Inday TrendingInday Trending
Nakapulot ang Batang Basurero ng Antigong Locket; ‘Di Niya Akalaing Iyon na Pala ang Swerte Niya

Nakapulot ang Batang Basurero ng Antigong Locket; ‘Di Niya Akalaing Iyon na Pala ang Swerte Niya

Mahilig mamulot ng mga basura ang batang si Goyong at ang mga nakukuha niya ay ibinebenta niya sa junkshop para may pambili siya ng makakain.

Sa edad na walong taon ay sanay na sanay na sa siya sa lansangan. Mula nang maagang pumanaw ang mga magulang ay mag-isa na niyang binubuhay ang sarili sa pangangalakal ng basura.

Pero kahit ganoon ang kanyang buhay ay malaki ang pangarap ni Goyong.

“Narito na naman si Goyong na mapangarapin. Hoy, hindi ka nga nakakapag-aral, eh, tapos sasabihin mo balang araw ay magiging mayaman ka? Nababaliw ka na,” natatawang sabi ng isa sa mga batang kalye na kasama niya sa pagbabasura.

“Wala namang masamang mangarap a! Naniniwala ako na yayaman ako paglaki ko,” giit ni Goyong.

“Hay naku, ang mabuti pa ay gumising ka na sa panaginip mo, hindi mangyayari ang iniisip mo. Habang buhay ka na lang na mamumulot ng basura sa kalye gaya namin,” pang-aasar ng kasama.

“Ipapakita ko sa inyo na mali kayo, magiging mayaman ako pagdating ng tamang panahon,” sambit pa niya.

Tumawa nang ubod lakas ang kasama niyang batang kalye.

“Bahala ka na nga. Libre lang naman ang mangarap ‘di ba, iyon nga lang hanggang pangarap na lang ang pangarap mo,” anito.

Hindi na lamang niya pinansin ang sinabi ng kasama, basta para sa kanya ay matutupad ang pangarap niya at walang makapipigl dito., pero bigla siyang napaisip.

“Paano nga ba mangyayari iyon?” biglang tanong niya sa isip. “Mukhang tama si Totoy, a! Paano ako yayaman kung hindi naman ako nakapag-aral?” aniya pa sabay kamot sa ulo.

Maya-maya ay napansin niya na kalat na ang dilim. Kailangan na niyang ibenta sa junkshop ang mga nakuha niyang basura para magkaroon siya ng pagkain para sa hapunan. Habang inaayos niya ang mga nakalakal ay may napansin siyang kakaibang bagay na kasama sa mga basura sa plastik.

“Teka, ano kaya ito?”

Nang pagmasdan niyang mabuti ay laking gulat niya dahil isa pala itong antigong locket.

“Kwintas yata ito a!”

Binuksan niya ang locket at may nakita siyang litrato ng isang sanggol.

“Baby! S-sino kaya ang baby na ito? Sa tingin ko ay mayroong may-ari ng kwintas na ito. Kawawa naman ang may-ari nito, baka anak niya ang nasa litrato. Ang mabuti pa ay akin na muna ito, ipagtatanung-tanong ko na lang kung sino ang may-ari nito. Mukhang mamahalin pa naman, tiyak na mahalaga ito dun sa may-ari,” sambit ni Goyong sa isip.

Mula nang mapasakanya ang locket ay isinabit na niya ito sa kanyang leeg. Sa tuwing nangunguha siya ng basura sa kalye ay nagtatanung-tanong siya sa mga taong nakakasalubong niya, baka sakaling isa sa mga ito ang may-ari sa napulot niyang locket.

“Miss, sir, mama, ale, baka nawalan po kayo ng kwintas? Baka po kayo ang may-ari nito?” paulit-ulit niyang tanong sa mga taong nakikita niya sa daan.

Ngunit kapag natatapos ang araw ay palagi siyang bigong makita ang may-ari ng napulot niya. Ni walang nagkainteres sa locket na suot niya dahil sa tingin pa nga ng iba ay mukha itong peke at hindi totoong antigo.

“Gusto ko talagang isauli ito sa kung sino man ang may-ari nito. Nararamdaman ko na mahalaga ito sa kanya,” wika niya sa sarili habang pinagmamasdan ang locket.

Kinaumagahan, maagang nanguha ng basura si Goyong. Napadaan siya sa palengke, nakabanggaan pa nga niya ang isang matandang babae na kanina pa may hinahanap sa tumpok ng mga basura sa gilid ng kalsada.

“Sorry po, miss. Hindi ko po sinasadya,” magalang niyang sabi.

“Naku, pasensya ka na rin, hijo. Nasaktan ka ba? May hinahanap lang ako rito. Dito ko kasi itinapon iyon, eh, pero narealize ko na hindi ko pala dapat ginawa iyon,” sagot ng matanda.

“Ano po na ang itinapon niyo?” tanong niya.

