Inday TrendingInday Trending
Kinunsinti Niya ang Kalokohan ng Anak nang Malaman Niyang Mayaman ang Bago Nitong Manliligaw, Nadismaya Siya nang Malaman ang Katotohanan

Kinunsinti Niya ang Kalokohan ng Anak nang Malaman Niyang Mayaman ang Bago Nitong Manliligaw, Nadismaya Siya nang Malaman ang Katotohanan

Nang nalaman ni Aling Joyce na may iba pang karelasyon ang kaniyang anak bukod sa nobyo nitong pinakilala at dinala sa kanilang bahay, labis siyang nagalit dito.

Pagkatanggap na pagkatanggap niya ng mensahe mula sa nobyo nitong may ibang kasama ang kaniyang anak sa paggagala, dali-dali niya itong tinawagan upang pagalitan at pauwiin.

“Elenita! Gan’yan ba kita pinalaki, ha? Hindi ba’t may nobyo ka na? Bakit may iba ka pang kasamang lalaki ngayon? Hindi mo ba alam na may nakapagsumbong sa nobyo mo? Tiyak, hihiwalayan ka na no’n! Mahihirapan ka nang makakita ng lalaking kasing bait ng nobyo mo!” agad niyang sermon dito nang sagutin nito ang kaniyang tawag.

“Hindi ko kailangan ng mabait lang, mama. Ang kailangan ko, ‘yong lalaking kaya akong dalhin sa magagandang pasyalan, masasarap na restawran, at maisasakay ako sa isang magarang sasakyan! Sayang naman ang ganda ko kung sa isang mabait pero walang laman ang bulsang lalaki lang ako mapupunta!” sagot nito na ikinapagtaka niya.

“Teka, ibig mo bang sabihin, bigatin ang kasama mong binata ngayon?” pang-uusisa niya habang pinipigilan ang kasabikang nararamdaman.

“Ay, opo, mama! Hindi lang basta-basta bigatin! Hayaan niyo po, magpapahatid ako riyan sa atin para makilala mo siya!” masayang sambit nito dahilan para siya’y mapatalon sa tuwa.

“O, sige, anak! Diyos ko, iahon mo ako sa kahirapan! Sige na, ako nang bahala sa nobyo mo! Sulitin mo ang bawat oras kasama ang lalaking ‘yan at siguraduhin mong hahanap-hanapin ka niya!” payo niya sa anak saka humagalpak ng tawa.

“Hindi mo na ako kailangang paalalahan, mama!” tugon pa nito saka tuluyang binaba ang tawag.

Katulad ng sabi niya sa anak, agad niyang tinawagan ang nobyo nito at sinabing, “Pasensya ka na, Kyle, ayaw na sa’yo ng anak ko. Ikaw rin kasi ang problema, eh, hindi mo man lang siya madala sa mamahaling restawran. Susundin mo pa siya gamit ang bulok mong motorsiklo. Kahit ako, mahihiya sa mga taong nakakakita, eh. Itigil mo na siguro ang pakikipagrelasyon sa kaniya, kung mahal mo talaga ang anak ko, hahayaan mo siyang sumaya sa mayamang lalaki.”

“Ganoon po ba? Sige po, pasensya na po kayo,” hikbi nito saka agad na binaba ang tawag.

Ilang oras pa ang dumaan, tuluyan na ngang nakauwi ang kaniyang anak kasama ang binatang pinagmamalaki nito. Roon niya nga napatunayan ang yamang taglay nito at siya’y nakasigurong gaganda ang buhay nila dahil dito. Ito dahilan kaya kaya ganoon niya na lang ito tinuring na para niyang sariling anak sa una nilang pagkikita.

Napadalas pa ang pagpunta ng binata sa kanilang bahay na labis niyang ikinatuwa dahil halos araw-araw siyang may pasalubong na pagkain o gamit mula rito sa loob ng limang buwan nitong panliligaw.

