Panay ang Reklamo ng Ginang Dahil Hindi Siya Nabibigyan ng Relief Goods; Isang Babae sa Tulay ang Magbibigay-Aral sa Kaniya

“Ano ba iyan, hanggang ngayon, e wala pa rin kaming natatanggap na relief goods!” inis na sabi bi Aling Minerva sa mga naglilibot na tanod sa kanilang barangay. Hindi kasi niya maitago ang pagkadismaya dahil hindi pa rin sila nabibigyan ng relief goods na ipinangako ng pamahalaan matapos na maapektuhan ang kanilang lugar ng kalamidad.

Isang malakas na bagyo ang humagupit kamakailan kaya nasira ang lahat ng pananim na palay, gulay at prutas na pangunahing ikinabubuhay ng mga tao sa kanilang lugar. Wala tuloy hanapbuhay at mapagkukunan ng ipapakain sa kanilang pamilya ang ilan niyang kapitbahay.

“Kaunting tiis lang, Aling Minerva, at darating din ang mga relief goods. Hindi lang naman kasi ang barangay natin ang apektado sa nagdaang bagyo, labis ring naapektuhan ang mga mamamayan sa karatig nating barangay,” sabi ng isang tanod.

“Sus, puro kayo pangako, palagi namang napapako! Ang sabihin niyo ay may pinipili lang ang binibigyan ng tulong!” reklamo pa ng babae.

“Hindi po ganoon ang nangyayari. Pantay-pantay po ang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan sa mga taong nangangailangan. Kaunting pag-intindi lang po ang hinihiling sa inyo,” malumanay sa sabi ng tanod.

“Ewan ko sa inyo! Saka lang siguro ako maniniwala kapag nariyan na at nasa harapan ko na!” hirit pa ni Aling Minerva.

Napapailing na lamang ang mga tanod at hindi na nakipagtalo pa sa babae.

Bukod kay Aling Minerva ay marami pa sa kanilang mga kapitbahay ang nagreklamo at nagtanong kung bukod sa relief goods na ipapamudmod ay mayroon pang ibang ibibigay sa mga ito ang pamahalaan? Sinabi naman ng mga tanod na hindi naman sila papabayaan ng gobyerno at tutulungan sila para maibalik ang kanilang napinsalang kabuhayan, ‘yun nga lang ay kailangan nilang maghintay.

Advertisement

Sa bahay nina Aling Minerva ay pinagsabihan siya ng kaniyang anak na si Celine.

“Inay, hinay-hinay naman po sa pagrereklamo. Kung tutuusin ay masuwerte pa nga tayo dahil mayroon pa rin tayong maliit na tindahan na pinagkukunan natin ng ikabubuhay,” anito.

“Hay naku, hayaan mo nga ako anak sa gusto kong sabihin. Apektado rin tayo ‘no! ‘Yung mga kapitbahay natin, panay ang utang sa tindahan natin. Walang pumapasok na kita sa atin!”

“Inay, tulong mo na iyon sa kanila. Alam niyo naman na ang ilan sa kanila ay mga magsasaka na naapektuhan sa nagdaang bagyo. Nasira ang kanilang mga pananim at wala silang ibang pagkukunan ng kita. Tulong mo na sa kanila ang pagpapautang sa tindahan natin,” paliwanag ng dalagita.

“Bata ka pa nga, anak, at wala pang alam sa buhay. Ang negosyo ay negosyo, ang utang ay utang kung palaging ganyan ang gagawin ng mga iyan na pulos pangungutang ang alam ay mamimihasa ang mga iyan!”

Hindi na nakipagtalo pa si Celine sa kaniyang ina.

Isang araw, habang pauwi ang mag-ina galing sa pamilihan ay napadaan sila sa isang maliit na tulay na nagdurugtong sa pamilihan at sa kanilang barangay. Napansin ni Celine ang isang babae na nakaupo sa malaking karton sa ilalim ng tulay. Kandong-kandong naman nito ang isang batang lalaki na sa tantiya niya ay nasa apat o limang taon. Pinapakain nito ang bata ng biskwit habang pinapaypayan pa nito ng maliit na karton ang bata.

“Inay, tingnan mo ‘yung ale sa ilalim ng tulay, alam niyo po ba na hinahangaan ko ang aleng iyon dahil kahit mahirap ang buhay ay nagagawa niyang itaguyod ang kaniyang anak. Sa tuwing dumadaan po ako rito ay nakikita kong isusubo na lamang ng ale ang pagkain ay ipapakain pa niya sa kaniyang anak. Nabalitaan ko rin po na kumubli lang ang mag-ina sa malaking siwang sa pader sa ilalim ng tulay habang bumabagyo. Naisip ko na napakahirap ng kanilang kalagayan sa mga oras na iyon. Pero tingnan niyo, masaya pa rin sila at parang walang anumang nangyaring kalamidad. Inay, dapat ay magpasalamat tayo dahil may bahay pa rin tayong tinutuluyan na hindi nasira ng bagyo. Paano na lamang ang iba nating mga kapitbahay na nawalan ng tirahan at ang mag-inang iyan na walang sariling bahay?” sabi ng anak.

Advertisement

Sa winikang iyon ni Celine ay tila nahimasmasan si Aling Minerva. Napagtanto niya na tama ang kaniyang anak.

“T-tama ka, anak. Hindi dapat ako nagrereklamo, sa halip ay dapat nating ipagpasalamat sa Diyos kung anuman ang mayroon tayo. Masuwerte pa rin na mayroon tayong nakakain, may bahay na nasisilungan, at may pinagkukunan ng ikabubuhay. Patawad, anak sa mga sinabi ko,” may pagsisising sabi ni Aling Minerva.

Binigyan ng mag-ina ang babae at ang anak nito ng pagkain. Pinatira rin nila ang mga ito sa kanilang bahay. Sinuklian naman ng babae ng kabutihan ang ginawa nilang pagmamagandang loob. Tumutulong ito sa mga gawaing bahay at sa pagtitinda sa kanilang maliit na tindahan.