Inday TrendingInday Trending
Pinangarap ng Babae na Magkaroon ng Malaki at Magandang Bahay; Nang Magkaroon Siya Nito ay Bakit Malungkot pa rin Siya?

Pinangarap ng Babae na Magkaroon ng Malaki at Magandang Bahay; Nang Magkaroon Siya Nito ay Bakit Malungkot pa rin Siya?

Sa kalye kung saan nangungupahan si Lorna ay doon din nakatirik ang napakaganda at napakalaking bahay na madalas niyang titigan kapag napapadaan siya roon.

Madalas din niyang nakikita ang pamilyang nakatira roon na laging masaya kaya hindi niya maialis sa kaniyang sarili na mangarap at sumumpa na balang araw ay magkakaroon din siya ng ganoong bahay.

“Kahit mahirap lang ako, eh, matalino naman ako, maganda pa at masipag. May puhunan ako para maabot ang aking pinapangarap. Darating ang araw ay magkakaroon din ako ng bahay na mas maganda at mas malaki pa sa bahay na iyon,” sabi niya sa isip.

Lumaking sanay sa pag-iisa si Lorna. Sa edad na katorse ay lumuwas siya sa Maynila at iniwan ang sariling pamilya sa probinsya upang makipagsapalaran. Dahil nga sa matalino ay nakakuha siya ng scholarship sa isang kilalang unibersidad at kumuha ng kursong medisina. Hindi naging hadlang ang kahirapan sa pag-aaral niya, naging working student siya sa gabi at sa umaga ay pumapasok siya sa klase. Hangang-hanga sa kanya ang mga kaklase niya at mga guro dahil sa katalinuhan niya at kasipagan.

“Wow, congrats, Lorna, ikaw ang Summa Cum Laude sa batch natin!” masayang bati ng kaklase niyang si Lyn.

“Nakakabilib ka talaga! Biruin mo, napagsabay mo ang pagtatrabaho sa gabi at pag-aaral sa umaga? Eh, kung tutuusin ay napakahirap ng kurso natin samantalang minamani mo lang,” sabad pa ng kaklase niyang si Venus.

“Salamat sa inyo. Kailangan kong maging masipag sa pag-aaral dahil may pangarap akong nais makamtan at ang pangarap na iyon ay malapit ko nang maabot,” tugon ni Lorna sa mga kasama.

Nakapagtapos siya ng pag-aaral at naging ganap na doktor. Tuwang-tuwa ang kaniyang pamilya sa narating niya ngunit tila nalimutan na niya ang mga ito. Mula nang nagkaroon ng trabaho ay hindi na siya bumalik o bumisita man lang sa kanilang probinsya. Kahit buhay pag-ibig ay iniwasan niya, kahit maraming lalaki ang nanliligaw sa kanya ay hindi niya pinauunlakan. Nakatulong pa nga ang kanyang pag-iisa para tumutok lamang sa trabaho at pagpapayaman.

‘Di nagtagal ay nakapagpatayo siya ng maganda at malaking bahay na mala-mansyon ang dating. Mas malaki iyon at mas maganda kaysa sa bahay na kinaiinggitan niya noon.

“Ito na ang katas ng aking pagsusumikap! Ang bahay na pinapangarap ko lang noon, ngayon ay naitayo na at aking akin na,” tuwang-tuwang sambit ni Lorna habang pinagmamasdan ang malaki niyang bahay na punumpuno ng magagandang kasangkapan at mamahaling muwebles.

Ilang araw pa lang siyang nakatira sa bahay niya’y nakaramdam na siya ng kakaiba. Nagtataka siya kung bakit hindi lubos ang kasiyahan niya?

“Bakit nakakainip? Bakit ibang-iba ang pakiramdam ko sa malaking bahay na ito? Kung dati’y kapag pinagmamasdan ko ang pamilyang nakatira sa hinahangaan kong maganda at malaking bahay na malapit sa inuupahan kong boarding house, eh, masayang-masaya sila, pero bakit ako na nagkaroon na rin ng malaki at magandang bahay ay bakit hindi ako makaramdam ng buong kasiyahan? Parang may kulang…” bulong niya sa sarili.

Dahil nalulungkot at naiinip ay naisipan ni Lorna na lumabas at maglakad-lakad sa subdivision na kinaroroonan niya. Napukaw ang tingin niya sa maliit at simpleng bahay na nakatirik malapit sa bahay niya. Nakita niya ang isang pamilya na nakatira roon na masayang nagtatawanan at nagkakantahan. Sa tingin niya ay may okasyon na nagaganap doon.

“Buti pa sila, masaya, samantalang ako, malungkot at nag-iisa,” sambit niya sa sarili.

Sa isip ni Lorna ay sa maliit at simpleng bahay na iyon naman siya naiinggit. Mayroon nga siyang maganda at mala-mansyon na bahay, mag-isa naman siyang nakatira roon at walang kasama. Wala siyang makausap, makakuwentuhan, ‘di tulad ng pamilya na nakatira sa maliit na bahay na nagkakasiyahan kahit simple lang ang pamumuhay.

Alam na niya kung ano ang kulang sa buhay niya, kung bakit nalulungkot siya kaya agad niyang tinawagan ang nanay, tatay at mga kapatid niya. Pinaluwas niya ang mga ito sa Maynila at pinatira na rin niya sa malaki at maganda niyang bahay.

“Ang ganda ganda naman ng bahay mo anak at ang laki-laki!” tuwang-tuwa sabi ng nanay niya.

“Malayo na talaga ang narating mo, anak, isa ka ng doktora. Ipinagmamalaki ka namin,” wika naman ng kanyang tatay.

“Dito na rin ba kami titira, ate?” tanong ng isa sa mga kapatid niya.

“Simula ngayong araw ay dito na kayo titira. Patawarin niyo ako kung ngayon ko lang naisip na mas masaya pala kapag narito kayo. Akala ko kasi noon ay magiging mas masaya kung mag-isa lang ako sa buhay at malayo sa inyo. Mas magiging lubos pala ang kaligayahan ko kapag kasama ang mga taong nagmamahal sa akin. Naging makasarili ako at maramot, naabot ko nga ang aking pangarap ngunit hindi ko naman kayo isinama at kinalimutan ko kayo. Mahalaga pala na kasama ang pamilya kaysa anupaman,” tugon ni Lorna sabay umagos na ang luha sa mga mata.

Mahigpit na yakap ang iginanti sa kanya ng nanay, tatay at mga kapatid niya.

“Kalimutan na natin iyon, anak. Ang mahalaga ay natuto ka na sa iyong pagkakamali. Narito na kami, hinding-hindi ka namin iiwan, hindi ka na mag-iisa,” sagot ng nanay niya.

Napagtanto ni Lorna na hindi pala ang malaki at magandang bahay noon ang kinaiinggitan niya kundi ang pamilyang kumpleto, masaya at sama-sama sa bahay na iyon. Mas mahalaga pa rin na kasama ang pamilya sa hirap at ginhawa.

Advertisement