
Natuwa Siya nang Hindi na Nagpapasundo sa Trabaho ang Asawa; May Iba na palang Sumusundo rito
Kung sa isang normal na pamilya ay lalaki ang siyang nagbabanat ng buto upang kumita ng pera, sa sariling pamilya ni Gerald, ang kaniyang asawa ang nagtatrabaho para matugunan ang pangangailangan ng kanilang buong mag-anak. Habang siya naman ang punong abala sa mga gawaing bahay at pag-aalaga sa kanilang dalawang anak. Bukod pa roon, siya rin ang naghahatid at sundo sa kaniyang asawa pagkalabas nito galing trabaho.
Kahit pa siya’y pagod na sa paglilinis ng kanilang bahay, paglalaba ng kanilang damit, paghuhugas ng mga pinggan, pagluluto ng ulam at paghahatid-sundo sa kanilang dalawang anak sa elementarya, pinipilit pa rin ng kaniyang asawa ang magpasundo sa kaniya dahilan para ganoon na lamang siya mainis dito na agad na nagbubunga ng mahabang bungangaan.
“Pagod na nga ako sa mga gawaing bahay, nagpapasundo ka pa! Magkano lang ba ang pamasahe, mahal? Otso pesos lang!” reklamo niya rito nang kaniya itong sunduin sa trabaho.
“Otso pesos lang? Hoy, Gerald, saka mo na maliitin ang otso pesos kapag kumikita ka na ng pera, ha!” sigaw nito sa kaniya kaya siya’y napailing na lamang.
“Hindi mo kasi alam ‘yong pagod ko sa bahay at pag-aalaga sa mga anak natin, eh!” bulong niya na narinig din naman ng kaniyang asawa.
“Aba, kung sumbatan lang pala ang labanan, magbalot ka na ng damit at lumayas ka na sa pamamahay ko! Binuntis-buntis mo na nga ako, wala ka pang trabaho tapos may gana ka pang magreklamo?” bulyaw pa nito na labis niyang ikinarindi.
“Sumakay ka na! Nakakahiya ka, rito ka pa nagbunganga,” sambit niya rito.
“Mas nakakahiya ka! Padre de pamilya tapos walang kita!” sumbat pa nito saka sumakay na sa kaniyang likuran. Sa sobrang inis niya, hinarurot niya ang motorsiklong gamit.
Pagkatapos noong araw na ‘yon, hindi na muling nagpasundo sa kaniya ang asawa. Katwiran nito, “Huwag na, baka pagod ka,” na labis naman niyang ikinatuwa dahil imbis na aalis pa siya at magmamaneho, humihiga na lang siya sa kanilang sala habang naglalaro sa kaniyang selpon.
Kaya lang, napansin niya rin ang pagbabago ng ugali at pakikitungo ng kaniyang asawa sa kaniya pagkalipas lang ng ilang linggo. Kung dati ay nagagalit ito tuwing may kalat sa kanilang lababo at kapag hindi niya nalalabhan ang uniporme nito, ngayo’y tahimik na lang itong nagkukusang gumawa ng gawaing bahay.
“Mukhang malalim ang tampo sa akin ng asawa ko, ha?” sabi niya sa sarili nang makita niya itong naglalaba ng sariling uniporme.
Kaya naman, upang makabawi sa asawa, naisipan niya itong sunduin kinabukasan kahit hindi ito nagpapasundo sa kaniya. Binilhan niya rin ito ng paborito nitong lechong manok at prutas upang kanilang pagsaluhan pag-uwi.
Ngunit, imbes na asawa niya ang masurpresa, siya ang nasurpresa nang makita niyang sumakay ito sa motor ng isang lalaki. Todo yakap pa ang asawa niya sa likuran nito na talagang ikinadurog niya.
At dahil ayaw niyang gumawa ng gulo sa tapat ng kumpanyang pinapasukan ng kaniyang asawa, kahit siya’y lamig na lamig sa nakita, pinilit niyang kalmadong makauwi sa kanilang bahay.
Pagkalipas ng dalawang oras, tuluyan na ring nakauwi ang kaniyang asawa. Ngiting-ngiti nitong niyakap ang dalawa nilang anak na nagawa ng takdang-aralin sa kanilang sala.
