
Labis na Isinusumpa ng Dalaga ang Kinakasama ng Kaniyang Ina; Grabe Pala ang Sakripisyo Nito sa Kanila
“Isinusumpa ko ang lalaking iyon, inay!” galit na galit na sabi ni Criselda na ang tinutukoy ay ang kinakasama ng kanyang ina na si Damian.
Mula kasi nang pumanaw ang ama ay nakahanap na agad ng bagong karelasyon ang inang si Cora.
Manikurista sa isang parlor ang nanay niya at ang kinakasamang si Damian ay kargador naman sa palengke. Masipag naman ang lalaki at nakikita niyang mahal na mahal nito ang nanay niya, pero ang hindi niya matanggap ay ang bigla nitong pagpasok sa buhay nila. Iniwan ng nanay niya ang kanyang ama dahil sa lalaking ito kaya ang resulta, maagang pumanaw ang tatay niya.
“Anak, kailan mo ba matatanggap ang Tatay Damian mo? Kahit kailan ay wala siyang masama o pangit na ipinakita sa iyo. Bigyan mo naman siya ng pagkakataon,” sabi ng inang si Cora.
Sinimangutan lang niya ito.
“Hmp! Bakit sino ba siya? Eh, parang kabute lang naman siyang tumubo sa buhay natin. Hindi ko naman siya tunay na ama, si tatay pa rin ang itinuturing kong ama at hindi ang lalaking iyon. Kahit kailan ay hindi ko siya matatanggap bilang ama. Kinamumuhian ko siya, bakit pa kasi dumating siya sa buhay natin, inay, maayos naman tayo kahit wala siya,” aniya.
“Tumigil ka, Criselda. Tigilan mo na ang mga masasakit na salita laban sa Tatay Damian mo, hindi mo alam ang lahat ng sakripisyo niya,” sagot ng ina.
Inangilan lang ng dalaga ang nanay niya saka padabog na lumabas sa bahay nila.
“Kapag nakatapos ako sa kolehiyo ay aalis na ako sa bwisit na bahay na iyon,” pabulong na sabi ng dalaga habang naglalakad palayo.
Nang makaalis si Criselda ay siya namang dating ni Damian.
“O, nakita ko ang anak mo, nakasimangot na naman. Napagalitan mo na naman ba?” tanong ng lalaki.
Umiling si Cora.
“Hindi ko na alam ang gagawin sa batang iyon,” sambit niya.
“Bakit na naman?” tanong ulit ni Damian.
“W-wala, umiral na naman ang katigasan ng ulo,” pagsisinungaling ni Cora.
“Kausapin mo kasi nang maayos ang bata, hindi ‘yung dinadaan mo lagi sa inis. Hindi nga kayo niyan magkakaintindihan,” tugon ng kinakasama.
Sa isip ni Cora ay napakasuwerte niya talaga kay Damian. Kung alam lang ng lalaki na ito ang dahilan kung bakit sila nagtalong mag-ina. Hindi na lamang niya sinabi upang hindi na mag-alala pa si Damian.
Samantala, nakaisip na ng magandang plano si Criselda upang mawala sa buhay nilang mag-ina si Damian. Sa gagawin niya ay tiyak na hindi na ito makakalapit sa kanila.
“Sisiguruhin kong hindi na niya kami magugulo pa,” nakangising sabi ng dalaga sa isip.
Nang sumunod na araw ay isinakatuparan niya ang balak. Pumunta siya sa istasyon ng pulis at nagreklamo.
“Maniwala po kayo sa akin, sir, pinagtangkaan po akong pagsamantalahan ng kinakasama ng nanay ko. Ilang beses na niya pong ginagawa iyon, mabuti na lang at palagi akong nakakatakas. Kailangan ay madakip niyo na siya sa lalong madaling panahon,” sumbong ng dalaga sa mga awtoridad.
Siniraan niya si Damian, sinabi niya na many*kis ito at may masamang tangka sa kanyang pagkababae. Naniwala naman ang mga pulis sa salaysay niya kaya nagmamadali ang mga itong pumunta sa bahay nila upang hulihin ang lalaki.
Gulat na gulat naman ang nanay niya at si Damian nang sumugod ang mga pulis.
“Ano pong ibig sabihin nito?” tanong ni Damian.
“Inaaresto ka namin sa sala na tangkang pagsasamantala sa anak ng iyong kinakasama,” wika ng isang pulis.
“Ano?!”
Ipinagtanggol naman ni Cora ang kinakasama.
“Nagkakamali po kayo, hindi po ganoong klaseng tao si Damian. Sino po ang nagsabi sa inyo? Ang anak ko po bang si Criselda?” tanong ng babae.
Hindi na nakatiis ang dalaga at hinarap ang ina.
