
Nagmalasakit ang Dalaga sa Isang Matanda na Hindi Niya naman Kadugo; Ito ang Iginanti ng Matanda
“Hello po, Nanay!” masayang bati ni Mayeth nang makapasok siya sa kwartong tinutuluyan ng matanda.
“Mayeth, ikaw ba ‘yan? Aba’t napadalaw ka yata ulit?”
Bagama’t halatang nagulat ito sa kaniya, hindi naman maikakaila ang kasayahan sa boses nito, na mas lalong nagpalawak ng ngiti sa mga labi niya.
Umupo siya sa tabi nito saka ipinakita ang prutas na dala.
“Ako nga po. Pasensya na po at ngayon lang. Medyo naging abala lang po sa trabaho, kumakayod kasi nag-iipon ako ng pambili ng bahay,” pagbabalita niya rito saka inumpisahan na balatan ang prutas para rito.
“Naku, hindi mo naman kailangan bumisita kung abala ka. Ayos lang naman sa akin,” anito.
“Ano ka ba naman, Nanay! Syempre bibisita ako! Ang nag-iisa niyong apo!” biro niya, na ikinatawa nilang pareho.
Ang totoo, hindi naman talaga sila magkadugo ni Nanay Carmi. Nakilala niya ang matanda nang minsan siyang magtrabaho sa isang home for the aged facility pansamantala bilang nurse.
Ito ang natapat sa kaniya para bantayan, pakainin, bihisan at painumin ng gamot kapag kailangan. Kalaunan ay naging malapit ang loob nila sa isa’t-isa lalo na’t wala na itong ibang pamilyang nabubuhay. Siya ay ganoon din, ulila sa magulang at walang malayong kamag-anak na kakilala.
Kaya naman halos tunay na lola na ang turing niya sa matanda. Kahit na kinailangan niya ng magtrabaho sa ibang lugar para sa mas malaking kita, nanatili pa rin ang kanilang komunikasyon.
Binibisita niya ito basta’t libre siya. Ayaw niya kasing maramdaman nito ang pag-iisa hangga’t maaari.
Maya-maya ay isang nurse ang sumungaw sa pinto.
“Mayeth, pwede ba kitang makausap sandali?” tanong sa kaniya ni Josephine, isa sa mga namamahala sa lugar.
Lito man ay tumango siya at pumayag.
“Bakit niyo po ako gustong makausap? May problema po ba?” takang tanong niya.
Bumuntong-hininga ang babae saka ipinakita sa kaniya ang dokumento na naglalaman ng impormasyon tungkol kay Nanay Carmi.
“Sa totoo lang, wala na kasing pambayad si Nanay sa amin kaya kailangan na namin siyang tanggalin sa programa. Ibig sabihin, hindi na siya pwedeng manatili at mapipilitan kaming paalisin na siya. Alam naman nating pareho kung ano ang sitwasyon niya, hindi ba?” malungkot na pagbabalita nito.
Halatang-halata rin sa mukha nito na hindi nito gusto ang nangyayari pero wala itong magawa.
“Wala na po bang ibang paraan? Hindi po natin pwedeng alisin si Nanay dito. Wala pong mag-aalaga sa kaniya kung sakali,” problemadong saad niya. .
Malungkot itong umiling.
“Pasensya ka na rin. Alam mo namang maliit lang itong lugar, pinapaikot lang rin namin ang pera pambili at pambayad sa mga kailangan at bayad sa mga empleyado. Gustuhin ko mang tumulong, wala rin akong magagawa. Sa’yo ko to sinasabi bilang ikaw naman ang pinakamalapit sa kaniya,” nakayuko nitong sagot.
Natahimik silang dalawa. Ilang buntong hininga ang pinakawalan niya bago niya binasag ang katahimikan.
“Kung ganon, ‘wag n’yo pong tanggalin si Nanay dito. Ako na lang po ang magbabayad para sa kaniya,” pagpiprisinta niya kahit na hindi niya alam kung saan kukuha ng pera.
Hindi ito makapaniwala noong una pero kalaunan ay ngumiti rin at tumango. Nagpasalamat ito ng ilang beses sa kaniyang tulong.
Ganoon nga ang nangyari, buwanan siyang nagbabayad para sa serbisyong matatanggap ni Nanay Carmi. ‘Di bale nang magtrabaho siya ng higit pa sa sampung oras basta’t masiguro niyang maayos ang kalagayan nito.
“Mayeth, apo. Narinig ko kay Ma’am Josephine na ikaw raw ang nagbayad para sa akin. Aba’y bakit mo naman ginawa iyon? Hindi naman kailangan! Tingnan mo ang sarili mo. Ang payat-payat mo na! Hindi ka na yata nagpapahinga at nakakakain dahil sa akin!” tuloy-tuloy nitong sermon.
Nangiti na lang si Mayeth.
“Ayos lang ako po. Pera lang ‘yon. Mababawi ko naman ‘yan sa pagtatrabaho ko at saka mas kailangan niyo. ‘Wag niyo nang alalahanin,” sagot niya dito.
“Paano na ‘yung bahay na pinag-iipunan mo, apo?” usisa nito kapagkuwan.
“Makapaghihintay pa naman po ‘yun. Hindi ko naman kayo pwedeng pabayaan na lang na mawalan ng tirahan. Magtitiis na muna ako sa renta,” nakangiting sagot niya.
Bakas pa rin ang pag-alma sa mukha nito dahil sa sinabi niya, ngunit sa huli ay ngumiti na lang ito.
“Salamat, apo. ‘Wag kang mag-alala. Pagpapalain ka dahil sa kabutihan mo,” bulong nito.
Ilang buwan ang lumipas, unti-unting nanghina ang matanda hanggang sa tuluyan na itong pumanaw. Malungkot man ay tanggap na rin niya, alam niyang sabik na rin itong makapagpahinga nang walang dinadamdam.
Niligpit niya ang gamit nito at ang kwarto kung saan ito nanatili sa halos limang taon. Aalis na sana siya nang may isang lalaki na dumating at hinahanap siya.
“Ikaw po ba si Mayeth Castro?” tanong nito.
“Ako nga po. Bakit po?” takang tanong niya.
Ngumiti ito at binigay ang isang papel. Nang basahin niya unti-unting nanlaki ang kaniyang mga mata nang mabasa ang nakasulat.
“Ipinamana na po sa inyo ni Ma’am Carmi ang nag-iisa niyang ari-arian. Bahay, na may tatlong palapag na pwedeng-pwede niyo na pong tirhan kahit na anong oras,” pagbabalita nito.
Hindi siya makapaniwala sa nalaman.
“Po? Bakit po ako? At saka kung meron naman palang ganito bakit pinili niyang manatili sa lugar na ‘yun?” tanong niya dito.
“Wala na po kasing natitirang kamag-anak si Nanay, pero ang sabi niya ay apo ang turing niya sa inyo kaya nagdesisyon siyang imbes na ibenta, ipamana na lang sayo bilang pasasalamat sa lahat. At saka ayaw niya rin na manatili doon dahil wala siyang kasama at naalala niya lang kasi ang yumao niyang asawa,” kwento nito.
Unti-unti siyang tumango, kahit na hindi pa rin makapaniwala na mayroon na siyang sariling bahay sa isang iglap.
Naalala niya ang sinabi noon ni Nanay Carmi, na balang araw ay pagpapalain siya. Mukhang ito na ang pagpapala na iyon. Hindi lang iyon galing sa Diyos kundi pati na rin kay Nanay Carmi na kahit hindi niya na kasama, alam niyang binabantayan pa rin siya hanggang ngayon mula sa langit.