Inday TrendingInday Trending
Iniwan Siya ng Kaniyang Ina sa Kanilang Matandang Kapitbahay Upang Sumama sa Lalaki Nito; Babalik Ito dahil sa Balitang Nanalo Siya sa Lotto

Iniwan Siya ng Kaniyang Ina sa Kanilang Matandang Kapitbahay Upang Sumama sa Lalaki Nito; Babalik Ito dahil sa Balitang Nanalo Siya sa Lotto

Kalat na kalat na sa buong San Ildefonso ang tungkol sa pagtama ng dalagang si Andrea sa lotto. Siya raw ang nag-iisang masuwerteng nakakuha ng napakalaking jackpot prize na isang bilyong piso! Dahil doon, hindi inaasahang bigla na lang sumulpot sa bahay na tinutuluyan ni Andrea ang kaniyang inang matagal na niyang hindi nakikita.

Dalawampung taon na ang nakararaan mula nang iwan siya ng inang si Teresa sa pangangalaga ng matandang kapitbahay nilang si Aling Pacita, na noon ay nagtitinda lamang ng kakanin. Paano kasi ay may nakilalang lalaki ang kaniyang ina at hindi ito tatanggapin ng naturang lalaki kung isasama siya nito, kaya naman mas pinili nitong iwanan na lamang siya sa ibang tao. Mabuti na lang at kahit na hindi siya tunay na kadugo ni Aling Pacita ay minahal siya nito. Ginawa nito ang lahat upang mabigyan siya ng maayos na buhay at kahit na pa nagtitinda lamang ito ng kakanin ay nagawa siya nitong pagtapusin sa kolehiyo.

Pagkatapos, ngayong sinuwerte siya sa buhay ay nagbabalik ang kaniyang ina at nakikiusap itong patawarin niya! Ngunit gustong umasa ni Andrea na totoo ang ipinapakita nito, kaya naman tinanggap niya ang pag-aaya nitong makipag-usap.

“Anak, patawarin mo ako sa mga naging kasalanan ko sa ’yo noon. Hindi ko naman talaga balak na iwanan ka na lang, kaya nga isang taon matapos kitang iwan kay Aling Pacita ay binalikan kita upang kunin… ngunit ayaw ka niyang ibigay sa akin,” umiiyak na anito sa kaniya. Gusto namang mapailing ni Andrea dahil sa narinig. Lingid kasi sa kaalaman nito ay malinaw niyang naaalala ang totoong nangyari noon, kahit pa apat na taong gulang pa lamang siya nang mga panahong iyon.

Totoong bumalik nga ang kaniyang ina, ngunit hindi para kunin siya. Bumalik ito upang hingian ng pera si Aling Pacita, kapalit ng habambuhay na karapatan nito sa kaniya. Ganoon pa man ay ipinagpatuloy ni Andrea ang pakikinig sa inang nagluwal sa kaniya. Napakarami pang kasinungalingan ang sinabi nito sa kaniya na tinatanguan lang niya kahit pa alam naman niya ang totoo.

“Alam n’yo, mama, masayang-masaya talaga ako na nandito na kayo at handa akong tanggapin bilang anak. Kaya lang, gusto ko sanang ibalita sa inyo na hindi naman totoo ang balitang nakarating sa inyo. Hindi po totoong nanalo ako sa lotto, dahil hindi naman ako tumataya roon. Pero, ngayon pong nandito ka na, mama, p’wede bang suportahan mo muna ako habang naghahanap pa ako ng trabaho? Matanda na kasi si Inay Pacita at hindi na niya ako mabigyan ng pera.”

Sa sinabing iyon ni Andrea ay bigla na lang nagbago ang ekspresyon ng kaniyang ina. Kung kanina ay maamo ang mukhang iniharap nito sa kaniya, ngayon ay nakakunot na at tila nagagalit!

“Ano kamo?!” malakas at galit na tanong nito. “Nagsayang lang pala ako ng oras dito! Akala ko, ikaw ang magbibigay sa akin ng pera, ’yon pala ay ako pa ang hihingian mo? Inutil ka! Kahit kailan ay wala akong pakinabang sa ’yo kaya iniwan kita!” tumayo na ang kaniyang ina at walang lingon-likod na iniwan siya.

Napailing na lamang si Andrea at natatawang umuwi na lamang din sa itinuturing niyang tunay na ina. Mabuti na lang at ipinakita na ni Teresa agad ang tunay nitong ugali sa kaniya at hindi na kinailangan pang mahirapan ni Andrea. Ngayon ay may dahilan na siya upang tuluyang putulin ang kung anumang kaugnayan niya.

Ibibigay niya ang ninanais niyang magandang buhay para sa kaniyang inang si Aling Pacita. Ang totoo ay nagsinungaling lamang naman siya kay Teresa tungkol sa hindi niya pagtama sa lotto. Sinabi lamang naman niya iyon upang subukin kung totoo bang nais siya nitong kilalaning anak.

Nang mabalitaan ni Aling Teresa na nagsinungaling lamang pala sa kaniya ang anak na si Andrea ay ganoon na lang ang panghihinayang niya. Kulang na lang ay maglumuhod siya sa harap nito upang muli siya nitong bigyan ng pagkakataon, ngunit hindi na siya tinanggap pa nito.

Itinakwil siya ng kaniyang anak katulad ng ginawa niyang pang-iiwan dito noon kahit pa wala pa itong kamuwang-muwang sa mundo. Pinabayaan siya nito katulad ng ginawa niyang pang-aabandona rito upang sumama sa ibang lalaki. Ngayon ay inaani na ni Teresa ang lahat ng kaniyang kasalanan at huli na para pagsisihan niya pa iyon.

Advertisement