Inday TrendingInday Trending
Hindi Pantay ang Pagtingin ng Mag-asawa sa Kanilang mga Anak; Dahil doon ay Maglalabas ng Hinaing ang Kanilang Naietsapwera

Hindi Pantay ang Pagtingin ng Mag-asawa sa Kanilang mga Anak; Dahil doon ay Maglalabas ng Hinaing ang Kanilang Naietsapwera

“’Ma, may pupuntahan po kami ng mga kaibigan ko bukas,” pagpapaalam ng panganay na kapatid ni Candys sa kanilang ina.

“Saan ang punta n’yo? Siguraduhin mong makakauwi ka bago magdilim, ha?” malambing namang anang kanilang ina sa kaniyang ate. Nakaramdam ng inggit si Candys dahil doon. Kanina lang kasi ay nagpaalam din siya sa kaniyang ina na gagawa siya ng project sa bahay ng kaniyang kaklase ngunit hindi siya pinayagan nito.

“Ang daya naman! Si ate, gagala lang naman pero pinayagan! Samantalang ako na gagawa ng project, ayaw?!” pabulong na sabi ni Candys sa kaniyang sarili.

Nagtungo na lamang siya sa kaniyang kwarto at doon nagmukmok. Iba ang trato sa kaniya ng kaniyang mga magulang simula noong siya ay bata pa, pero kahit na matagal na niya iyong nararamdaman ay hindi pa rin siya nasasanay. Isang araw, pagkagaling ni Candys sa eskwelahan ay nakarinig siya ng impit na pag-iyak galing sa kwarto ng kaniyang ate. Inilapit niya ang kaniyang tenga sa may upuan upang alamin kung bakit ito umiiyak.

“Pinag-aral ka namin. Ibinigay namin ang lahat ng gusto mo, ’tapos, magpapabuntis ka lang?” galit na sabi ng tinig ng kanilang ama. Napasinghap naman si Candys sa narinig kaya naman napatakbo na lang siya sa kaniyang kuwarto.

Isang taon ang nakalipas matapos tanggapin at patawarin ng kaniyang mga magulang ang kaniyang ate, ngunit matapos iyon ay lalo naman siyang pinaghigpitan ng mga ito. Ni hindi na siya makalabas ng bahay kahit may bibilhin lamang siya sa tindahan. Nasasakal na si Candys sa ginagawa ng kaniyang magulang. Sinusubukan naman niyang intindihin ang mga ito ngunit habang tumatagal ay nahihirapan na siya.

Hindi makapag-focus si Candys sa pagre-review nang araw na iyon. Kahit na anong gawin niyang pagbabasa ay walang pumapasok sa isip niya. Kinabukasan tuloy ay wala siyang maisagot sa kanilang pagsusulit. Pag-uwi ng bahay ay nararamdaman na niya na makatatanggap siya ng panenermon mula sa mga magulang, kaya inihanda ni Candys ang kaniyang sarili sa mariririnig mula sa mga ito.

“Sa wakas ay dumating na ang pinakamagaling mong anak!” galit na galit na pagkakasabi ng ina ni Candys sa kaniya.

“Puro pagboboypren din siguro ang inaasikaso mo kaya ka bumagsak, ano? Tumawag sa amin ang teacher mo!” sabat naman ng kaniyang ama.

Dahil sa inis ni Candys sa naging pagbungad ng mga ito sa kaniya ay hindi na niya napigilan sumagot sa kaniyang mangulang. “Edi sana, kayo na lang ang nag-aral!” pabalang na sagot niya sa mga ito.

Ngunit isang malakas na sampal ang inabot niya sa ama dahil doon. Nagulat naman ang ina ni Candys dahil sa nagawa ng kaniyang asawa. Ang dalaga naman ay tumakbo papasok sa kaniyang kuwarto at doon siya nag-iiyak.

Buong araw na hindi lumabas si Candys sa kaniyang kuwarto kaya naman maya-maya ay pinuntahan na siya ng kaniyang ina. Pagkapasok nito sa kwarto ni Candys ay nahuli siya nitong sinasaktan ang kaniyang sarili!

Halos mapasigaw ito habang nagmamadaling pinigilan siya sa kaniyang ginagawa! Tinawag din nito ang kanilang mga kasama sa bahay.

“Tigilan mo nga ’yan, Candys! Ano ka ba!” pigil nito sa kaniya.

“Tutal naman ay hindi n’yo ako maitrato nang tama, ako na lang ang gagawa nito sa sarili ko! Ito naman ang gusto n’yo, hindi ba? Ang masaktan ako?” sagot pa ni Candys sa kaniyang ina.

“Ano ba ang sinasabi mo, Candys? Hindi ka na ba maaaring pagsabihan? Ibinibigay naman namin ang gusto mo, a!” Malakas din ang tinig ng kaniyang ina.

“Hindi! Alam n’yo bang ilang araw na akong nagre-review? Sinusubukan ko naman, e, pero wala talagang pumapasok sa utak ko, ’tapos sampal pa ang matatangap ko sa inyo? Noong si ate ang nabuntis, hindi n’yo man lang napagbuhatan ng kamay. Ingat na ingat pa nga kayo sa kaniya, e!” paglalabas pa ni Candys ng hinaing sa kaniyang ina.

Dahil doon ay tila ba natauhan ang kaniyang ina, maging ang kaniyang amang wala ring nagawang sabihin nang marinig ang mga sinabi niya. Nang mga sandaling iyon ay hinayaan nila siyang maglabas ng sama ng loob hanggang sa halos masabi na niya ang lahat ng mga pagkukulang nila sa kaniya.

Napahagulhol na lamang sa iyak ang kaniyang ina, dahil napagtanto nitong tama siya. Napakalaki nga ng pagkukulang nila sa kaniya. Agad nilang pinagsisihan ang mga nagawa nila sa anak kaya naman simula noon ay bumawi sila. Napagtanto rin nilang napakahalaga talaga ng pantay-pantay na pagtingin ng mga magulang sa kanilang mga anak upang hindi kailanman magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng tahanan at iyon ang lagi nilang tatandaan.

Advertisement