Inday TrendingInday Trending
Hindi Niya Mapagkasundo ang Dalawang Kasambahay; Nakagugulat Pala ang Itinatago ng Isa sa mga Ito

Hindi Niya Mapagkasundo ang Dalawang Kasambahay; Nakagugulat Pala ang Itinatago ng Isa sa mga Ito

“Ano’ng ginagawa mo? ‘Wag mo ngang pakialaman ang ginagawa ko! Alis!”

Ang malakas at galit na sigaw ni Yaya Ising ang naabutan ni Tina pagpasok niya sa bahay.

Agad-agad siyang lumapit sa mga ito para alamin ang nangyayari.

“Ano’ng nangyayari?” usisa niya kay Lorena, ang pinsan ng kaniyang asawa.

“Hindi ko alam diyan sa katulong mo, Ate Tina. Nananahimik ako, bigla na lang nagsisisigaw. Nasisiraan na yata ng ulo!” yamot na sagot nito.

Napabuntong-hininga na lang siya sa narinig. Hindi na iyon bago sa kaniya dahil hindi iyon ang unang beses.

Napakaingat kasi ni Yaya Ising sa mga taong pumapasok bilang empleyado sa tahanan nila. Hindi ito mabilis magtiwala at parang laging pinagdududahan ang lahat. Wala tuloy nagtatagal sa kanilang kasambahay dahil madalas nitong sungitan at pagalitan.

Ang kaso ay iba naman si Lorena. Hindi niya talaga mapagtanto kung bakit napakainit ng ulo nito sa babae. Mabait naman ito at magalang sa kanila, ngunit sa hindi niya malamang dahilan galit na galit si Yaya Ising dito.

Nagprisinta si Lorena na pansamantalang manirahan sa bahay nila. Ito raw muna ang mag-aalaga ng mga pamangkin habang naghahanap ito ng trabaho.

Pumayag naman siya kaagad. Mahirap maghanap ng kasama sa bahay na mapagkakatiwalaan, mas mabuti na iyong pinsan mismo ng asawa niya.

“’Nay, bakit naman ayaw na ayaw mo kay Lorena? Mabait naman ‘yung bata at tinutulungan ka pa nga sa gawain mo,” isang araw ay usisa niya sa matanda.

Marahas na umiling ito.

“Mabait? Hindi mabait ‘yun, anak. May binabalak siyang masama, kaya ‘wag kang kampante. Kung ako sa’yo, paalisin ko na ang babaeng ‘yun!” payo nito.

“Paano niyo naman po nasabi ‘yan, ‘Nay?” patuloy na usisa niya.

“Lagi ko siyang naaabutan sa kwarto mo kapag wala ka, anak! Kinakalikot ang mga gamit mo. Wala ka lang kaalam-alam,” sumbong pa nito.

“’Nay, baka nagkamali lang kayo ng tingin. Pinsan iyon ng asawa ko, hindi naman niya siguro tayo gagawan ng masama,” pagtatanggol niya kay Lorena.

Ngunit hindi ito kumbinsido. Sa huli ay siya rin ang sumuko sa pakikipag-usap sa matanda. Alam naman kasi niyang hindi rin pwedeng pagkatiwalaan basta-basta ang sinasabi nito. Kasabay kasi ng pagtanda nito ay ang paghina ng memorya nito.

Hindi na ito malakas at listo gaya ng dati. Ito mismo ang dahilan kung bakit niya pinayagan na makipisan si Lorena. Hindi niya naman magagawang paalisin si Yaya Ising na matagal nang nanilbihan sa kanila at tinuring niya nang sariling ina, kaya naghanap na lang siya ng pwedeng umalalay rito.

Ang tanging problema na lang ngayon ay ang madalas na banggaan nina Lorena at Yaya Ising. Hindi naman niya naman mapaalis ang nakababata dahil nahihiya siya sa asawa. Isa pa, alam niyang mahirap maghanap ng iba.

“Lorena, ‘wag mong mamasamain ha, pero nabanggit ni Nanay Ising na nakita ka niya sa kwarto ko. Pumapasok ka ba d’on?” hindi mapigilang usisa niya sa dalaga. Hindi niya kasi maalis sa isipan ang sinabi ng matanda.

Nanlaki ang mata ng babae.

“Naku! Hindi po, Ate! Baka namamalikmata lang po siya o nalilito!” mariin nitong tanggi.