“Bakit ngayon ka lang? Hindi ba’t kanina pa ang uwian mo?” tanong niya rito nang mapansin niyang iniiwasan siya nito ng tingin.
“Kumain pa kami sa labas ng mga katrabaho ko,” seryoso nitong sagot saka agad na pumasok sa kanilang silid dahilan upang sundan niya ito.
“Mga katrabaho mo o kabit mo? Hanggang kailan mo itatago sa akin ‘yang kalandian mo?” galit niyang tanong dito.
“Hanggang sa maramdaman mong asawa mo ako at hindi lang ang mga anak natin ang responsibilidad mo,” galit na tugon nito saka hinagis sa mukha niya ang singsing na bigay niya.
“Ma-mahal,” uutal-utal niyang wika bunsod ng kirot na kaniyang nararamdaman.
“Ayos lang kung magalit ka sa akin. Hindi ko na kasi kayang pagtiisan ang isang taong katulad mo na wala man lang kalambing-lambing sa kaniyang asawa. Iyong pagsundo mo na nga lang sa akin ang hiling ko, eh, nagrereklamo ka pa. Lumipas ang kaarawan ko at ang anibersaryo natin pero may ginawa ka ba para maparamdam mo sa akin na mahal mo ako? Wala, ‘di ba? Kasi nga, okupado ang utak mo ng panunumbat mo sa mga ginagawa mo sa bahay na ‘to!” mangiyakngiyak nitong sambit saka siya pasabog na iniwan sa silid na iyon.
Sinubukan man niya itong habulin ngunit nagpumiglas ito at nagpumilit na umalis ng kanilang bahay.
Sa buong magdamag na lumipas nang araw na ‘yon, wala siyang ibang inisip kung hindi ang kaniyang asawa.
“Saan kaya siya natulog ngayon?” “Kasama niya kaya ang lalaking ‘yon?” “Paano na ang mga anak namin? Tuluyan na ba kaming masisira?”
Ito ang mga tanong na bumabagabag sa kaniyang isipan at noon din, kaniyang naisip na kailangan niyang gumawa ng paraan upang manumbalik ang dating sigla ng pagmamahalan nila ng kaniyang asawa.
Kinaumagahan, maaga siyang nagising upang handaan ng almusal ang asawa. Sigurado siyang uuwi ito dahil kailangan nitong magpalit ng damit at pumasok sa trabaho.
Hindi nga siya nagkamali dahil pagsapit ng alas sais ng umaga, umuwi ang kaniyang asawa at agad na dumiretso sa kanilang banyo.
Pagkalabas nito, agad niya itong niyayang kumain. Noong una’y tumanggi ito ngunit nang siya’y magmakaawa, napapayag niya rin ito.
“Mahal, patawarin mo ako sa hindi ko pag-intindi sa’yo. Ngayon, nauunawaan ko nang napapagod ka rin katulad ko at kailangan din kitang alagaan. Pwede pa ba tayong magsimula ulit? Pangako, kakalimutan kong nagkaroon ka ng ibang karelasyon at liligawan kita ulit,” hikbi niya.
“Sino ba nagsabing may iba akong karelasyon? Kaibigan kong binabae ‘yong nasundo sa akin. Kaya ako ginagabi dahil inaaliw ko ang sarili ko para hindi ako malungkot,” sabi nito na ikinagulat niya.
“Ibig sabihin nagsinungaling ka sa akin?” tanong niya rito.
“Gusto mo bang totohanin ko?” inis nitong tugon.
“Hindi, mahal!” masaya niyang sabi saka ito mahigpit na niyakap at kanilang pinagsaluhan ang niluto niyang almusal.
Sila nga ay tuluyan ding nagkaayos noong araw na ‘yon at simula no’n, kahit pagod na pagod siya sa buong araw, nagtitira siya ng lakas upang sunduin ang kaniyang asawa at ito’y panandaliang i-date sa labas.
Sa ganitong paraan, kaniyang napanumbalik ang kanilang pag-iibigan at nasiguro niyang hindi mawawalan ng ina ang kaniyang mga anak.