Inday TrendingInday Trending
Nagmalaki ang Anak sa Kaniyang mga Magulang; Bandang Huli’y Sila rin pala ang Magliligtas sa Kaniya

Nagmalaki ang Anak sa Kaniyang mga Magulang; Bandang Huli’y Sila rin pala ang Magliligtas sa Kaniya

“Lagi na lang akong mali! Wala nang tama sa ginawa ko! Matanda na ako, dad! Kaya ko na ang sarili ko! Huwag n’yo na akong diktahan kung sino ang dapat kong mahalin dahil ako naman ang makikisama at hindi kayo! Mahal ko si Joshua, dad! Bakit hindi n’yo na lang tanggapin na may sarili na akong buhay?!” umiiyak na sambit ni Karylle sa kaniyang amang si Peter.

“Iyan ba ang gusto mo? Ang hayaan ka na namin ng mommy mo? O siya, kung sa tingin mo ay kaya mo na ang sarili mo ay umalis ka na sa pamamahay na ito! Pinagsasabihan ka lang namin na hindi magandang impluwensya sa iyo ang lalaking iyan! Simula nang napasama ka riyan ay lagi mo na kaming sinusuway ng mommy mo. Ginagawa lang namin ang alam naming makakabuti para sa iyo. Pero kung sa tingin mo ay walang halaga ang lahat ng ginagawa namin para sa iyo ay bukas ang pinto. Malaya kang makakaalis ng pamamahay na ito!” tugon naman ng galit ding ama.

Samantala ay pilit namang umaawat ang inang si Janet sa pagtatalo ng mag-ama.

“Huwag ka na kasing sumagot sa daddy mo, Karylle. Gusto lang niyang mapaayos ang buhay mo. Marami ka pa riyang makikilala na mas ayos na lalaki, anak. Intindihin mo kami ng daddy mo,” pilit na pagpapaliwanag ng ina.

“Si Joshua nga ang gusto ko, mommy! Hindi n’yo lang matanggap na matanda na ako at may sarili na akong buhay. Kung bibigyan n’yo lang kasi ng pagkakataon si Joshua ay malalaman n’yong mabuti siyang tao. Ang problema kasi sa inyo ay masyado kayong mapanghusga!” umiiyak pang sambit ng dalaga.

“Paanong hindi mo huhusgahan ang lalaking iyon? Ang laki ng pinagbago mo, Karylle. Saka napag-alaman ko na hiwalay ang pamilya niyan. Maging ang mga kapatid niya ay hindi rin maayos ang kani-kaniyang pamilya. Kung pipili ka rin lang ng lalaki ay ‘yung nababagay naman sa iyo!” dagdag pa ng ama.

“Dahil lang sa katayuan lang niya sa buhay ay huhusgahan n’yo siya? Mahal ko siya at pinapasaya niya ako, dad! Huwag naman kayong maging madamot sa akin!” sagot pa ni Karylle.

Hindi makakapayag si Peter ang pagsuway ng anak. Pinapili kaagad ang dalaga sa nais nitong gawin.

“Kung ipagpapatuloy mo ang pagmamamalaki mo sa amin ng mommy mo at ang pakikipagrelasyon mo sa lalaking iyan ay mainam pang umalis ka na lang sa poder namin. Tutal, sabi mo nga, kaya mo na ang sarili mo,” mariing sambit ni Peter.

Tumalikod na lang si Karylle sa kaniyang mga magulang.

Ang sakit naman para sa mag-asawa na mas pinili ng anak ang lalaking pinakamamahal nito.

“Peter, pigilan mo naman ang anak mo. Baka lalo siyang mapariwara,” tumatangis na sambit ni Janet.

“Hayaan mo siya sa gusto niya, Janet. Hayaan mong sa mahirap na paraan niya matutunan ang nais nating sabihin. Huwag mo siyang aamuhin. Ni huwag mo siyang pipigilan!” sambit naman ng mister.

Kahit na nagmamatigas si Peter ay labis ang hapdi sa kalooban niya sa pagpapalayas sa anak.

Noong gabi mismong iyon ay tuluyan nang sumama si Karylle sa kasintahan niyang si Joshua.

“Lagi na lang kasi akong mali sa paningin nila. Ikaw lang ang nakakaunawa sa akin, Joshua. Patutunayan natin sa kanila na tunay ang pagmamahal natin,” wika ng dalaga.

