Huli sa Akto ang Lalaki Habang Pinagmamalupitan Nito ang mga Alaga niyang Hayop; Himas Rehas ang Kaniyang Inabot

Pumailanlang na naman sa ere ang iyak ng alagang aso ni Carlo. Paharang-harang na naman kasi ito sa kaniyang daraanan, kaya muli na naman niya itong nasaktan.

Halos hindi malaman ng alaga niyang si Batik, kung saan ito susuot upang magtago mula sa kalupitan ni Carlo, dahil alam nitong hindi pa siya tapos sa pananakit sa hayop.

“Magtatago ka pang askal ka, ha?!” gigil na gigil pang sabi ni Carlo sa hayop habang naghahanap ng bato upang ipukol dito. Nang siyaʼy makapulot na ay agad niyang binato ang alagang si Lucky. Tatakbo ang aso palayo, habang si Carlo naman ay tuwang-tuwa pa.

Nang tumakbo si Lucky, humanap naman siya ng ibang mapagbubuntungan ng galit at nakita niya ang isa pa sa mga askal na naroon laman naman at nananahimik sa isang tabi sa kaniyang bakuran. Nilapitan niya ito at hinampas ng nakuha niyang patpat!

Ang totooʼy hindi naman talaga siya ang amo ni Lucky at ng iba pang hayop na sa bahay niya ngayon nakatira. Mga alaga ito ng dati niyang kinakasama na sumama sa iba, kaya sa mga ito niya ibinubunton ang kaniyang galit. Sa katunayan, ang iba sa mga itoʼy hindi na kinaya ang matinding sakit ng pagmamalupit ni Carlo. Bumigay na ang kanilang mga katawan ay isa-isang nagsipanaw.

Samantala, ang askal na si Lucky ay isa lang ang lugar na tinakbuhan. Iyon ay ang lugar kung saan alam niyang siya ay maaalagaan at hindi pagmamalupitan. Kay Rick, ang animal lover na kapitbahay ni Carlo.

“Anoʼng nangyari sa ʼyo, Lucky?” gulat na bulalas ni Rick nang makita si Lucky na sugatan ang nguso dahil sa pagtadyak ni Carlo rito kanina. “Ano na naman ang ginawa sa ʼyo ng amo mo?!” Agad siyang nilukob ng galit.

Napailing na lamang si Rick sa sinasapit ng mga alaga ni Carlo sa kaniya. Sagad na sagad na siyang masaksihan ang mga ganoong kalokohan ng kaniyang kapitbahay.

Advertisement

Dahil doon ay ipinasya na niyang gawin ang isang bagay na dapat, noon niya pa ginawa.

Pinukpok ni Carlo ang isa pa sa kaniyang mga alaga, dahil nagulat siya nang tumahol ito. Ngayon ay nag-uungot naman sa sakit ang naturang hayop, at iyon ang sitwasyong naabutan ng mga autoridad na rumesponde sa report ng kapitbahay niyang si Rick for animal ab*se.

“Ikaw ba si Carlo Magsinay?” tanong ng pulis na nakahuli sa aktong pananakit ni Carlo sa kaniyang alaga.

Dahil sa sobrang pagkabigla ay tango na lang ang naisagot ni Carlo sa pulis. Hindi niya inaasahan ang pagbisita ng autoridad sa kanilang compound.

“May isang concerned citizen na nag-report tungkol sa animal cru*elty na nangyayari rito, at huling-huli ka nga sa akto.”

Dahil doon ay agad na naaresto si Carlo.

Ayon sa batas ay maaaring makulong mula anim hanggang labing dalawang taon si Carlo kapag napatunayang nagkasala siya at pagmultahin ng hanggang isang daang libong piso. Malaki ang tyansang mangyari nga ito laloʼt ipinadala ni Rick sa mga pulis ang compilation ng kaniyang mga nakuhang video habang ginagawa ni Carlo ang ilan pang pagmamalupit sa mga alaga nitong hayop. Lingid sa kaalaman ni Carlo, palaging nakabantay sa kaniya si Rick simula nang minsan nitong masaksihan ang kalupitan niya sa kaniyang mga alaga. Bawat sipa, hampas, pukpok, tadyak at pagmamalupit niya ay nasasaksihan ng kaniyang kapitbahay at labis itong nasasaktan dahil doon. Minsan ay iniiyakan pa ni Rick ang kaniyang mga nakikita dahil talagang malambot ang puso niya sa mga hayop na dapat ay minamahal at hindi pinagmamalupitan. Naisipan nitong kuhanan siya ng video bilang ebidensiya sa kaniyang mga ginagawang kasalanan, at ngayon ngaʼy nagkalakas na ng loob si Rick na i-report siya.

Nanlumo si Carlo. Hindi niya alam na ganoom pala kabigat ang maaari niyang maging parusa dahil sa kaniyang mga ginawa.

Advertisement

Ngunit hindi pa roon nagtatapos ang kaniyang paghihirap. Nang siyaʼy mapunta sa likod ng rehas, unti-unti niyang naranasan kung ano ang nararamdaman ng mga hayop na pinagmalupitan niya. Halos araw-araw ay palagi siyang may latay sa katawan, may mga sugat at pasa dulot ng pagmamalupit ng kapwa niya mga preso. Halos tratuhin siyang hayop ng mga ito sa loob at iyon ang hindi kinaya ni Carlo.

Nagsisi siya sa kaniyang mga ginawa, ngunit huli na, dahil ngayon ay kaniya nang pagbabayaran ang mga kasalanan niya.