Kaya naman, isang araw, nang malaman niyang sa kanilang bahay ito maghahapunan, naisipan niyang paglutuan ito ng sinigang.

Maaga siyang namalengke upang makakuha ng sariwang baboy at mga gulay. Kaya lang, habang siya’y namimili ng mga gulay sa palengke, siya’y labis na napaisip nang makitang nagtatawag ng mga pasahero habang nakasakay sa pedicab ang manliligaw ng anak.

“Baka namamalikmata ka lang, Joyce, pwede bang pedicab lang ang pinagkakakitaan ng manliligaw ng anak mo?” sambit niya habang kinikilala ang mukha ng binata.

Dahil hindi na siya makatiis, tinawag niya ito sa pangalan at sila’y sabay na nagulat nang magkatitigan sila.

Oramismo, dali-dali niyang pinapunta roon ang kaniyang anak. Doon nila nalamang nagpapanggap na mayaman lang pala ang naturang binata dahil sa kagustuhan nitong makuha ang atensyon ng kaniyang anak.

“Pasensya na po kayo. Noon ko pa po gustong mapansin ng anak niyo kaya po ginawa ko ang lahat para magmukhang mayaman kahit isa lang po akong pedicab drayber. Ang mga alahas, sasakyan at perang ginagamit ko po para magpakitang gilas sa inyo ay hiram po lahat,” tapat na sabi ng binata na talagang ikinataas ng dugo niya.

Sa sobrang inis nilang mag-ina, dali-dali silang umuwi at nagpakalma.

“Buksan mo nga ang radyo para naman makapag-isip ako nang tama. Baka masampal ko ang binatang ‘yon kapag nagpakita pa ‘yon dito sa bahay natin,” utos niya sa anak na agad nitong sinunod dahil sa takot sa kaniya.

“Balitang-balita ngayon ang isang binatang yumaman nang dahil sa investment! Kwento niya pa, hindi raw naniniwala sa kaniya ang dating nobya at pinagpalit pa siya dahil sinugal niya ang lahat ng kaniyang pera sa investments! Makakausap at makikilala po natin ngayon si Kyle…” hindi na natapos ang pakikinig dahil nakita niya ang kabadong reaksyon ng kaniyang anak.

“Si Kyle…” buntong-hininga nito. “Alam mong may investment siya?” agad niyang tanong dito.

“Opo, mama, pero kasi akala ko pagsasayang lang ng pera ‘yon!” katwiran nito na labis niyang ikinagalit.

“Diyos ko! Walang silbi ang ganda mo kung bob*ta ka!” sigaw niya rito saka niya ito agad na sinabunutan.

Nang mahimasmasan na siya, sinubukan niyang tawagan ang numero ng dating nobyo ng anak upang humingi ng tawad at syempre, upang muli itong mabaliw sa kaniyang anak.

“Magandang araw po, tita,” bati nito matapos sagutin ang tawag niya.

“Naku, Kyle, pasensya ka na sa anak ko, ha? May plano ka ba ngayong araw? Gusto mo bang maghapunan dito sa amin? Magluluto ako ng sinigang! Hindi ba’t isa ‘yon sa mga paborito mong luto ko?” ngiting-ngiti niyang sambit nito.

“Ay, pasensya na rin po, tita. May dinner date po kami ng bago kong nobya, eh,” tanggi nito dahilan para ganoon na lang siya tumitig nang masama sa anak niyang hinayang na hinayang din sa nasayang na binata.

Dahil sa pangyayaring iyon, pinangako niya sa sariling hindi na muling kukunsintihin ang anak at kaniya na itong tuturuan kung paano tumayo sa sariling mga paa.

Pinursigi niya itong magtrabaho para hindi na ito umasa sa pera ng mga binatang maaaring manligaw dito.

“Ngayon, anak, mabait na lalaki ang hanapin mo. Maaari mong kitain ang pera pero hindi mo maaaring mabili sa kung saan ang isang mabait na tao,” pangaral niya rito na talagang tinatak naman nito sa isipan.

Advertisement