
Sinorpresa ng OFW ang Kaniyang Pamilya sa Biglaan Niyang Pag-uwi; Siya pala ang Magugulat sa Aabutan Niya sa Kanilang Tahanan
Nangibang bansa ang ama nilang si Alberto upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, lalong-lalo na ng mga anak niyang sina Shane at Shiro. Magpapasko na at nasasabik na ang dalawang bata hindi dahil sa laruang matatangap nila, kung hindi dahil pauwi na ang kanilang amang halos tatlong taon na nilang hindi nakikita.
“Tatlong linggong tulog na lang, Shiro, makakauwi na si tatay!” sabi ni Shane sa kapatid habang tumatalon-talon sa tuwa.
“Oo nga. Mabuti na lang at uuwi na si tatay. Ang tagal na nga no’ng huling nagpasko tayo nang magkakasama, e,” sagot naman nito.
“Huwag na nga kayong umasang uuwi pa ang tatay n’yo!” galit na singit naman ng kanilang inang si Aling Alma. Magmula kasi nang umalis si Alberto sa Pilipinas ay may kinikita na itong ibang lalaki. Hindi iyon alam ni Alberto. Pattuloy pa rin ang pagbibigay niya ng sustento sa kaniyang mga anak at inaasahang sa kaniyang pag-uwi ay magiging masaya ang kaniyang pamilya.
Tumawag si Alberto sa Pilipinas upang ipaalam sa kaniyang asawa na pinayagan siyang umuwi ng kaniyang amo sa Pilipinas.
“Hello po? Sino po kayo?” Si Shane ang nakasagot sa tawag ng ama.
“Shane, anak! Si papa ito! Uuwi na ako diyan ng mga December, anak ko!” nakangiti namang pagbabalita ni Alberto sa anak.
“Yehey! Papa, hihintayin ka namin ni Shiro.” Maririnig sa boses ni Shane ang kasabikan nito.
“Nasaan nga pala ang mama mo?” maya-maya ay naitanong ni Alberto.
“Umalis po sila, pumunta po sa mall,” sagot naman ni Shane.
Ipinagtaka naman ni Alberto kung bakit iniwan ni Alma ang mga bata. “Sino’ng kasama n’yo riyan? Sino’ng kasama ng mama n’yo?”
“Kami lang pong dalawa ni Shiro dito… kasama naman po ni mama si—“ naputol ang sasabihin ni Shane nang biglang tawagin si Alberto ng kasamahan niya sa trabaho.
“Alberto, tapos na ang break. Balik na tayo sa trabaho!”
“Sige, susunod na ako. Shane, anak, mag-iingat kayong dalawa riyan ni Shiro, ha? ’Wag kang maingay sa mama mo na uuwi na ako. Isu-surprise natin siya. Bye na, anak.” Tinapos agad ni Alberto ang tawag matapos niyang sabihin iyon.
Dahil sa bilin ng kaniyang ama ay hindi sinabi ni Shane na nalalapit na ang araw ng pag-uwi ng kaniyang ama. Maya-maya lang ay dumating na si Alma kasama ang bagong kinakasama nitong si Michael. Maraming ipinamiling damit si Alma ngunit ni isa ay wala itong binili para sa mga anak.
“Shane, linisin mo ang kwarto. Dito na titira ang Tito Michael n’yo simula ngayon!” utos ni Alma sa daawa niyang mga anak.
“Paano po si papa?” tanong naman ni Shane sa ina.
“’Yang tatay n’yo, wala nang balak umuwi ’yan, kaya ’wag na kayong maghintay! Iyong inuutos ko ang intindihin n’yo!” gusto sanang umalma ng bata ngunit sa takot na mapagalitan pang lalo ng ina ay sinunod na lamang niya ito.
Matapos ang dalawang linggo ay sabik na si Alberto, dahil malapit na niyang makita ang pamilya niya. Naglalakad siya sa subdibisyon kung saan niya pinatayo ang kanilang bahay. Marami siyang dalang pasalubong para sa mga bata at balak na sana niyang hindi bumalik sa ibang bansa at magtayo na lang ng negosyo rito sa Pilipinas.
Hindi na kumatok si Alberto para isurpresa sana ang asawa niya, ngunit siya ang nasorpresa nang mahuli niya ang asawang si Alma na may kayakap na ibang lalaki! Dahil sa galit ni Alberto ay lumapit siya sa dalawa’t pinagsusuntok ang lalaki. Pinigilan naman ni Alma si Alberto.
Mabuti na lamang ay tinigilan na ni Alberto si Michael dahil narinig niya ang pagtawag sa kaniya ng mga anak niya.
“Bakit ka pa umuwi? Masaya na kami ng mga anak ko!” sigaw sa kaniya ni Alma.
“Pagkatapos kong ibigay lahat ng gusto mo? Ganito ang igaganti mo sa akin? Mahiya ka naman Alma! Sa harap pa ng mga anak natin!” galit na galit na sabi ni Alberto sa asawa.
“Aalis na ako rito! Pagod na akong pagsilbihan ka pati ’yang mga anak mo!” hiyaw naman ni Alma na para bang hindi niya anak ang mga batang tinutukoy niya. Tuluyan nang umalis si Alma at iniwan kay Alberto ang dalawang anak.
“Papa, nandito po kami,” sabi ni Shane sabay yakap sa umiiyak na ama.
Imbes na panghinaan ng loob si Alberto sa ginawa ng kaniyang asawa ay nagkaroon pa siya ng lakas na mas maging matatag. Nagpaskong magkakasama ang mag-aama. Hindi naman nila naramdam na kulang ang kanilang pamilya dahil ginawa ni Alberto ang lahat upang malibang sila.
Makalipas ang isang taon ay lumago ang negosyong ipinatayo ni Alberto at nakalipat sila sa mas magandang bahay. Sinubukan naman ni Alma na bumalik kay Alberto matapos siyang iwan ni Michael para sa ibang babae, ngunit umayaw na si Alberto. Hinahayaan pa rin naman niyang makita ng mga bata ang kanilang ina.
Labis ang naging pagsisisi ni Alma sa pang-iiwan niya sa pamilya ngunit hindi iyon sapat para makalimutan nila ang kasalanan niya. Ngayon ay kailangan niyang muling makuha ang loob ng mga anak na talaga namang malaki ang galit sa kaniya dahil sa kaniyang nagawa at siguradong hindi iyon magiging madali para sa kaniya.