‘Engot’ ang Tawag ng Apo sa Ulyanin Niyang Lola; Napaluha Siya Dahil Mayroon Pala Itong Hindi Kayang Kalimutan

Setenta y siyete anyos na si Lola Sarah kaya nag-uulyanin na ang matandang babae. May mga nakakalimutan na itong gawin gaya na lamang ng simpleng pagsusuklay ng buhok, pagpapalit ng damit at pagligo kaya ang apo nitong si Danica ang palaging nagpapaalala rito ng mga dapat gawin.

“Lola, baka makalimutan mo na namang maligo ha? Mangangamoy ka niyan!”

“Huwag mo nang ipaalala iyan sa akin at hinding-hindi ko nakakalimutan ang paliligo,” sagot ng matanda.

Ngunit sumapit ang alas-sais nang gabi ay hindi pa rin ito nakakapaligo. Nakalimutan na naman ni Lola Sarah na maligo sa tamang oras.

“Sabi na nga ba, nakalimutan mo na namang maligo. Ang ‘engot’ mo kasi, lola, eh!” inis na sabi ni Danica.

Silang dalawa lang na mag-lola ang naiiwan sa bahay dahil parehong nagtratrabaho ang mga magulang ni Danica. Mabuti na lamang at wala silang klase at nasa bakasyon ang mga estudyante kaya nababantayan niya ang kaniyang lola. Umuwi muna sa probinsya ang tiyahin niya na kapatid ng kaniyang ama na kasama rin nila sa bahay para bisitahin ang lupang sakahan nila roon.

Hindi naman maiwasan ni Danica na mainis sa kaniyang lola lalong-lalo na pag nakakalimutan nito ang mga simpleng paalala kaya ‘di niya mapigilan ang sarili na tawagin itong ‘engot’. Minsan kasi ay napapagod na rin siya na magpaaala rito. Wala namang ginawa ang lola niya kundi ang makalimot ng mga bahay-bagay kaya gigil na gigil siya rito. Kahit ang pag-inom nito ng gamot ay pinaaalala rin niya. Kabilin-bilinan ng mga magulang niya na dapat ay araw-araw itong umiinom ng gamot.

“Lola, oras na po para sa pag-inom ng gamot!” sigaw niya sabay abot ng gamot sa matanda.

Advertisement

“Akin na, apo at iinom na ako ng gamot para hindi ka na magalit. Ayokong nagagalit ka sa akin, eh,” malambing na sabi ni Lola Sarah.

Isang araw, ‘di sinasadyang narinig ni Lola Sarah ang apo na may kausap sa telepono. Ang sabi ni Danica sa kausap ay ‘nagugutom’ na raw ito at gusto nang kumain ngunit hindi pa ito nakakapagluto. Ang kausap ng dalagita ay ang kaklase nito sa telepono. Nakaramdam naman ng awa ang matanda sa kaniyang apo kaya dali-daling pumunta ang matanda sa kusina. Magluluto sana ito ngunit maya-maya ay lumabas si Lola Sarah sa kusina at nagpaalam na aalis.

“Danica, apo ko, bibili lang ako ng pagkain, ha? Hindi kasi ako makapagluto kasi wala na tayong gas, eh. Saglit lang ako at babalik din ako, apo.”

“Teka, lola, magpa-deliver na lang tayo kung gayon.”

Nagmamadaling tinungo ni Danica ang kusina para tingnan kung wala na ngang gas ngunit nang i-check niya ay hindi pa pala iyon nauubos. Nakalimutan lang siguro ng kaniyang lola kung paano buksan ang tangke kaya sinabi na lamang nitong ubos na iyon.

“Naku, umandar na naman ang ka-engotan ni lola,” aniya na kakamot-kamot sa ulo.

Nang balikan niya ang matanda sa sala ay wala na ito roon.

“Lola, Lola Sarah? Naku, itinuloy rin niya ang pag-alis. Malalagot ako nito kina mama.”