Ayos naman ang naging kalagayan ni Karylle sa tatlong buwang pananatili niya sa bahay ng pamilya ni Joshua. Malaking kaibahan nga lang sa buhay na kaniyang kinalakihan.

Ngunit habang tumatagal ang kanilang pagsasama ay nakikita niya ang pag-iiba ni Joshua. Hanggang sa nakita niya ang ilang mga gamit sa damitan ng kinakasama.

“Ano ang ibig sabihin nito, Joshua? Hindi ba’t para ‘to sa ipin@gbabaw@l na gamot? Anong ginagawa nito dito? Gumagamit ka ba?” natataranta anang sambt ni Karylle.

“Akin na nga iyan! Ayoko sa lahat ay pinakikialaman ang gamit ko! Ano ngayon kung gumagamit ako? Kung gusto mo sumama ka na lang sa akin para mas masaya!” saad ni Joshua.

Hindi napigilan ni Karylle na sampalin si Joshua dahil sa sinabi nito.

“Sumama ako sa iyo dahil ang sabi mo patutunayan mo sa magulang ko na kaya mo akong bigyan ng magandang buhay, tapos ay ito ang gagawin mo?” bulyaw ng dalaga.

Dahil dito ay hindi na rin naiwasan ni Joshua na pagbuhatan ng kamay si Karylle. Nagdilim na ang paningin nito nang tuluyan. Mabuti na lamang ay naawat si Joshua ng kaniyang ina.

“Kung hindi mo kayang tanggapin ang lahat sa akin ay bumalik ka na lang sa mga magulang mo! Hindi ikaw ang makakapagpabago sa akin!” galit na galit na sambit ni Joshua.

Iniwan ng binata na luhaan at bugb*g ang katawan ni Karylle.

Sa puntong iyon ay nais nang bumalik ni Karylle sa kaniyang mga magulang ngunit labis ang kaniyang hiya. At dahil din sa pagmamahal niya kay Joshua ay binigyan pa niya ito ng isa pang pagkakataon.

Hanggang sa nagdalantao na si Karylle. Akala niya ay tuluyan nang nagbago si Joshua ngunit lalo pa pala itong tumindi. Ang masakit pa roon ay madalas niyang mahuli ang kinakasama na nambababae. At kapag pinagsasabihan ni Karylle si Joshua ay gu*lpi ang kaniyang inaabot.

Hindi nagtagal ay nawala rin ang ipinagbubuntis ng dalaga. Nawawalan na ng pag-asa si Karylle para sa kaniyang buhay. Labis ang kaniyang pagsisisi kung bakit niya tuluyang tinalikdan ang kaniyang mga magulang.

Hanggang sa isang araw, habang pinagbubuhatan ng kamay ni Joshua si Karylle ay may dumating na mga pulis. Agad na dinakip si Joshua lalo na at naaktuhan itong sinasaktan ang kinakasama.

Labis naman ang pagtangis ni Karylle nang makita niya ang mga magulang na naroon at handa na siyang kunin muli.

“Nang malaman namin kung ano talaga ang sinapit ng buhay mo ay hindi na nag-atubili ang papa mo na kunin ka namin. Anak, bakit hindi ka nagsabi na ganito na pala ang kinahinatnan ng buhay mo?” umiiyak na sambit ni Janet sa anak.

“Nahihiya po kasi ako sa inyo ni daddy. Ako kasi ang nagdesisyon ng lahat ng ito. Pero labis na po akong nagsisisi, mommy at daddy. Patawarin n’yo po ako. Patawad po!” pagsusumamo ni Karylle.

“Kalimutan mo na ang lahat, anak. Patawarin mo rin kami dahil natagalan ang pagpunta namin dito. Narito na kami ng mommy mo. Wala nang makakapanakit pa sa iyo,” sambit naman ni Peter sabay yakap ng mahigpit sa kaniyang mag-ina.

Muling umuwi si Karylle sa piling ng kaniyang mga magulang. Samantala, si Joshua naman ay pinagdudusahan ang kaniyang mga kasalanan sa bilangguan.

Pilit na bumabangon si Karylle mula sa mapait na karanasan. Naniniwala siyang malalagpasan din niya ang lahat ng ito sa tulong ng kaniyang mga magulang na tunay na nagbibigay sa kaniya ng kalinga at pagmamahal.

Advertisement