Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan Niya pa ang Buhay ng Pamangking Maagang Nag-asawa; Nalungkot Siya nang Malaman ang Totoong Sitwasyon Nito

Pinagtatawanan Niya pa ang Buhay ng Pamangking Maagang Nag-asawa; Nalungkot Siya nang Malaman ang Totoong Sitwasyon Nito

Isa ang ginang na si Ellen sa mga nadismaya nang malaman niyang nagdadalantao ang pamangkin niya. Kahit pa ganoon, nang mangailangan ito ng pinansyal na tulong matapos nitong manganak at walang sapat na pambayad sa ospital ang kapatid niyang ina nito, hindi siya nagdalawang-isip na magbigay ng pera.

Kaya lang, siya’y lalong nadismaya sa pamangkin niyang ito nang malaman niyang gusto na nitong manirahan sa bahay ng nobyo. “Ano ka ba naman, Sharmaine? Hindi ka man lang na nakakaramdam ng kakaunting hiya, ha? Hindi mo man lang naiisip ang nanay mo!” sigaw niya rito nang sadyain niya ito sa bahay ng nobyo.

“Tita, ayoko naman pong lumaking walang ama ang anak ko. Magtatrabaho naman po ang nobyo ko para sa aming mag-ina,” magalang na sagot nito habang karga-karga ang bagong silang na sanggol.

“Anong trabaho ang mahahanap niyan? Hindi naman nakapagtapos ‘yan at walang diskarte sa buhay!” bulyaw niya pa habang masamang tinitingnan ang lalaking nasa loob ng bahay.

“Tita, buhay ko po ito. Kung hindi niyo po ako masuportahan, sana tumahimik na lang po kayo dahil nakakadagdag lang po kayo sa sama ng loob ko,” wika nito na talagang ikinainis niya lalo.

“Aba, matapos kitang tulungang makalabas ng ospital, gagan’yanin mo ‘ko? Hindi mo ba alam kung magkano ang binigay kong pera sa nanay mo para lang tumigil kakaiyak?” panunumbat niya rito.

“Ibabalik ko po ‘yon sa inyo, huwag po kayong mag-alala. Makakaalis na po kayo,” sagot nito dahilan para siya’y galit na umalis sa bahay nito.

Sa sobrang inis na naramdaman niya sa pamangkin, simula noong araw na ‘yon, hindi na niya ito kinausap at nagawa niya pa itong itsismis sa kaniyang mga kapitbahay tuwing nadadako ang kanilang usapan sa mga kabataang maagang nabubuntis.

“Kumusta na nga pala ang pamangkin mong si Sharmaine? Balita ko, tuluyan nang nagpabahay sa nobyo niya! Hindi ba’t palamunin lang din iyon ng mga magulang?” nguso ng isa niyang kapitbahay na si Belen.

“Aba, sinabi mo pa! Totoy na totoy nga ang itsura, eh! Tiyak wala pang alam sa buhay ‘yon! Ewan ko ba roon sa pamangkin ko! Gusto yatang buong araw na lang na bumuka sa harap ng binatang iyon! Nakakasiguro akong sa mga susunod na araw o buwan, lolobo na naman ang tiyan ng malanding batang ‘yon!” patawa-tawang kwento niya sa mga ito.

“E-ellen…” pigil ng isa niya pang kapitbahay na si Minda saka tumingin sa likod niya dahilan para siya’y mapalingon.

“D’yan po kayo nagkakamali, tita. Hindi na po ako pupwedeng magbuntis dahil nagkakomplikasyon po ako noong nanganak ako. Kaya nga, malaki ang bill ko sa ospital. Nakakalungkot po, ‘di ba? Pero mas nakakalungkot na sarili kong tiyahin ang maninira sa akin,” sabi ng dalaga na ikinalaki ng mata niya, “Ito na nga pala ‘yong perang tinulong mo sa akin. Ang lalaking walang diskarte ang kumita niyan sa loob lang ng isang araw,” dagdag pa nito saka binigay sa kaniya ang ilang libong piso at saka siya nilayasan.

Tila ba lahat sila’y nabato matapos ang usapang iyon.

“Naku, Ellen, nakakalungkot pala ang kinahinatnan ng buhay ng pamangkin mo pero mabuti na lang may asawa siyang responsable. Kung ako sa’yo, tulungan mo ang pamangkin mo kaysa matuwa ka sa paghihirap niya,” wika ni Minda na lalong nagpabukas sa kaniyang isip.

Iyon ang dahilan para muli niyang sadyain ang pamangkin sa tinutuluyan nitong bahay at lalong nadurog ang puso niya nang makita itong umiiyak habang hinahayaang umiyak ang anak sa sahig.

“Hindi pala talaga biro ang pinagdadaanan ng pamangkin ko sa mura niyang edad. Mali man ang naging desisyon niyang pag-aasawa nang maaga, hindi ko dapat siya pagtawanan at husgahan,” sabi niya sa sarili saka agad na niyakap ang dalaga, roon na ito lalong umiyak.

Simula noon, pinangako niya sa sariling gagabayan niyang maigi ang pamangkin katuwang ng kaniyang kapatid upang sa ganoon, kahit na nahihirapan ito, mayroon itong maaasahan at masasandalan bukod sa nobyo nitong isa palang game developer na kumikita ng humigit kumulang isang daang libong piso kada buwan. Ito ang siyang tumutugon sa lahat ng pangangailangan ng kaniyang pamangkin.

“Sagana man sila sa pera, isa lang pala ang pupwede nilang maging anak,” bulong niya sa hangin.

Ilang buwan lang ang binilang, muli niyang nakita ang matatamis na ngiti ng kaniyang pamangkin. Ganoon na lang din siya napamahal sa anak nitong ngayon ay marunong nang magsalita at maglakad na talagang kinaaaliwan nilang lahat.

Advertisement