo? Sila ba ang mag-aalaga sa iyo? Utang na loob, kahit ngayon lang! Isipin mo naman ang sarili mo! Isipin mo naman kami ni Jopet!” umiiyak nang sigaw ni Susan.
Ngunit mapilit pa rin si Anton sa kabila ng kaniyang kalagayan. Pilit siyang nagpapagaling agad nang makapasok muli sa opisina.
Isang linggo pa lang na nasa hospital si Anton ay nabalitaan na niyang may pumalit na sa kaniyang pwesto. Hindi rin niya nakuha ang inaasam na promosyon. Ni wala ngang nagpupunta o tumatawag man lamang galing sa kanilang opisina upang kumustahin ang lagay niya.
Dito na napagtanto ni Anton na tama ang sinasabi ng kaniyang asawa.
“Patawarin n’yo ako, Susan, Jopet. Hindi ako naging mabuting asawa at ama sa inyong dalawa. Sa haba ng panahon ay mas inuna ko ang trabaho kong kaya lamang akong palitan nang basta-basta. Nanghihinayang ako sa mga panahon na nasayang ko. Siguro ay paraan na rin ito ng Diyos para ipakita sa akin ang kahalagahan ng pamilya,” umiiyak na sambit ni Anton.
“Ang mahalaga, Anton, ay buhay ka at narito ka pa sa amin. Kaya pa nating itama ang lahat. Kaya pa nating baguhin ang nakagisnan natin. Nandito lang naman kami lagi ng anak mo at naghihintay para sa iyo,” umiiyak ding wika ni Susan.
Simula noon ay sinikap ni Anton na gumaling para makabawi sa kaniyang mag-ina. Nagpapasalamat siya dahil kahit na malaki ang pagkukulang niya kina Susan at Jopet ay nariyan pa rin ang dalawa sa kaniyang tabi upang siya ay alagaan at mahalin.