
Nang Makakuha ng Mababang Marka sa Pagsusulit ay Pinarusahan Niya ang Sarili; Isang Malaking Reyalisasyon pala ang Matututuhan Niya dahil Doon
Naging mahirap ang pinagdaanan ng pamilya ni Ana matapos siyang iwan ng asawang lulong sa ipinagbabawal na gamot. Dahil doon ay wala siyang katuwang sa pagsuporta sa pag-aaral ng kaniyang limang mga anak na sina Jerry, Johnny, Jane, Jessica at Jericho.
Nag-uumpisa pa lamang si Ana sa kompanyang pinagtratrabahuhan niya kaya naman hindi pa siya nakasasahod mula rito. Ang ulam na kinakain ng mga anak niya ay utang lang galing sa tindahan ni Aling Josie.
“Wala muna kayong baon ngayon linggo, mga anak. Sa susunod na linggo pa ang sahod ko, e,” malungkot na ani Ana sa mga anak niya.
“Okay lang po, ’ma. Nagpapagawa naman ng kabinet sa akin si Aling Ising. Ang suswelduhin ko roon, pambaon na lang namin,” ang maalalahaning sagot naman ng kaniyang panganay na si Jerry. Nagpasalamat si Ana sa kaniyang anak dahil naiintindihan nito ang sitwasyong dinaranas ng pamilya nila ngayon. Mabuti na lang at nang makasahod siya ay naging mas maayos na ang kanilang pamumuhay, kahit papaano.
Napag-isip-isip niya na magpatayo na lamang ng maliit sari-sari store galing sa kaniyang sahod, upang kahit papaano ay may iba pa silang pagkukunan ng kita. Malugod naman itong inasikaso ng kaniyang mga anak kaya napalago nila ito hanggang sa makapagtapos na ng highschool ang dalawa sa mga ito. At hindi lang basta nakapagtapos dahil humakot ng napakaraming award sina Johnny at Jerry na naging dahilan upang makakuha sila ng scholarship sa kolehiyo.
Nang taong iyon ay nakuha rin ni Jane, ikatlong anak ni Ana, ang pinakamataas na parangal at ganoon din ang bunsong si Jericho na kahit nasa elementarya pa lang ay talaga namang napakahusay na. Bagay na ikinainggit naman ng pang-apat niyang anak na si Jessica. Hindi kasi ito ’singtalino ng kaniyang mga ate at kuya ngunit nahihiya siyang aminin iyon sa ina. Gustong-gusto pa naman nitong maging proud din sa kaniya ang kaniyang ina.
Dahil doon ang nagpursiging mag-aral pa nang mas maigi si Jessica upang matapatan ang mga kapatid. Napapabayaan na ni Jessica ang kaniyang sarili dahil madalas ay nagpapalipas siya ng gutom para lang hindi mawaglit sa ginagawang pag-aaral, gabi-gabi. Palagi rin itong puyat at halos wala nang tulog.
Nang matapos ang kanilang pagsusulit ay ganoon na lang ang panlulumo ni Jessica nang malamang hindi pa rin ganoon kataas ang nakuha niyang marka. Hindi iyon matanggap ni Jessica kaya bilang parusa ay ginutom niya ang sarili at mas pinag-igi ang kaniyang pagre-review lalo pa at may natitira pa siyang pagsusulit. Napansin naman ni Ana ang ginagawa ng anak kaya naman nag-aalala niya itong kinausap.
“Anak kumain ka na, kahapon pa kita hindi nakikitang kumakain.” Ipinaghanda na ni Ana ang kaniyang anak ng pagkain upang hindi na ito makatanggi.
Ngunit hindi lumalabas si Jessica ng kwarto kaya sinilip niya ito. Ganoon na lang ang taranta ni Ana nang maabutang nakahandusay ang anak sa sahig ng kuwarto nito! Agad siyang humingi ng tulong upang madala niya agad ito sa ospital.
Labis ang pag-aalala ni Ana kay Jessica, lalo na nang sabihin ng doktor na ang sanhi ng kawalan nito ng malay ay ang matinding puyat at pagpapalipas ng gutom. Dahil doon ay hindi siya umalis sa tabi ng anak. Dumating din ang ibang kapatid ni Jessica sa ospital upang magpakita ng suporta.
Nang magising si Jessica ay nagulat siya nang makitang nasa ospital siya base sa mga aparatong nakapalibot sa kanila. Bukod doon ay naroon din ang kaniyang buong pamilya kaya naman napahagulhol na lang siya.
“Mama, pasensiya na po kung imbes na maging proud kayo sa akin ay naging perwisyo pa ako,” umiiyak na paghingi niya ng paumanhin sa ina.
Hinawakan naman nito ang kamay niya bago ito nagsalita. “Proud ako sa ’yo, anak. Isa kang mabuting bata. Kahit kailan ay hindi sumakit ang ulo ko sa inyong magkakapatid. Hindi ninyo kailangang patunayan ang sarili n’yo sa akin. Huwag mo nang uulitin ito, ha? Basta tandaan mo lang, ibigay mo ang lahat ng makakaya mo ngunit huwag mong pilitin ang hindi mo kayang gawin,” paalala pa ni Ana na ikinangiti naman ni Jessica.
Napagtanto niya na kahit na hindi siya singtalino ng kaniyang mga kapatid ay masuwerte pa rin siya dahil mahal na mahal siya ng kanilang ina. Bagay na ipinagpapasalamat niya sa Diyos.