
Walang Habas na Pinagtawanan ng Waitress ang Kustomer na Panot; Nang Muli Silang Magtagpo ay Wala na Siyang Mukhang Ihaharap
Isang buwan pa lang sa pinagtatrabahuhang restawran si Jackie samantalang isang taon na roon ang kasama niyang si Precy.
Working student si Jackie na nag-aaral sa umaga at sumasabak sa pagiging waitress pagsapit ng gabi. Pinagbubutihan niya talaga ang trabaho dahil malaking tulong ang sinasahod niya para sa pag-aaral lalo’t isang taon na lang ay makakagradweyt na siya.
Ang mas matagal na sa kanya na si Precy ay wala nang balak pang bumalik sa ekswela, ang tanging hangad nito ay ang ma-promote sa trabaho bilang supervisor.
“Kapag tumaas na ang posisyon ko’y mas lalaki na ang sahod ko, hindi ko na kailangan ang aral, aral na iyan. Kaya nga araw-araw ay nag-o-overtime ako para mapansin na ako ng boss natin at ipromote ako,” wika ng dalaga.
“Bilib nga ako sa iyo, napakasipag mo sa trabaho, kahit hindi nakatoka sa iyo ay ginagawa mo. Mabilis ka ngang mapo-promote niyan,” tugon naman Jackie sa kasama.
Naputol ang kanilang usapan, nang may pumasok na kustomer sa loob ng restawran. Isa itong may edad na lalaki na may katabaan, ngunit biglang napahagalpak ng tawa si Precy nang makitang ang lalaki ay isa palang panot.
“Ay panot!” bungisngis ng dalaga.
Sinaway siya ni Jackie.
“Uy, huwag ka ngang ganyan, baka mamaya marinig ka, eh. Kustomer pa rin ‘yan.”
Ngunit kahit pinagsabihan na ay patuloy pa rin sa pagtawa si Precy. Naisip pa ng dalaga na ito na ang kukuha ng order ng lalaking panot.
“Pssst, Precy anong binabalak mo?” tanong ni Jackie.
“Ako na ang kukuha ng order ng panot na iyon,” natatawang sabi ng dalaga.
Masipag sa trabaho si Precy, pero may ugali siya na mahilig mamahiya sa kapwa lalo na sa mga may kapintasan.
Nilapitan ni Precy ang kustomer.
“Good evening, sir, ano pong order niyo?”
“Bigyan mo nga ako ng isang order ng mami, isang order ng fried chicken at isang basong pineapple juice,” sagot ng lalaki.
Mas lalong hindi napigilan ni Precy ang sarili sa pagtawa nang makita ng malapitan ang ulo ng lalaki.
“Ang pangit naman ng pagka-panot ng tabachoy na ito,” mahina niyang sabi.
Pero tila malakas ang pandinig ng lalaking kustomer.
“May sinasabi ka ba hija?”
“A, eh, wala po. Ang sabi ko po kung may iba pa po kayong order?” aniya na hindi pa rin maiwasan ang pagtawa.
Kumunot ang noo ng kustomer.
“Teka, miss, ano bang nakakatawa? Kanina ko pa napapansin na habang kausap kita ay panay ang tawa mo?” tanong nito sa seryosong tono.
“A, eh, pasensya na po sir, p-pero ano po ba ang shampoo niyo?” pabirong tanong ni Precy sa kustomer.
Doon na nag-init ang ulo ng lalaki.
“I-iniinsulto mo ba ako, miss? Anong shampoo ang pinagsasasabi mo?” inis nitong tanong na ‘di napigilang mapahawak sa ulo.
Mas lalong humagalpak ng tawa si Precy na ikinagalit na ng lalaki.
“Anong karapatan mo para pagtawanan ako?” tanong nito na napatayo na sa upuan.
Dahil nakita ni Jackie na may tensyon na ay dali-dali niyang nilapitan ang dalawa.
“Sir, sir, pagpasensiyahan niyo na po siya, palabiro lang po kasi ang kasama ko. Ako na lamang po ang kukuha ng order niyo,” magalang niyang sabi.
Biglang umaliwalas ang mukha ng kustomer.
“Mabuti pa nga, miss. Pakisabi sa kasama mo na ang bastos niya. Hindi niya dapat pinagtatawanan ang kapintasan ng kanyang kapwa,” sabi ng lalaki.