Advertisement

Bumili si Lola Sarah ng lutong ulam at kanin sa karinderya ngunit habang pabalik na siya ay biglang sumumpong ang pagiging ulyanin niya. Nakalimutan niya ang daan pauwi sa kanila.

“Paano ako makakauwi? Hindi ko maalala kung saan ako nanggaling. Siguradong gutom na gutom na ang apo ko!”

Nagtanong-tanong ang matanda sa mga taong naglalakad sa kalye kung saan ang daan patungo sa kanilang bahay.

“Mama, mama, alam mo ba kung saan ako nakatira? Maaari mo ba akong ihatid doon? Baka kasi naghihintay na ang apo ko sa akin, eh. Dala ko itong pagkain niya,” sabi ng matanda sa isang lalaki.

Saan ho ba kayo nakatira, lola? Ano’ng address ng bahay niyo?” tanong nito.

“A, eh, hindi ko maalala, eh!”

“Naku, lola, paano ko kayo matutulungan kung hindi niyo alam ang address niyo sa bahay? Mabuti pa ay sa iba na na lang kayo magtanong,” sabi ng lalaki saka nagmamadaling umalis.

Ilang beses din siyang nagtanong sa ibang tao ngunit walang nais tumulong sa kaniya. Naiiyak na si Lola Sarah, hindi niya alam kung paano pa siya makakauwi.

Advertisement

“Diyos ko, tulungan niyo akong makauwi. Baka nagugutom na ang apo ko. Wala siyang pagkain sa bahay.”

Nang dumating ang mga magulang ni Danica ay agad siyang kinagalitan ng mama niya.

“Alam mo namang ulyanin na ang lola mo. Dapat ay hindi mo siya hinayaan na lumabas,” anito.

“Tama na ‘yan! Ang mahalaga ay mahanap natin siya. Halina kayo at hanapin natin!” wika naman ng papa niya.

‘Di nagtagal ay nahanap nila si Lola Sarah. Nakita nila itong naglalakad sa kalye, palinga-linga at umiiyak. Agad nila itong nilapitan.

“Inay, ano’t naisipan niyong lumabas ng bahay? Mabuti na lamang at nakita ka namin. Sa susunod ay huwag niyo na itong gagawin, ha?” nag-aalalang sabi ng mama ni Danica.

“Oo nga, Ma. Pinag-alala niyo kami,” saad pa ng ama ng dalagita.

“S-Sino kayo? T-teka, kanina pa kasi ako naliligaw, eh. Tulungan niyo naman akong makauwi. Baka kasi nagugutom na ‘yung apo kong si Danica. Bumili ako ng pagkain para sa kaniya,” tugon ni Lola Sarah na hindi nakilala ang anak at ang manugang nito.

Advertisement

Hindi napigilan ng babae na maiyak. Alam niya na sinumpong na naman ang nanay niya ng pagka-ulyanin. Hindi na naman siya nakilala nito ngunit nang makita ng matanda si Danica ay tuwang-tuwa itong lumapit at yumakap sa dalagita.

“Danica? Danica, apo ko! Dala ko na ang pagkain mo. Binilhan kita ng pagkain kasi narinig kong sinabi mo kanina na nagugutom ka na. Ayokong nagugutom ang paborito kong apo. Sige na, kumain ka na, apo!”

Hindi na rin napigilan ni Danica ang mga luhang umagos mula sa kaniyang mga mata sa sinabing iyon ng lola niya. Napagtanto niya na marami itong nakakalimutan pati na ang mga magulang niya ngunit siya ay hindi nito nakalimutan. Ganoon siya kamahal ng kaniyang lola. Sa kabila ng pagtawag niya rito ng ‘engot’ dahil sa pagiging makakalimutin nito ay nagawa pa siya nitong alalahanin at binilhan pa siya ng pagkain sa kabila ng kalagayan nito.

Mula noon ay mas lalo pa niyang minahal ang kaniyang lola. Hindi na niya ito sinasabihan ng ‘di magandang salita sa halip ay pag-aalaga at pag-intindi sa karamdaman nito ang ginawa niya.