Nakipagkita Upang Makipaghiwalay ang Dalaga sa Kaniyang Nobyo, Nang Bigla Itong Magyayang Magpakasal; Mapilitan Kaya Siya?

“Will you mary me, Silvia?”

Nabigla si Silvia sa biglaang pagluhod ng boyfriend niyang si Nelson. Hawak-hawak nito ang isang singsing at inaalok siya ng kasal! Nasapo niya ang kaniyang bibig at nanlaki ang kaniyang mga mata.

Kumakain sila sa isang fastfood chain nang bigla nitong gawin iyon. Ngayon ay hindi alam ng dalaga ang kaniyang gagawin.

Sa katunayan ay inaya ni Silvia si Nelson na kumain sila sa labas upang makipag-usap dito nang masinsinan; gusto na kasi niya itong hiwalayan. Paanoʼy nasasakal na siya sa trato ni Nelson sa kaniya. Daig pa niya ang alipin nito. Hindi na siya masaya sa kanilang relasyon kaya gusto na sana niyang kumawala rito, ngunit anong naisipan nito at ginawa nito ang ginagawa nito ngayon?!

Nagmasid si Silvia sa paligid. Halos lahat ng mga tao sa sikat na fastfood chain ay nakatingin na sa kanila ngayon. Mga nakangiti, kinikilig at may inggit sa mga mata ng karamihan sa mga babaeng naroon din ngayon. Ang iba ay kumukuha pa nga ng video sa nagaganap na eksena!

Gusto nang umiyak ni Silvia nang mga sandaling iyon. Ang akala niyaʼy masayang makaranas nito sa totoong buhay, dahil laging sa teleserye lamang niya napapanood ang mga ganitong eksena, ngunit hindi pala.

Isa lang ang nakikita niyang dahilan kung bakit; iyon ay dahil matagal na siyang walang nararamdaman kay Nelson. Simula pa nang una siya nitong saktan nang pisikal at emosyonal ay unti-unti nang lumayo ang loob niya sa nobyo. Ang dahilan naman kung bakit hindi siya kaagad nakawala rito ay dahil sa pagbabanta nitong gagawan siya nito ng masama kung siya ay makikipaghiwalay.

Halos ilang buwang tiniis ni Silvia ang pagtatamo ng pasa, sugat at mga gabing hindi siya pinatutulog ng masasakit na salita sa kaniya ni Nelson na paulit-ulit na tumatakbo sa utak niya… pagkatapos ngayon, hindi pa rin siya makakawala!

Advertisement

Tahimik na nagdarasal si Silvia kung ano ang dapat niyang gawin sa mga sandaling ito. Siguradong kapag tinanggihan niya ang alok na kasal ni Nelson ngayon ay siya ang lalabas na masama.

Mapanghusga ang mga tao. Karamihan sa mga ito ay mahihilig makisawsaw sa buhay ng iba, kahit hindi naman nila alam ang totoong kuwento. Para sa kanila, kung sino lamang ang makita nilang kawawa ay iyon na ang tama. Hindi sila nag-iisip na baka may malalim na dahilan ang mga bagay na nangyayari, lalo na kapag kalat na ito sa social media.

“Ate, mag-yes ka na!”

“Ate, ang sweet ng boyfriend mo. Huwag mo nang pakawalan! Sana all!”

“Naku, ateng, bakit ang tagal mong sumagot?”

Tila binibingi si Silvia ng mga salitang iyon na naririnig niya sa mga taong nagchi-cheer sa kaniya na sagutin na ng oo si Nelson. Tinitigan naman niya ang nobyo at kinilabutan siya nang mapansing matalim na ang mga titig na ipinupukol nito sa kaniya.

Imbes na kilig ay takot ang lumulukob ngayon sa kaniyang puso. Takot na baka kapag tumanggi siya ay muli siyang saktan nito.

Nang mga sandaling iyon ay hindi na napigilan pa ni Silvia ang mag-break down. Napaluhod siya habang humahagulhol at umiiling bilang sagot sa alok ni Nelson.

Advertisement

“Ayoko, Nelson, please pakawalan mo na ako. Huwag mo akong sasaktan!” aniya dulot ng panic na na kaniyang nararamdaman.

Nagulat ang mga tao at nagsimula na ang bulong-bulungan. Nasa ganoon siyang sitwasyon nang biglang dumating ang kaniyang mga kaibigang sina Leslie, Gia at Lara. Ang tanging mga nakakaalam ng pinagdaraanan ni Silvia sa malupit niyang nobyo.

“Silvia, ayos lang na tumanggi ka! Ayos lang. Wala kang dapat ikahiya!” Dinig ng mga tao ang sigaw na iyon ni Gia.

“Hindi karapat-dapat si Nelson sa oo mo! Sinasaktan ka niya, hindi ba? Lumabas na ang result ng medico legal na ipinagawa natin. Makakapag-file na tayo ng kaso sa boyfriend mo!” singit pa ni Leslie sa galit na tono sabay pukol ng masamang tingin kay Nelson.

Ang lalaki naman ay biglang nahintakutan sa mga narinig sa kaibigan ni Silvia. Agad itong nagtatakbo palabas, habang ang mga taong nasa fastfood chain ay nagsimula na ring i-cheer si Silvia upang lumaban.

Simpleng marriage proposal na nauwi sa mas malalim na katotohanan. Agad na nag-viral ang kuwentong iyon ni Silvia at nakatanggap siya ng napakaraming pagsuporta mula sa mga taong nakaalam ng kaniyang kuwento, habang si Nelson naman ay matagumpay nilang naitulak sa likod ng mga rehas para sa kaniyang pagiging mapanakit ang abusadong nobyo.