“Ganoon ba? Pasensya ka na. Takang-taka lang talaga ako kung bakit ayaw sa’yo ni Nanay Ising. Alam ko namang hindi mo gagawin, malaki ang tiwala ko sa’yo,” aniya.

Nang makapasok sa kwarto ay napabuntong-hininga na lang si Tina. Hihiga sana siya sa kama nang mapansin niyang nakabukas ang isa sa mga aparador na naglalaman ng kaniyang mga alahas.

Agad niya iyong nilapitan. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang wala namang kulang sa mga iyon.

“Baka nalimutan ko lang,” sa isip-isip niya.

Nang mga sumunod na araw, wala pa ring nabago sa pakikitungo ng matanda kay Lorena. Madalas nitong pagbintangan ang babae ng kung ano-ano at pinipilit pa siyang paalisin na ang dalaga sa bahay, pero mariin siyang tumanggi.

Isang beses ay napuno na siya at napagtaasan niya ng boses ang matanda, dala na rin ng inis at awa para sa walang kalaban-laban na babaeng pinagsasalitaan nito ng masama.

“’Nay! Sumosobra ka na, ha! Kung ayaw n’yo kay Lorena, ayos lang. Pero ‘wag niyo naman siyang pagsalitaan ng ganyan. Alalahanin n’yo rin na ako pa rin ang amo nito at kadugo siya ng asawa ko mismo!”Mukhang nakinig naman ang matanda. Hindi na ito nagsalita pa laban kay Lorena.

Akala niya ay ayos na ang lahat, ngunit isang araw, ganoon na lang ang gulat at takot niya nang maabutan niyang may mga pulis na nakaparada sa tapat mismo ng kanilang bahay. Kagagaling niya lang sa trabaho.

“Sir, ano pong nangyari rito?” kinakabahan niyang usisa.

“Kayo ho ba ang may-ari? Naku, Ma’am, nalooban kayo. Limas po ang mga alahas at iba niyo pang gamit,” kwento ng pulis.

Nanginig si Tina sa takot nang maaala ang mga tao sa bahay.

“Ang mga tao po sa loob?”

“‘Wag ho kayong mag-alala dahil ligtas naman po ang lahat. Mabuti na lang at natimbrehan agad kami ng matandang kasama niyo dito sa bahay,” paliwanag ng pulis.

Doon pa lang siya nakahinga nang maluwag.

“Base po sa inisyal naming imbestigasyon, mukhang inside job po ito. Kilala niyo po ba ang babaeng ‘to?” ipinakita ng pulis ang litrato ng isang babae, na agad niyang namukhaan.

“Si Lorena po ‘yan. Pinsan ng asawa ko na pansamantalang nakatira dito. Bakit po?” nalilito niyang tanong

“Matagal na namin ‘yang hinahanap dahil may nabiktima rin siya sa kabilang bayan. Pumapasok bilang kasambahay, aalamin ang mga daan, lilimasin kung anong pwedeng kunin at kung kailan walang tao. Mag-ingat po tayo sa susunod,” paalala ng pulis.

Hindi siya makapaniwala sa narinig. Hindi niya inakalang magagawa iyon ng babae sa kanila! Akala niya ay mapapagkatiwalaan ito.

Maya-maya pa ay nakita niya na ang dalawang anak na umiiyak sa takot at yakap-yakap ni Yaya Ising. Nilapitan niya agad ang mga ito para yakapin nang mahigpit.

“Pasensiya ka na at hindi ko na siya napigilan. Natakot kasi akong saktan niya ang mga bata,” hinging paumanhin ni Yaya Ising.

Umiling siya habang naluluha. Naalala niya kung paano niya ipinagtanggol si Lorena rito, tama naman pala ito mula umpisa.

“Wala po kayong kasalanan. Ako nga po ang nahihiya dahil hindi ako nakinig sa inyo,” nakayuko niyang sinabi.

“Ang mahalaga ligtas ang lahat at walang nasaktan, hindi ba?” anito na sinang-ayunan niya.

Natutunan niya na hindi porke’t kadugo ay mapagkakatiwalaan na. Wala sa dugo ang malasakit, kundi nasa puso. Kaya maging mapagmatyag—dahil kung minsan, kung sino ang hindi mo inaasahan, ay siya pang may itinatago.

Advertisement