Inday TrendingInday Trending
Hindi Siya Kinampihan ng Matalik Niyang Kaibigan nang Siya’y Mapaaway; Mapapahiya Siya sa Sasabihin Nitong Dahilan

Hindi Siya Kinampihan ng Matalik Niyang Kaibigan nang Siya’y Mapaaway; Mapapahiya Siya sa Sasabihin Nitong Dahilan

Noon pa man ay matalik nang magkaibigan sina Natasha at Patima, kahit pa nga magkaibang-magkaiba ang kanilang mga personalidad. Si Patima kasi ay isang mabuting bata. Masunurin sa magulang, magaling sa eksuwelahan, mabait at matulunging kaibigan, habang si Natasha naman ay isang pasaway at makulit na bata. Lagi na lamang itong sakit sa ulo ng kaniyang mga magulang. Laman ng napakaraming gulo. Ngunit ganoon pa man ay nanatili siyang suportado ng kaibigang si Patima. Sa katunayan ay nasanay nga siyang palagi itong nasa likod niya, sa lahat ng oras, kahit pa tuwing may gulo siyang kinasasangkutan, hanggang sa pareho na silang magdalaga.

Katulad na lang ngayon. Nasa kalagitnaan ng pakikipag-away si Natasha sa asawa ng lalaking ngayon ay kinakalantari niya kahit na alam naman niyang may asawa ito! Siya namang dating ng kaibigan niyang si Patima upang awatin silang dalawa.

“Natasha, tama na! Tumigil ka na! Halika na, umuwi na tayo!” malakas na hiyaw Patima habang inaawat sila sa kalagitnaan ng pakikipagsabunutan niya sa misis ng kaniyang nobyo.

“Bakit ba ako ang inaawat mo? ’Yang babaeng ‘yan ang unang nanakit sa akin, bes, o!” ganting sigaw naman niya bago inalis ang pagkakahawak sa kaniya ni Patima.

“Paanong ikaw ang kakampihan ko, Natasha? Ikaw ang kabit, hindi ba?!” Bigla siyang natahimik sa sinabi nito. “Alam mo, kung anu-anong gulo ang kinasangkutan mo at palagi kitang kinakampihan. Pero ngayon, nagsisisi akong ginawa ko ’yon dahil napakalala mo na. Ayaw kong mabalitaan na lang isang araw na may nakatapat kang hindi mo kaya. Ayaw kong mabalitaang dahil diyan sa mga kalokohan mo ay makasuhan ka o ang masama pa ay makahanap ka ng babawi d’yan sa buhay mo!” mahaba pang dugtong ni Patima na lalo pang ikinainis ni Natasha. Pakiramdam niya ay napahiya siya. Halos itago niya ang mukha niya habang nagpapalinga-linga sa paligid. Napakaraming taong nakarinig sa sinabi ni Patima!

Dahil doon ay walang pasabing tumakbo palayo si Natasha. Napakalaki ng galit niya sa kaibigan dahil sa ginawa nitong hindi pagkampi sa kaniya kaya naman halos ayaw na niya itong kausapin pa kahit na anong pilit nito. Palagi niya itong tinataguan, o hindi kaya ay pinagtatabuyan niya ito na ni hindi man lang iniisip ang mga pinagsamahan nila at ang mga bagay na nagawa nito noon para sa kaniya.

“Bes…” Isang araw ay naabutan siya ni Patima sa isang bar. Hindi niya alam kung papaano siya nito nahanap doon. Hindi pa man din siya lasing dahil isang baso pa lang ang naiinom niya kung tutuusin.

“Ano’ng ginagawa ng traydor na katulad mo rito?” Tinaasan niya pa ng isang kilay ang matalik na kaibigan.

“Kailan ako naging traydor sa yo, Natasha? Kasi ako, wala akong matandaan. Ang natatandaan ko lang ay hindi kita kinampihan dahil mali naman talaga ang ginagawa mo. Natasha, mahalaga ka sa akin kaya naman hinding-hindi ko kakayanin kung mapapariwara ka at babansagang kabit nang wala akong ginagawa!” seryosong sagot naman ni Patima sa kaniya. “Kaya kung ang kapalit ng pagkawala ng pagkakaibigan natin ay ang katinuan mo, handaa akong magsakripisyo. Bes, hindi kita kinampihan dahil lang ayaw ko. Ginawa ko ’yon para makita mo na ako ang klase ng kaibigan na hindi ka ipapahamak kahit pa magalit ka sa akin!” dagdag pa nito.

Napaisip naman si Natasha sa narinig. Sa totoo lang ay alam naman niya iyon ngunit pilit niyang pinaniniwala ang sarili sa gusto niya dahil ayaw niyang amining nagkamali nga siya ng lalaking minahal. Hindi niya matanggap na hindi sila maaaring magkatuluyan ni Eddie dahil may asawa itong tao at kahit kailan ay hinding-hindi siya pipiliin nito kaysa sa sarili nitong pamilya.

Dahil doon ay napahagulhol na lamang siya. Hindi niya napigilang mapayakap na lang kay Patima na agad naman siyang dinaluhan. Pinakinggan nito ang lahat ng hinaing niya at siniguro nito sa kaniyang hindi siya nito iiwan.

Dahil sa tulong ni Patima, unti-unti ay naka-move on si Natasha, kasabay ng unti-unti rin niyang pagbabago. Malaki ang pasasalamat niya sa matalik niyang kaibigan dahil nagawa nitong sabihin sa kaniya ang lahat ng kamalian niya kahit pa alam nitong masasaktan siya at magagalit siya rito. Indikasyon na isa itong tunay na kaibigang naghahangad lang ng kabutihan niya. Itinuturing niyang suwerte ang kaniyang sarili dahil naging kaibigan niya ang isang katulad nito.

Advertisement