Imbes na humingi ng tawad sa ginawa ay basta na lamang umalis si Precy na hawak pa rin ang bibig dahil sa hindi mapigil ang pagtawa sa panot na kustomer.
Napailing na lamang si Jackie sa inasal ng kasama.
Panatag naman si Precy na hindi iyon makakarating sa may-ari ng restawran, bukod kasi sa ilag sa kanya ang mga kasama ay paborito rin siya ng may-ari.
Si Jackie ang nagbigay serbisyo sa may edad na lalaki. Maayos na naibigay ng dalaga ang lahat ng order nito.
“Maraming salamat, hija. Mabuti ka pa, maganda ang pag-aasikaso mo sa akin at ‘di gaya nung kasama mo. Anong pangalan mo?” taong ng kustomer.
“J-Jackie po,” sagot ng dalaga.
“Salamat ulit. Gusto ko sa susunod kong pagpunta rito ay ikaw ulit ang magse-serve sa akin ha?”
“Sige po, babalik po kayo ha? Always welcome po kayo rito sa amin,” wika pa ni Jackie.
Nang sumunod na araw ay bumisita ang may-ari ng restawran. Kinausap nito sina Jackie at Precy.
“Kumusta naman kayo rito? Wala ba kayong nagiging problema?” tanong ng may edad na babaeng may-ari.
Mabilis na sumagot si Precy.
“Wala naman po, ma’am. Sa katunayan nga po ay napakarami nating kustomer dahil po sa maganda at maayos naming serbisyo,” tugon ng dalaga.
Pinili na lamang ni Jackie na manahimik kahit alam niya na nangsisinungaling ang kasama.
“Mabuti naman kung ganoon, tama nga ang sinabi sa akin ng kaibigan ko. May bisita tayo ngayon, pupunta rito ang bestfriend ko, gusto niya raw ulit kumain dito dahil maayos ang serbisyo ng staff,” wika ng may-ari.
Maya-maya ay dumating na ang sinasabing bisita ng kanilang amo. Laking gulat nina Jackie at Precy nang makilala ito.
“O, narito na pala siya,” sambit ng may-ari.
“Magandang umaga, friend. Excited na akong kumain ulit dito sa restawran mo,” sabi ng may edad na lalaki na nakatingin sa dalawang waitress.
Ipinakilala ng amo ang kaibigan.
“Siya ang bestfriend ko, si Atty. Manuel Cordero, siya ang sinasabi ko sa inyo,” wika ng babae.
Tila napipi sina Jackie at Precy, kinakabahan na ang dalawa dahil ang matalik na kaibigan na tinutukoy ng kanilang amo ay ang lalaking panot na pinagtawanan ni Precy.
“Bumalik ako rito kasi nagustuhan ko ang serbisyo ng isa sa mga staff mo. Jackie ang pangalan niya,” sambit ng lalaki na muling sinulyapan ang dalaga. “Isusumpa ko na sana ang restawran mo, eh dahil sa isang staff mo na pinagtawanan ako’t ipinahiya dahil sa napapanot kong ulo, ang babaeng iyon ay siya, walang modo,” saad pa ng lalaki na itinuro si Precy.
Laking pagkapahiya ni Precy nang harap-harapan siyang isinumbong ng pinagtawanan niyang kustomer sa kanilang amo.
“Buti na lang at inasikaso ako nang maayos nitong mabait at masipag mong staff na si Jackie kundi ay nasira ang araw ko sa bastos na babaeng ‘yan,” dagdag pa ng lalaki na panay ang duro kay Precy.
Sa sobrang kahihiyan ay nagtatakbong lumabas sa restawran ang dalaga at hindi na bumalik pa. Wala na kasi itong mukhang maihaharap sa kanilang amo matapos ng ginawa nito. Hindi naman makapaniwala ang babaeng may-ari na nagawa iyon ng isa sa pinagkakatiwalaan nitong staff, balak na sana nitong ipromote bilang supervisor ang dalaga pero nabalewala lang pala dahil sa kagaspangan ng ugali.
Dahil naman sa magandang serbisyong ipinakita ni Jackie ay siya ang na-promote sa trabaho. Naging kaibigan din ng dalaga si Atty. Cordero na tinulungan pa siya na makatapos sa kolehiyo.
Ipinakita sa kuwento na ang pagkakaroon ng mabuting asal ay may kalakip na gantimpala at ang mga mapanghusga sa kapwa ay karma naman ang naghihintay.