
Ipinakita ng Nanay ang Nabili Niyang Lote sa Kaniyang Tatlong Anak; Bakit Hindi Sila Nasiyahan sa Kanilang Nakita?
Hindi inakala ng magkakapatid na Cathy, Oliver, at Roselyn na magkikita-kita sila sa bahay ng kanilang mahal na inang si Aling Caridad.
“Bakit nandito kayo?” tanong ng panganay na si Cathy, isang Head Teacher sa pampublikong paaralan sa lungsod ng Quezon.
“Nag-text ang Nanay. Magpapasama raw sa akin eh, hindi naman sinabi kung saan kami pupunta,” tugon ng pangalawang anak na si Oliver, isang supervisor sa restaurant sa lungsod ng Pasig.
“Ha? Sa akin din. Nag-text siya nang ganyan,” saad naman ni Roselyn, isang online seller at nag-aaral naman ng masteral niya sa isang prestihiyosong pamantasan.
“Lahat pala tayo tinext niya? Bakit hindi na lang siya gumawa ng group chat. Bakit kailangan pa tayong isa-isahin?” nagtatakang tanong ni Cathy.
“Eh baka hindi marunong gumawa ang nanay. Tingnan mo nga, sa text pa tayo sinabihan,” pahayag naman ni Oliver.
Tuwang-tuwa si Aling Caridad, retiradong guro, nang masilayan niya ang kaniyang tatlong anak. May kaniya-kaniya na kasing buhay ang mga ito, palibhasa ay may mga asawa na, maliban kay Oliver.
Isa-isang hinagkan sa pisngi at niyakap ni Aling Caridad ang kaniyang mga anak.
“Mabuti naman at nakarating kayo!” masayang sabi ni Aling Caridad.
“Nakakatuwa naman kayo, Nay! At isa-isa mo pa talaga kaming tinext, bakit hindi ka na lang gumawa ng group chat?” tanong ni Cathy.
“Hayaan mo na, Cathy. Ganoon talaga ang gusto ko, para mas personal. Gusto ko samahan ninyo ako sa nabili kong property. Lote. Ipakikita ko sa inyo,” nakangiting sabi ni Aling Caridad.
Sabik namang sumama ang tatlong magkakapatid. Sumakay sila sa lumang sasakyan na minamaneho noon ng kanilang tatay na sumakabilang-buhay na. Ngayon, si Mang Tano na kanilang inupahang drayber ang nagmamaneho nito para sa kanila. Habang binabaybay nila ang daan, hindi nila maiwasang maalala ang kanilang kabataan.
“Tingnan ninyo ang mga bukirin… naalala ba ninyo noong mga bata pa kayo, tuwang-tuwa kayo kapag nakikita ninyong mapipintog na ang mga palay, at nakahanay sa lapag ang sakong kinalalagyan ng mga butil. Kaybilis ng panahon mga anak,” saad ni Aling Caridad.
Makalipas ang 20 minuto, nakarating na rin sila sa sinasabing lote na nabili ni Aling Caridad. Subalit hindi ito ang lote na inaasahan nilang lahat.
“B-Bakit dito sa memorial park mo kami dinala, ‘Nay?” nagtatakang tanong ni Oliver sa kanilang nanay.
“Gusto kong ipakita sa inyo ang lote na nabili ko para kapag nawala na ako sa mundong ito, dito ninyo ako ililibing sa lupang ito, kasama ang mga abo ng Tatay ninyo.”
Ang lote pa lang tinutukoy ng kanilang nanay ay ang lupang paglilibingan sa kaniya kapag namayapa na siya. Naihanda na pala ito ng kanilang ina.
“Bakit naman ganyan, ‘Nay? Gusto mo na bang mawala?” naiiyak na sabi ni Roselyn.
Napangiti naman si Aling Caridad.
“Mga anak, matanda na ako. Bilang na lamang ang mga nalalabing panahon ko sa mundong ito. Hindi natin alam kung kailan ba ako susunduin ng Tatay ninyo para magkasama na kami sa langit. Mas mabuti na yung nakahanda tayo,” paliwanag ni Aling Caridad.
Dagdag pa niya, “Pinambili ko ng lote dito sa memorial park ang ilang perang nakuha ko sa pagreretiro. Para hindi na kayo mamroblema kapag nawala na ako. Meron na rin akong memorial plan, para hindi na kayo mamroblema sa kabaong at burol. Na kay Tessie ang mga resibo at detalye.”
“Nay naman… nagpapaalam na ba kayo sa amin? Umamin nga kayo… may sakit ba kayo?” nag-aalalang tanong ni Cathy sa kanilang nanay. Si Oliver naman ay nagtungo sa kaniyang likuran at niyakap na siya. Ipinatong nito ang ulo sa kanang balikat ng ina.
“Hindi anak, wala akong sakit. Gusto ko lang sanang sabihin sa inyong magkakapatid na nakahanda na ako anomang oras, kaya sana, maibigay naman ninyo sa akin ang oras ninyo,” naiiyak na sabi ni Aling Caridad.
“Kasi simula nang magkaroon kayo ng sari-sariling pamilya at buhay, lumayo na kayo at bumukod, nawalan na kayo ng oras at panahon sa akin. Naiintindihan ko naman dahil malalaki na kayo, pero sana naman huwag ninyong kalimutang may nanay pa kayo.”
Naantig ang damdamin ng magkakapatid. Tama naman ang nanay nila. Simula nang bumukod na sila, aminado naman silang buong panahon nila ay naigugol na nila sa asawa, anak, trabaho, at pag-abot sa kani-kanilang mga pangarap.
Lumapit na rin sina Cathy at Roselyn kay Aling Caridad. Niyakap ito.
“Patawarin mo kami, Nanay. Nakalimutan namin na kailangan din ninyo kami bilang mga anak ninyo,” umiiyak na sabi ni Roselyn.
“Pangako, babawi kami sa inyo. Babawi kami,” pangako naman ni Cathy.
Nagsilbing ‘sampal’ sa kanilang magkakapatid ang ginawa ng kanilang ina, kaya nagkasundo-sundo sila na tuwing Sabado at Linggo, ilalaan nila ang kanilang oras kasama ang kanilang ina.
Tuwing Sabado at Linggo, halos napupuno ang lumang bahay dahil nagsisilbing reunion na ito ng magkakapatid at magpipinsan. Masayang-masaya si Aling Caridad dahil nagagawa niyang makipaglaro sa kaniyang mga apo. Nagkaroon naman ng pagkakataon ang tatlong magkakapatid na mag-bonding pa.
Napagtanto ng magkakapatid na maiksi lamang ang buhay ng tao sa mundo, kaya hindi kailangang isakripisyo ang mahahalagang bagay tulad ng oras at pamilya. Kailangang sulitin ang mga bagay-bagay habang nariyan pa, kagaya ng presensya at buhay ng kanilang ina.