
Walang May Nais Makipagkaibigan sa Kaniya Dahil Masama Raw Siyang Bata; Magbago Kaya ang Tingin sa Kaniya ng Karamihan Ngayong Gumagawa na Siya ng Kabutihan?
Lumaki si Romnick sa boystown kasama ang mga batang kagaya niyang walang magulang na nag-aalaga. Iba sa kanila ay ulilang lubos na sa buhay, ang iba naman ay napariwara, o kaya’y nalulong sa bisyo kaya doon inilagay.
Pero si Romnick ay kusang ibinigay ng kaniyang ina sa boystown sa hindi malinaw na dahilan. Kaya palagi siyang tinutukso noon na masamang bata dahil ang kaniyang ina mismo ang nagtapon sa kaniya sa lugar na iyon.
Sampung taong gulang siya nang ibinigay siya nang kaniyang ina sa boystown sa dahilang sila lamang mag-ina ang nakakaalam. Habang lumalaki siya ay nagsumikap siya sa buhay sa kabila na palagi siyang inaapi at halos walang gustong makipagkaibigan sa kaniya dahil masama raw ang ugali niya at may taglay siyang matalas na bibig na masakit magsalita.
Nagsikap siya at naging magaling na abogado, gaya ng pinangarap noon ng kanyang ina para sa kaniya. Kaya ngayong malaki na siya at matagumpay na sa buhay ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtulong sa boystown kung saan siya nanggaling. Kagaya ngayong araw na ito. Narito siya sa boystown upang magbigay nang tulong pinansyal at kung ano-ano pang mga kakailangsnin ng mga batang naroroon.
“Oh! Romnick, narito ka rin pala,” preskong bati sa kaniyang ni Brandon.
Kagaya niya’y sa boystown rin lumaki ang lalaki. Nahuli ito noong nagru-rugby kasama ang mga kaibigan sa lansangan kaya sa boystown ikinulong at hindi na kinuha pa nang mga magulang hanggang sa lumaki at kagaya niya’y nagbagong buhay at naging matagumpay.
“Kumusta?” naiilang niyang bati rito.
“Ayos lang naman ako,” tugon nito. “Hindi ko inaasahan na babalik ka pa rito at magbibigay tulong, Romnick. Ang buong akala ko noong lumabas ka rito’y hindi ka na ulit lilingon sa masalimuot na lugar na ito,” anito na animo’y may nais ipahiwatig.
“Bakit naman hindi ko lilingunin ang lugar na ito, Brandon, e dito nga ako tumira nang napakahabang panahon,” aniya, pilit ikinukubli ang inis.
“Syempre, dito ka talaga titira, Romnick, dahil mismong ang nanay mo ang umayaw sa’yo. Inisip niyang isang pabigat sa kunsensya kung basta ka na lang niya iiwanan sa ibang lugar kaya ka niya itinapon rito,” nauuyam nitong wika.
Matamis na ngumiti si Romnick. Ano ba ang ipinagmamalaki ng lalaki? Gayong pare-pareho lang naman silang itinapon sa lugar na ito. Naiintindihan niya kung bakit mainit ang dugo sa kaniya ni Brandon, dahil minsan niya na itong nakaayaw noon.
“Alam mo, Brandon, sa’yo ko lang ‘to unang beses na aaminin. Kasi mula noon hanggang ngayon ay palaging iyan ang ibinabato niyo sa’kin, iyong pagtapon sa’kin ng nanay ko rito sa boystown,” seryoso niyang sambit. “Gusto kong malaman mo na mas masaklap ang ang buhay mo kaysa sa’kin, dahil alam kong hanggang sa huling hininga ng nanay ko’y minahal niya ako, hindi kagaya sa mga magulang mo na tuluyan ka nang tinalikuran dahil sa pagiging pasaway mong anak.”
Dagli siyang tumigil upang hamunin ito ng titigan. Kahit kailan ay hinding-hindi siya magpapatalo sa mayabang na lalaking ito. Nakita naman niya ang panlilisik nang tingin ni Brandon sa kaniya.
“Inilagay ako ng mama ko rito sa boystown dahil malala na ang sakit niyang c@ncer at wala siyang ibang kamag-anak na magpag-iiwanan sa’kin. Single mom ang nanay ko, kaya bago siya nam@tay, mas inuna niyang siguruhin ang ikabubuti ko. At ang paraan na iyon ay ang ilagay ako rito, hindi ako nahuli sa lansangan dahil nagru-rugby ako o kung ano-ano pa man ang masamang ginawa ko sa buhay. Inilagay ako ng mahal kong ina rito, dahil tinutupok na siya nang sakit niya. Ngayon alam mo na?” nang-iinis na wika ni Romnick.
Iyon ang isa sa dahilan kaya walang gustong makipagkaibigan sa kaniya… dahil sa pagiging prangka niyang manalita at hindi hinahaluan nang mabulaklak ang mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig para lamang magustuhan siya nang kapwa niya. Kung ano ang gusto niyang sabihin at kung ano ang totoo ay iyon ang sasambitin niya, magalit man ang lahat sa kaniya.
“Kumpara sa’yo Brandon, alam kong mas mabuti akong tao at anak. Hindi ko kailanman binigyan ng sama ng loob ang nanay ko noon, sadyang maaga nga lang talaga siyang kinuha sa’kin ng Diyos. At saka hanggang ngayon, tumutulong pa rin ako at pilit na gumagawa nang mabuti sa kapwa ko. Sadyang hindi mo nga lang iyon nakikita pare, kasi bulag ka doon sa maling alam mo sa buhay ko. Sana balang araw… makita mo rin ‘yong kabutihan ko,” aniya sabay tapik sa balikat ni Brandon ay martsa palayo rito.
Naiwan si Brandon na tahimik at nakatulala. Minsan kahit anong kabutihan na ang ipakita mo sa ibang tao, iyong masama pa rin ang nakikita nila sa’yo. Kahit anong gawin mo upang maging positibo sa buhay, pilit ka pa rin ilang hinihila sa negatibong paraan. Kaya mas maigi na rin iyong huwag na lang silang patulan.