Inday TrendingInday Trending
Panay lang ang Pagpapadala Niya ng Pagkain at Regalo sa Nililigawang Dalaga; Bakit kaya Ayaw Niyang Humarap sa Pamilya Nito?

Panay lang ang Pagpapadala Niya ng Pagkain at Regalo sa Nililigawang Dalaga; Bakit kaya Ayaw Niyang Humarap sa Pamilya Nito?

Ginagamit ng binatang si Ronjie ang taba ng kaniyang bulsa upang makuha ang puso ng nililigawang dalagang nakilala niya sa isang dating application at ang permiso ng pamilya nito.

Halos araw-araw siyang nagpapadala ng bulaklak para sa dalaga, sandamakmak na mamahaling pagkain para sa pamilya nito katulad ng pizza, cake, lutong ulam na hipon, pusit, o alimango at ilan pang mga gamit na makakabigay ng kasiyahan sa mga ito.

Sa tuwing may nalalaman pa siyang paboritong pagkain o gustong gamit ng isa sa mga kapatid ng dalaga, agad niya iyong binibili at pinapadala sa bahay nito.

Sa katunayan, nang malaman niyang pangarap ng bunsong kapatid ng dalaga na magkaroon ng nauusong mamahaling bisikleta, hindi siya nagdalawang isip na bumili nito at agad na pinadala rito.

“Ronjie, hindi mo naman kailangang tugunan lahat ng luho ng pamilya ko. Nakakahiya na sa’yo, ang mahal kaya nito. Kayang-kaya naman ‘to pag-ipunan ng kapatid ko. Hindi ba’t alam mo naman na nagtatrabaho na ‘yon kasabay ng pag-aaral niya?” sabi ng dalagang si Hannah, nang siya’y biglang tawagan nito.

“Ayos lang ‘yan, Hannah, para tumatak ako sa isip at puso ng pamilya mo. Hindi na nga ako nakakapunta riyan, eh, pagbabawalan mo pa akong magbigay sa kanila,” sagot niya habang nakatanaw sa magandang tanawin ng siyudad sa kaniyang opisina.

“Bakit ba kasi ayaw mong magpunta rito?” tanong nito na ikinataranta niya.

“Ano? Hello, Hannah? Nagpuputol-putol ‘yong boses mo, teka, ibaba ko na ang tawag, ha?” pagsisinungaling niya saka agad na binaba ang tawag at napahinga ng malalim.

“Bakit ba kasi ayaw mong manligaw sa bahay nila? Puro ka lang pagpapadala ng kung anu-ano. Nasaan ang sinseridad at pagmamahal doon, hijo, nasa pera at regalo?” sabat ng kaniyang ama na nakikinig pala sa kanilang usapan.

“Natatakot po akong baka mapahiya ako roon, daddy. Baka paghindian o bugb*gin ako ng tatay niya. Balita ko po kasi, barumbado raw iyon at palaging nasasangkot sa away noong kabataan niya,” kwento niya sa ama na ikinatawa nito.

“Bakit, may masama ka bang balak sa anak niya?” tanong nito.

“Wala po, syempre, gustong-gusto ko po si Hannah. Kung pwede nga lang na ikasal na kami agad, eh,” agad niyang sagot.

“Iyon naman pala, eh, edi wala kang dapat na ikatakot! Maging totoo ka lang sa intensyon mo, siguradong kahit anong tikas ng tatay niya, lalambot ‘yon kapag nakita niya ang sinseridad mo,” payo nito saka siya kinindatan at tinapik-tapik sa kaniyang likuran.

Dahil sa sinabing iyon ng kaniyang ama, nakalikom siya ng lakas ng loob kaya siya’y nagdali-daling magpunta sa bahay ng dalaga.

“Bahala na,” tangi niyang sabi saka kumatok sa pintuan ng bahay nito.

Siya’y biglang tumiklop nang makita niyang ang tatay ng dalaga ang nagbukas ng pintuan.

“Ah, eh, magandang hapon po,” kinakabahan niyang sabi.

“Mabuti naman, nagpakita ka na sa akin. Ipapatigil ko na sana ang panliligaw mo sa anak ko dahil puro ka lang padala ng kung anu-ano, eh. Hindi ko kailangan lahat ‘yon, hijo, ang kailangan ko, makita at makilala ang binatang gustong mapaibig ang nag-iisa kong anak na dalaga,” agad nitong pangaral na talagang tinatak niya sa kaniyang isipan.

“Opo, pasensya na po kayo kung napangungunahan po ako ng takot dati,” nakatungo niyang wika.

“Wala ka namang dapat ikatakot kung maganda ang hangarin mo para sa anak ko,” sabi nito saka agad nang tinawag ang dalaga na tuwang-tuwa na makita siya roon.

Nasundan pa nang nasundan ang pagdalaw niya sa bahay ng mga ito at habang tumatagal, lalo siyang nahuhulog sa dalaga at sa pamilya nitong masiyahin na nga, mababait pa.

Hanggang sa isang araw, nagulat na lang siya nang sabihin ng tatay ng dalaga, “Hijo, ikaw na’ng bahala sa anak ko, ha? Pero gusto ko, ikasal muna kayo bago niyo ako bigyan ng maraming apo,” na talagang ikinaiyak niya sa sobrang tuwa.

Wala na siyang pinalampas na pagkakataon simula noon. Agad na niyang inalok ng kasal ang dalaga at laking tuwa niya nang sila’y payagan ng kanilang mga magulang.

“Mabuti na lang talaga, nagkaroon ako ng lakas ng loob para humarap sa pamilya. Kung hindi, siguro, hindi ko mararanasan ang ganitong uri ng saya sa piling mo,” sabi niya sa dalaga bago niya ito halikan sa harap ng altar at ng buo nitong pamilya.

Iyon na ang naging simula ng malalim nilang pag-iibigan na nagdulot ng saya sa kani-kanilang pamilya.

Advertisement