“Yung locket ng anak ko, mahalaga kasi iyon sa kanya, eh. Nagsisisi ako kung bakit ko itinapon iyon, pinagsisisihan ko na,” sambit ng matanda na di na napigilang mapaluha.

Napaisip si Goyong tila alam ang tinutukoy ng kausap.

“I-ito po ba ang hinahanap niyo?” tanong niya saka ipinakita ang locket na nakasuot sa leeg niya.

Nanlaki ang mga mata ng matanda sa sobrang tuwa.

“Iyan nga, hijo, iyan nga ang locket ng anak ko! Paano napunta ito sa iyo?”

“Napulot ko po ‘yan sa basurahan habang nanguguha po ako ng aking maikakalakal. Sinadya ko po talagang kunin at itago para kung may maghanap ay maisauli ko po,” sagot ni Goyong.

Dali-dali siyang niyakap ng matanda na nagpakilalang si Donya Rebeca.

“Diyos ko, maraming salamat, hijo at ikaw ang nakapulot nito. Ang anak kong babae na si Luisa ang may-ari ng locket na ito. Maaga siyang naging ina dahil maaga siyang umibig sa maling tao. Matapos mabuntis ay iniwan ng isang walang kwentang lalaki ang aking anak at ang naging bunga ay ang sanggol na nasa litrato,” sabi ng matanda sabay turo sanggol na nasa locket. “Ang sanggol na iyan ay ang aking apo. Matapos na makapanganak ay nagkaroon ng sakit sa pag-iisip ang anak ko hanggang sa iwinala niya ang sariling anak, ang aking apo. ‘Di nagtagal ay binawian din siya ng buhay. Ang akala ko nga ay gagaling siya, kaya nga ibinigay ko sa kanya ang antigong locket na may litrato ng kanyang anak upang kapag nakita niya ay muling bumalik sa dati ang pag-iisip niya ngunit ‘di ko akalain na…”

Hindi na itinuloy pa ng matanda ang pagkukuwento at mas lalong napahagulgol. “Kaya nang mawala ang aking anak ay naisip kong itapon na rin ang locket na ‘yan, pero napagtanto ko na iyon na lang ang alaala niya sa akin at ng aking apo na hindi ko na nahanap pa. Kaya nagbabakasakali akong makikita ko ulit ito dito kung saan ko itinapon,” saad pa ng matanda.

Napaiyak na rin si Goyong.

“Ang lungkot po pala ng buhay ng inyong anak, kayo rin po lola, ang lungkot din. Huwag po kayong mag-alala, ibinabalik ko na po ‘yan sa inyo,” sabi ng bata.

Tuwang-tuwa ang matanda nang iabot ni Goyong ang locket.

“Maraming salamat, hijo. Hulog ka ng langit sa akin. Teka, saan ka ba nakatira at ihahatid na kita sa inyo?” tanong nito.

“Wala po akong sariling bahay, ulila na po kasi ako sa mga magulang at mag-isa na lamang na nabubuhay sa kalye. Pero doon po ako natutulog sa ilalim ng tulay na malapit sa simbahan.

Isinama ni Goyong si Donya Rebeca sa kanyang tulugan, nang makarating doon ang matanda ay may nakita itong mahalagang bagay.

“S-saan mo napulot ito?” tanong nito na hawak-hawak ang binurdahang lampin na may disenyong letrang J.

“Sabi po ng nanay at tatay ko nung nabubuhay pa sila, iyan daw po ang nakabalot sa akin nang mapulot nila ako sa tambak ng basura. Mula po noon ay inampon nila ako at itinuring na tunay na anak,” sagot ni Goyong.

“Diyos ko, hindi ako maaaring magkamali, ang binurdahang lampin na ito ay ang lamping ibinalot ng aking anak sa aking apo noon. Ang disenyong letrang J na nakaburda dito ay ang ang inisyal ng pangalan ng aking apo na si Joseph,” hayag ng matanda. “Ibig sabihin, i-ikaw ang nawawala kong apo?”

Upang makasiguro ay ipina-DNA test ni Donya Rebeca si Goyong at laking gulat niya nang malaman ang resulta, ang bata nga ang kanyang nawawalang apo na iwinala ng kanyang yumaong anak.

‘Di makapaniwala si Goyong na sa isang iglap ay nagbago ang buhay niya. Apo pala siya ng mayamang si Donya Rebeca. Bigla niyang naalala ang sabi niya noon na magiging mayaman siya, laking pasasalamat niya sa Diyos at natupad ang pangarap niya.

Mula noon ay namuhay na masaya ang maglola. Nakapasok na sa eskwelahan si Goyong at dahil doon ay makakamit na niya ang mas mataas pa niyang pangarap, ang makatapos sa pag-aaral upang mas lalo pang maging maganda ang kanyang hinaharap.

Advertisement