Palagi na Lamang Mabigat ang Balikat ng Babaeng Ito, Hindi Niya Akalain ang Bitbit Niyang Pasanin

“Ma, bakit kaya ganoon? Bakit parang ang bigat ng balikat ko? Alam mo ‘yung ang sakit sakit na,” pag-iinda ni Maya habang hawak ng dalawa niyang balikat.

“Baka naman sa kakatrabaho mo iyan sa opisina, ngayon ka lang kasi nagbakasyon kaya ngayon mo lang naramdaman lahat ng pagod,” sagot naman ng kaniyang ina at hinawakan ang balikat ng kaniyang anak.

“Tingnan mo na, puro ka lamig sa katawan. Humiga ka muna at hihilutin kita,” sabing muli ni Aling Juanita at saka kinuha ang langis at inihaplos sa kaniyang anak.

Dalawang taon pa lamang na nagtatrabaho sa Maynila si Maya ngunit ngayon lamang siyang umuwi sa probinsya nila at nagbaksyon nang ganito katagal.

“Anak, ano ba talagang mayroon at bakit ganito yata katagal ang bakasyon mo ngayon? May problema ka ba?” tanong ng ale nang maabutan niyang nakatulala ang kaniyang anak.

“Wala, ‘ma, masakit lang talaga ang balikat ko at saka para makapagpahinga na rin po at namiss ko kayo,” mabilis na sagot ng babae.

“Naku, mamaya naman niyan ay may pinagdaraanan ka na ay hindi mo pa masabi. Sabihin mo sa akin at kahit ano pa ‘yan anak ay hindi kita huhusgahan,” sabing muli ng ale.

“Wala talaga, ‘ma,” ngiti ng dalaga sabay yakap sa kaniyang ina.

Advertisement

Ilang araw pa ang lumipas ay labis pa ring iniinda ni Maya ang bigat ng kaniyang balikat.

Hanggang sa lumapit na sila sa iba’t ibang manggamot ngunit napasukan lang daw ng matinding lamig ang dalaga.

“Anak, dito sa huli nating pupuntahan ay sigurado akong gagaling ka na. Albularyo na ito at magaling daw sabi ng mga kumare ko. Marami na raw ‘tong napapagaling,” saad pang muli ni Aling Juanita.

Hindi naman umimik pa si Maya at sumunod na lamang siya sa kaniyang ina.

Ngunit malayo pa man sila ay kaagad na silang sinalubong ng matandang albularyo at tinawag si Maya.

“Malayo ka pa lang ay nakikita ko na kung ano ang ipapatingin mo. Tatanungin muna kita, ano ang gusto mo, ‘yung marinig ng nanay mo ang sasabihin ko o ikaw lang?” seryosong tanong ng albularyo kay Maya.

“Ho?” nagtatakang tugon ng babae rito.

“Yang nasa balikat mo, alam ko kung ano,” sabi ng albularyo.

Advertisement

“Ano po bang problema sa akin?” naiiyak na tanong ni Maya sa lalaki at nakaramdam siya ng bahagyang kaba.

“Hija, bata, bata ang nasa balikat mo,” muling sagot ng albularyo at malakas na bumulong ng isang dasal ngunit bago pa man masara ng albularyo ang pinto ay narinig na ng nanay ni Maya ang mga sinabi ng albularyo.

“Ano hong bata ang sinasabi niyo ang nasa balikat ng anak ko?” baling ni Aling Juanita rito.

Bago pa man sumagot ay napaluha na si Maya sa matanda.

Doon na sinabi ng dalaga ang totoong nangyari sa kaniya. Nabuntis ito at nagpalaglag sa Maynila. Naging mahirap ang kaniyang proseso dahil sa lakas ng kapit ng bata.

“Ano ho ba ang dapat kong gawin upang mawala na ang bigat na ito?” lumuluhang tanong ni Maya sa lalaki.

“Magpaalam ka lamang nang maayos sa kaniya, hija, gawan mo siya ng puntod at nais niyang makilala raw siya ng mundo bilang anak mo,” tugon ng albularyo at dinasalan na siya nito.

Nang makauwi ang mag-ina ay mas lalo pang naiyak si Maya.

Advertisement

“Anak, bakit mo ba siya pinalaglag?” tanong muli ng ale na kanina ay hindi nasagot ng dalaga.

“Kasi, ‘ma, ang t@nga ko po,” lumuluhang balik pa rin nito sa kaniyang ina.

“Pamilyado ‘yung tatay nung bata at nung malaman niya na nabuntis ako ay sinabi niya na kaagad na hindi niya ako pananagutan. Noong una ay sabi ko ipagpapatuloy ko pa rin ngunit habang tumatagal at naiisip ko ang iisipin ng mga tao kapag wala siyang ama lalo na rito sa lugar natin ay nasasaktan ako kaya naman pumayag na rin akong magpalaglag na,” siwalat ni Maya sa ina.

Hindi na muling nagtanong si Aling Juanita dahil alam na niya ngayon ang totoong dahilan ng pagtulala ng kaniyang anak at pagbabakasyon nang matagal. Ayaw na niyang husgahan pa ito at gusto na lamang niyang iparamdam kay Maya na may pag-asa pa ang buhay sa kabila ng lahat.

Kaagad na inilibing ni Maya ang kaniyang anak at binigyan ito ng pangalan. Simula noon ay araw-araw siyang humihingi ng paumanhin sa Diyos at sa bata sa kaniyang naging kasalanan. Hindi nagtagal ay unti-unting gumaan ang balikat ni Maya at alam niya na kahit papano ay nakaakyat na sa langit ang kaluluwa ng kaniyang anak.