
Tsinitsismis pa ng Ginang na Ito ang Nagbibigay sa Kaniya; Paghihirap ang Naransan Niya nang Wala na Siyang Matanggap na Tulong
Hindi marunong makuntento o kahit magpasalamat ang ginang na si Marissa sa tuwing siya’y binibigyan ng pagkain o kahit anong gamit ng mga kapitbahay niyang naaawa sa kaniya.
Putol na kasi ang kaniyang dalawang paa at wala nang maaasahang pamilya dahilan para siya’y buong araw na lang manatili sa kaniyang barung-barong habang binabantayan ang paninda niyang mani na ilang buwan nang walang bumibili.
Dahil sa mahirap na sitwasyon ng buhay niyang ito, marami sa kaniyang mga kapitbahay ang nahahabag kaya siya’y inaabutan ng mga pagkain, damit, at ilan pang mga personal na gamit katulad ng sabon, toothbrush at toothpaste, shampoo at kung ano pa man.
Kaya lang, madalas, nagbibigay pa siya ng hindi magandang komento kapag hindi niya nagustuhan ang mga binibigay sa kaniya.
“Ano ba naman ‘tong ulam na ‘to? Wala man lang kalasa-lasa! Hindi man lang lagyan ng asin o kahit anong pampalasa para sumarap-sarap naman ito!” reklamo niya nang matikman ang ulam na bigay sa kaniya ng isang kapitbahay.
“Naku, magpasalamat ka na lang, Marissa. Mabuti nga’t may nagbibigay pa sa’yo. Alam mo bang kapos din naman sa pagkain sila Aling Cheche pero pinagtitirhan ka niya talaga ng pagkain sa tanghalian para hindi ka magutom?” sabat ng isa pa niyang kapitbahay na nagwawalis ng dumi sa kanilang eskinita.
“Diyos ko, karapat-dapat ba akong magpasalamat sa pagkaing ‘to? Wala na ngang kalasa-lasa, halatang tira-tira pa! Saka, alam mo bang lahat ng binibigay sa akin ni Aling Cheche, marurumi at halatang pinagsawaan na?!” nguso niya pa na ikinakunot ng noo nito.
“Paano mo naman ‘yan nasabi? Galing abroad pa nga ang binibigay na gamit sa’yo no’n!” sambit pa nito habang inaalala ang kahong-kahong gamit na binibigay ng matanda.
“Galing abroad nga, pero karamihan, expired na! Ang iba pa nga’y inaamag na!” wika niya pa na ikinailing na lang nito saka siya nilayasan.
Kahit pa ganoon niya na lang punahin ang pagkaing bigay sa kaniya, kinain niya pa rin ito at inubos. Sabi niya pa matapos kumain, “Kung may makakakain lang talaga ako, hinding-hindi ko pagtitiyagaan ang ganitong klaseng pagkain. Para akong preso!”
“Edi sana hindi mo kinain,” sabat ni Aling Cheche na ikinalaki ng kaniyang mga mata, “Kung ayaw mong binibigyan ka, makakaasa kang hindi ka na makakatanggap mula sa akin. Nagmamagandang loob na ‘yong tao sa’yo, tsinitsismis mo pa! Sa dami ng magagandang bagay at masasarap na pagkaing binibigay ko sa’yo, may nasasabi ka pa rin!” sigaw sa kaniya ng matanda saka agad na kinuha ang plato’t ilang kubyertos na ginamit niya sa pagkain na bigay nito.
“Naku, Aling Cheche, hindi naman po sa ganoon. Sinisiraan lang po ako ng mga kapitbahay natin, naiinggit lang po ‘yan sila sa akin,” pagsisinungaling niya, sakto namang naroon din pala ang kapitbahay na kausap niya kanina at siya’y sinugod din nito.
“Hindi kainggit-inggit ang isang katulad mong umaasa na nga sa bigay ng iba, reklamador pa!” bulyaw nito sa kaniya na talagang ikinapahiya niya.
Simula noon, wala na nga ni isa sa kaniyang mga kapitbahay ang nagmagandang loob na siya’y abutan ng kahit anong tulong. Dito niya na naransang magutom at magsisi sa lahat ng masasamang bagay na lumabas sa bibig niya.
“Kung naging mapagpasalamat at masaya lang sana ako sa mga inaabot nila sa akin, siguro, hindi ako makakaranas ng ganitong klaseng hirap,” pagsisisi niya, “Siguro, kailangan ko nang magbanat ng buto sa kabila ng kapansanan ko,” dagdag niya saka agad na lumabas ng kaniyang bahay upang maghanap ng makakalakal.
Mahirap man ang paraang ito upang siya’y makakain, ibang saya naman ang naramdaman niya. Sabi niya pa, “Iba pala talaga ang sarap ng pagkaing pinaghirapan ko. Mabuti na rin siguro ‘to. Natututo akong tumayo sa sarili kong mga paa, kaysa umasa sa iba.”
Kahit na masaya siya sa sitwasyon ng buhay niya ngayon, hindi niya pa rin kinalilimutan ang aral na nabigay ni Aling Cheche sa kaniya dahilan para kapag may nagbibigay sa kaniya ng tulong sa lansangan mula sa mga taong hindi niya kilala, taos puso siyang nagpapasalamat at nagbibigay galang sa mga ito. Marami man o kaunti, masarap o hindi, bago man o luma ang mga binibigay ng mga ito.
Hindi man siya muling mabigyan ng kaniyang mga kapitbahay, walang hanggan na pasasalamat ang kaniyang binibigay sa Itaas dahil kahit pa ganoon ang naging ugali niya noon, hindi pa rin siya nawalan ng makakain sa araw-araw.