“Oo, inay, ako nga. Ako ang nagsabi sa mga pulis na masamang tao ‘yang lalaking ‘yan! Bakit, inay? Hindi ka naniniwala na pinagtangkaan niya akong galawin? Sarili mong anak, ginagawa mong sinungaling?” sabi ni Criselda sa ina.
“Bakit mo ito ginagawa, anak? Walang kasalanan sa iyo ang Tatay Damian mo, bakit mo siya sinisiraan at ginagawan ng kwento? Mahiya ka naman sa kanya,” sambit ni Cora.
Napahalakhak si Criselda sa tinuran ng ina.
“So, mas ipinagtatanggol mo talaga siya, inay? Ako na sarili mong anak ayaw mong paniwalaan. Wala ka talagang kwentang ina,” matigas na sabi ng dalaga.
Hindi na natiis pa ni Cora ang sarili at sinampal ng ubod lakas ang anak.
“Hindi talaga kita paniniwalaan dahil ikaw ang nagsisinungaling. Dapat nga ay magpasalamat ka sa Tatay Damian mo kundi dahil sa kanya ay maayos na ang buhay natin, dahil sa kanya ay nakalaya tayo sa kalupitan ng iyong ama, dahil sa kanya ay may pag-asa nang maabot ang mga pangarap mo,” hayag ng ina.
Napatigil si Criselda.
“A-anong ibig mong sabihin, inay?”
Hindi na napigilang mapaluha ni Cora.
“Si Damian talaga ang unang lalaki sa buhay ko, inagaw lang ako sa kanya ng tatay mo. Nagpaubaya si Damian sa iyong ama na matalik niyang kaibigan. Dahil ambisyosa ako noon ay pinili kong pakisamahan ang tatay mo na akala ko’y dahil mas maganda ang trabaho niya ay magiging maginhawa ang aking buhay iyon pala ay impyerno ang daranasin ko sa piling niya, palagi niya akong sinasaktan kapag nalalasing siya. Nang minsang naka-inom ang iyong ama ay pinagtangkaan ka niyang pagsamantalahan, mabuti na lamang at dumating ako at agad kitang nailayo sa kanya. Nagpatulong ako kay Damian para tuluyan tayong makatakas sa malupit mong ama. Mula noon ay nagsama na kami, itinuring ka niyang tunay na anak. Isang taon ang lumipas nabalitaan na lang namin na nagkaroon ng malubhang sakit ang iyong ama na naging dahilan ng kanyang pagpanaw kaya nagpapasalamat ako sa Tatay Damian mo dahil tinanggap niya tayo bilang kanyang pamilya, at isa pa sa ipinagpapasalamat ko sa kanya ay ang pagpapaaral niya sa iyo sa kolehiyo,” bunyag ng ina.
Halos hindi nakagalaw sa kinatatayuan niya si Criselda.
“A-ano p-po?” nauutal niyang tanong.
“Ang Tatay Damian mo ang nagtataguyod sa iyong pag-aaral, anak. Hindi galing sa akin ang perang ibinibigay ko sa iyo para sa baon mo, pamasahe at pangmatrikula. Ang perang iyon ay mula sa sariling bulsa niya. Gusto niya kasi na matupad mo ang pangarap mo na makatapos sa kolehiyo, mahal na mahal ka niya kahit hindi ka niya kadugo. Maawa ka sa kanya, anak, napakabuti niyang tao,” sambit pa ni Cora na di na napigilang mapahagulgol.
Hindi na rin natiis ni Criselda ang maantig sa katotohanang sumambulat sa kanya, na ang kinamumuhian niya at isinusumpang tatay-tatayan ay ang tunay palang nagmamahal at malaki ang sakripisyo sa kanilang mag-ina, lalo na sa kanya na nagawa pa nitong igapang siya sa kolehiyo kahit pagiging kargador lang ang hanapbuhay nito. Pinagsisihan niya na muntik nang masira ang buhay ng isang taong wala namang kasalanan.
Sa puntong iyon ay ipinagtapat na niya ang totoo sa mga awtoridad na gawa-gawa lamang niya ang reklamo laban sa kinakasama ng kanyang ina. Paluhod siyang humingi ng tawad sa kanyang Tatay Damian at sa nanay niya. Imbes na magalit ay pagtanggap pa rin, pag-unawa at pagpapatawad ang isinukli sa kanya ni Damian at ng inang si Cora.
Buhat noon ay tinanggap at minahal na niya si Damian bilang kanyang ama. Makalipas ang isang taon ay nagpakasal ang nanay niya at kanyang tatay-tatayan. Naging masaya na ang kanilang pamilya at kinalimutan na ang mga malulungkot at masasakit nilang pinagdaanan.