Isang Basurera ang Pumukaw sa Atensyon ng Ginang, Nakakatindig Balahibo Pala ang Pinanggagalingan ng Masangsang na Amoy sa Bahay Nito

“Honey, hindi mo ba napapansin ‘yung kapitbahay natin sa dulo? Parang may mali sa kaniya!” wika ni Jasmin sa kaniyang mister na kakauwi lamang sa trabaho.

“Yung nangongolekta ng mga kalakal? Ano namang bago sa kaniya? Pati ba naman ‘yung kapitbahay natin na ‘yun ay binabantayan mo na rin?” iritableng sagot ni Kevin, ang mister ng babae.

“Ito naman, ginawa mo na naman akong chismosa ng taon! Hindi naman sa ganoon, kasi napapansin ko lang na hindi na siya masyadong lumalabas at halos isang buwan na rin, pati ‘yung anak niya ay hindi ko na rin nakikita. Dati-rati naman ay palagi kong naririnig ang mag-ina na iyon dahil sa ingay nila pero nitong nakaraan, parang palagi na lang yatang umiiyak ‘yung babae,” paliwanag naman ng babae rito.

“Para manahimik ka ay puntahan mo na lang, huwag niyo na akong isali riyan sa mga chismis niyo sa mga kapitbahay natin dahil hindi ako interesado,” matabang na sagot ng kaniyang mister. Hindi na umimik pang muli si Jasmin at pinanlakihan na lamang niya ng mata ang lalaki sa inis niya.

Halos isang dekada nang mag-asawa ang dalawa at ganoon na rin silang katagal na nakatira sa lugar na iyon. Simula rin noon ay nasa bahay lamang si Jasmin at kahit kinaiinisan niya, reyna ng chismis ang tawag sa kaniya ng mister ngunit para sa babae ay normal lamang iyon sa mga nanay na nasa bahay lang. Isa ngayon sa nakakakuha ng kaniyang pansin ay ang kapitbahay nilang iniiwasan ng marami. Dalawang taon na itong nakatira roon ngunit wala pa ni isang kaibigan ang babae, paano’y nandidiri sila sa balat nito dahil parang may ket0ng ang babae.

“Lorna, napapansin mo ba ‘yung anak nung Juanita? Bakit parang hindi ko na nakikita?” tanong ni Jasmin sa kapitbahay niya.

“Naku naman, kailan pa natin napansin ‘yang si Juanita, parang hindi ko na maalala? Huwag na natin pag-usapan ‘yan at baka mahawa pa tayo roon! May bago akong chika sa’yo!” masiglang sagot naman sa kaniya ng babae. Walang nagawa si Jasmin kundi ang makinig sa babae at hindi na muling pinag-usapan si Juanita kahit nga hindi maalis sa kaniyang isipan ang kakaibang ikinikilos ng babae at ang palaging pag-iyak nito na kaniyang naririnig.

Ilang araw pa ang nakakalipas ay napapansin lalo ni Jasmin na hindi lamang bakal, bote ang kinokolekta ng babae dahil maging ang mga basura na nasa labas na ay kinokolekta niya kaya naman may kung anong ‘di kaaya-ayang amoy na siyang nasasagap.

Advertisement

“Juanita! Bakit pati basura ay kinokolekta mo na ngayon?! Bumabaho na tayo!” sigaw ni Jasmin nang makita niyang lumabas ang babae sa kaniyang pinto.

Ngunit hindi katulad ng dati na hihingi ito ng pasensya dahil mabilis itong nagtago nang makita siya.

Kahit na ayaw niyang lumapit sa bahay na iyon ay wala siyang nagawa kung ‘di katukin ang pinto ng babae upang kausapin ito.

“Juanita, ano bang nangyayari sa’yo? Bakit puro basura na yata ‘yung bahay mo? Balak mo ba maging Payatas ang lugar natin?!” galit na katok ng walis-tingting ni Jasmin sa pintuan ng babae habang nakatakip ang kaniyang ilong.

“Pasensiya na,” naiiyak na sagot ni Juanita na siyang kinagulat ni Jasmin.

Napailing siya at napapikit sa baho ngunit nangibabaw ang kung anong pag-alala niya rito.

“Juanita, kumain ka na ba? Bakit parang hindi ko na kayo nakikita ng anak mo? May problema ba?” mahinahong tanong ni Jasmin sa kapitbahay. Sa hindi malamang pagkakataon ay bigla na lamang humagulgol si Juanita at saka ito lumabas ng kaniyang pinto at dali-daling umupo sa isang tabi saka naman sumunod si Jasmin.

“Dios por santo!” sigaw ni Jasmin ng marinig niya ang kwento ni Juanita at mabilis itong napadapa.

Advertisement

“Parang awa mo na, nag-iipon lang ako ng pera dahil walang-wala na talaga. Patawarin niyo ako. Kaya lang naman ako nag-iipon ng basura para hindi niyo siya maamoy dahil hindi ko na alam ang gagawin ko,” iyak muli ni Juanita sa kaniya.

Alam niya sa mga oras na iyon ay dapat na siyang tumakbo at pumunta sa pulis ngunit mas pinili niyang yakapin ang kapitbahay nilang pinandidirihan ng lahat at saka niya ito kinausap para maliwanagan.

Ngayon lumabas ang katotohan na halos tatlong araw nang binawian ng buhay ang limang taong anak ni Juanita dahil sa pneumonia at mataas na lagnat. Nanggaling na ito sa ospital ngunit dahil sa kawalan ng pera ay pinauwi sila at wala siyang nagawa kung ‘di iuwi ang naghihingalo niyang anak. Nasa labas siya noon upang maghagilap ng perang pampagamot sa bata ngunit nang makauwi siya ay wala nang buhay ang kaniyang anak. Hindi niya alam saan siya hihingi ng tulong kahit sa pagpapalibing dahil alam niyang pinandidirihan siya ng lahat sa lugar na iyon. 

Parang napunit ang puso ni Jasmin nang marinig ito dahil isa rin siyang ina at alam niya ang sakit na mawalan ng anak. Mas lalo pa siyang nakonsensya dahil isa siya sa mga taong nandiri noon sa babae. Nung araw din na iyon ay ipinagbigay alam ni Jasmin sa barangay ang kalagayan ni Juanita at nagtulong-tulong silang lahat upang mapalibing ang anak ng babae.

Alam ni Jasmin na hindi magiging madali ang pagbangon ng babae at para sa kaniya ay naging aral ito na dapat hindi binabalewala ang isang tao kahit ano pa man ang kalagayan nito dahil hindi natin alam kailangan na pala nila ng tulong. Simula noon ay tinulungan din niya si Juanita na mapagamot ang sakit nito sa balat sa tulong ng mga opisyal sa kanilang lugar. Doon din nagsimula ang grupo ni Jasmin na mangumusta sa mga kapitbahay nila na tila ba nababalewala na ng marami at sinisigurado na kahit mga simpleng tao o chismosa lamang ang turing sa kanila ay hindi na mauulit ang insidenteng sinapit ni Juanita.