Naging Tampulan ng Tukso ang Lalaki, Ngunit Taas Noo niyang Tinanggap ang Bansag sa Kaniya sa Eskuwela: Si Larry, ang Babysitter na Siga

“Sisiga-siga rito sa school, iyon pala, taga-alaga lang ng bata sa kanila!”

Isang pasaring ang narinig ni Larry sa kaeskuwela at dating kabarkadang si Ken.

“Anoʼng sinasabi mo?” takang pangungompronta naman ni Larry dito.

“Wag ka na ngang magmaang-maangan, pare. Hindi mo ba alam na nakita ka naming nagpapalit ng diaper ng kapatid mo noʼng dinalaw ka namin kahapon sa inyo para ayain kang mag-basketball?” May pangungutya sa tono ng mga salita nito na sinabayan pa ng halakhak. Kasama nito ang ilan pa sa iba rin nilang mga kabarkada.

“Oo nga, pare. Kilala kang maton dito sa campus tapos babysitter ka lang pala sa inyo?” pang-aasar pa ng isa.

“Ang lakas ng loob mong mag-angas-angasan, pare, e hanggang doʼn ka lang pala. Ngayon mo kami yabangan nang makita mo kung ano ang hinahanap mo!”

Napakunot ang noo ni Larry sa mga narinig mula sa dating mga kaibigan. “Kailan ba ako nag-angas sa inyo? E, kayo nga lang naman itong maaangas at mga bully,” sagot niya sa mga ito.

“Hindi ba at ikaw ang umaawat sa pakikipagbasag-ulo? Kami naman, natakot noon dahil akala namin, siga ka talaga. ʼYon pala, malamya ka!” satsat naman nila.

Advertisement

Si Larry kasi ay kilala bilang isa sa mga student council ng kanilang campus at nakatalaga siya sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa kanilang paaralan. Kaya naman palaging siya ang tinatawag ng mga kapwa estudyanye niya sa tuwing may mga nagkakagulo at siya ang sumasaway sa kanila.

Malaki kasi ang katawan ni Larry. Bukod pa roon ay matangkad siya at talagang nakakatakot kung titingnan, laloʼt karamihan sa mga binatilyo sa campus ay mga patpatin pa.

“Ngayon mo kami hamunin, Larry, the babysitter. Simula ngayon, wala nang makakasaway sa amin! Hinding-hindi na kami matatakot sa ʼyo!”

Matapos ang sinabing iyon ng isa sa mga dati niyang kabarkada ay tinangka siya nitong lapitan upang suntukin, ngunit mabilis lamang na nakailag si Larry. Pagkatapos iyon ay humalakhak siya.

“Wala akong pakialam kung kutyain ninyo ako dahil nakita ninyong inaalagaan ko ang kapatid ko…” Hinawakan niya ang kamao ng kaeskuwela at initsa ito palayo. “Pero huwag nʼyo akong subukang saktan. Hindi ako magpapatalo!”

Nagkainitan na silang mga dating magbabarkada. Ngayon lamang kasi nalaman ni Larry na may lihim palang galit sa kaniya ang mga ito dahil palagi niya silang sinasaway sa kanilang mga kalokohan kahit pa magkakaibigan sila. Hindi naman sila makapalag noon dahil natatakot sila sa kaniya.

Mabuti na lamang at dumating ang kanilang guro, dahil taob na sa sahig ang tatlong kasuntukan ni Larry. Ang totoo ay dinepensahan nga lamang naman niya ang kaniyang sarili dahil pagtutulungan siya nitong tatlo at maraming testigo sa pangyayari. Isa pa, kilalang bully ang mga ito. Nagbago lamang simula nang maging kasapi ng studentʼs council si Larry.

Taas-noo si Larry. Hindi siya nahihiya sa nakita at nalaman ng mga ito, dahil proud siyang isa na siyang kuya sa ngayon. Halos ayaw niya ngang alisin sa tabi ang bagong silang niyang kapatid na babae at handa siyang alagaan ito, ipagtimpla ng gatas at palitan ng diaper. Matagal nilang hiniling sa panginoon ang kapatid niyang ito, laloʼt ito ang muling nagsalba sa pasira na sanang relasyon ng kaniyang mama at papa. Itinuturing ni Larry na suwerte ang kapatid niya na siyang muling naghatid ng tuwa sa kanilang tahanan, kaya bakit siya mahihiyang ipangalandakang inaalagaan niya ito?

Advertisement

Naging tampulan man ng tukso si Larry sa kanilang eskuwelahan ay marami pa rin ang humanga sa kaniya dahil proud na proud pa siyang tawaging babysitter. Katuwiran niya ay totoo naman at wala namang masama roon!

Hindi nakabawas sa kaniyang pagkatao o pagkalalaki ang pagmamahal sa kaniyang kapatid, at dahil doon ay mas lalo siyang iginalang at hinangaan ng karamihan lalo na ng kaniyang mga guro.

Samantala, proud na proud naman ang mga magulang ni Larry sa kaniya lalo na nang malaman ng mga itong hindi lamang sa pagiging student council magaling si Larry. Nage-excel din ito sa academics!

Madalas pa rin siyang makarinig ng mga pasaring lalo na sa mga kapwa kalalakihan, ngunit hindi na niya pinapansin ang mga iyon. Nangako pa nga si Larry sa kaniyang sarili na hanggang sa paglaki ng kanilang munting prinsesa ay hindi niya ikahihiyang minsan siyang naging sigang babysitter nito.