Pinagmalupitan at Ibinenta ng mga Amo ang Kasambahay; Suwerte pa Pala ang Matatagpuan Niya

Dalagita pa lang si Marylane ay nagsimula na siyang magtrabaho bilang kasambahay. Labandera ang kaniyang ina at karpintero naman ang ama niya ngunit kulang na kulang ang kinikita ng mga ito para sa kanilang sampung magkakapatid. Kaya bilang panganay ay napilitan siyang huminto sa pag-aaral at namasukang kasambahay. Iba-iba ang kaniyang mga pinaglingkurang amo hanggang sa mapunta siya sa malulupit na mga amo.

“Ang sabi ko sa iyo, dapat malinis na malinis ang uniporme ng asawa ko, bakit may mantsa pa ito?!” galit na galit na sabi sa kaniya ng among babae.

“Pero ma’am, ginawa ko na po ang lahat, ayaw pa ring matanggal ang mantsa,” tugon niya.

“Aba at sasagot ka pa? Wala ka talagang alam, boba, walang pinag-aralan!” sabi nito sabay inihampas sa mukha niya ang hawak nitong polo shirt. “Dahil hindi mo nagawa ang trabaho mo, hindi ka kakain! Mamat*y ka sa gutom!”

Iniiyak na lamang ni Marylane ang nararamdaman niyang gutom. Ganoon ang ginagawa sa kaniya nito kapag hindi nito nagugustuhan ang ginagawa niya. Hindi siya nito pinapakain, kaya para maibsan ang gutom niya ay umiinom na lang siya ng tubig para malamanan ang kumakalam na sikmura.

Sa kabila ng kalungkutan niya sa ginagawang pagmamalupit ng amo ay nakahanap naman siya ng isang mabuting kaibigan sa katauhan ni Lexter. Isa itong guwapo at matipunong tindero sa palengke. Naging suki na siya nito mula nang palagi na siyang inuutusan ng among babae na mamili.

“Anong klaseng pagmamalupit na naman ang ginawa sa iyo ng amo mo? Umalis ka na sa bahay ng amo mo at dito ka na lang sa prutasan ni uncle magtrabaho,” wika ng binata.

“Hindi kasi ako puwedeng basta na lamang umalis, Lexter. May pinirmahan akong kontrata sa kanila. Hindi pa tapos ang kontrata ko, baka idemanda nila ako kapag hindi ko iyon tinapos,” sagot niya.

Advertisement

“Eh, ‘di papayag ka na lang sa lahat nang pananakit at pagmamalupit nila? Tandaan mo, kahit isa kang kasambahay ay may karapatan ka ring tratuhin bilang tao.”

“Kaya ko pa naman, eh. Kakayanin ko ang lahat ng hirap para sa pamilya ko. Sa kanila na lang ako kumukuha ng lakas ng loob.”

Nang sumunod na araw, hindi naman nagustuhan ng among lalaki ang niluto niyang ulam kaya nagalit ito.

“Anong klaseng pagkain ito? ‘di ba ayokong nilalagyan ng dahon ng laurel ang adobo?” reklamo ng lalaki.

“Sir, sabi po kasi ni ma’am ay lagyan ko para mas masarap daw,” sagot niya.

“Hoy, napakasinungaling mo talagang babae ka, ang sabi ko’y huwag mong lagyan ng dahon ng laurel ang adobo dahil allergic diyan ang sir mo!” giit ng babae.

“Pero ma’am, ‘yon po ang sabi niyo sa akin kanina.”

“Tonta! At sumasagot ka pa? Bwisit ka talaga, o ayan lamunin mo ‘yan!” wika ng among babae saka ibinuhos sa kaniya ang adobo na nasa mangkok. “Puro perhuwisyo ang ibinibigay mo rito, dahil sa ginawa mo ay hindi ka susuweldo ng isang buwan para magtanda ka!”

Advertisement

“Huwag naman po ma’am! Wala po akong maipapadala sa pamilya ko, huwag niyong gawin sa akin ‘yan, ma’am!” pakiusap niya.

Hindi na siya sinagot ng mga amo. Naiwan siyang luhaan sa isang tabi.

Ang akala niya ay iyon na ang pinakamasaklap na pangyayari sa buhay niya ngunit kinaumagahan ay sinabihan siya ng mga amo na mag-impake na siya ng mga gamit dahil hindi na raw siya magtatrabaho sa mga ito. Nalaman niya na ibinenta na pala siya ng mga amo sa isang mayamang negosyante para roon siya manilbihan. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod. Ano nga naman ang magagawa ng isang tulad niyang mahina at kulang ang pinag-aralan?

‘Di niya namalayan na nakasakay na pala siya sa isang mamahaling sasakyan. Ito raw ang maghahatid sa kaniya sa bago niyang amo.

“Saan kaya ako dadalhin ng sasakyang ito? Sino kaya ang bago kong amo? Panibagong pagdurusa na naman ba?” tanong ni Marylane sa isip habang papalapit na sa bago niyang kapalaran.

Maya-maya ay huminto na ang sasakyan. Inalalayan siya ng drayber sa kaniyang pagbaba. Inihatid siya nito sa harap ng isang malaking bahay.

“Pasok na po kayo, ma’am. Kanina pa naghihintay si sir!” sabi ng may edad na drayber.

Biglang nakaramdam ng kaba si Marylane.

Advertisement

Pagpasok niya sa loob ng bahay ay bumugad sa kaniya ang magaganda at mamahaling muwebles na naroon. Halatang napakayaman ng bago niyang amo. Habang sinusuri ng kaniyang paningin ang kabuuan ng sala ay ‘di niya napansin ang lalaking naglalakad papalapit sa kinatatayuan niya.

“Narito ka na pala, hija!”

Nang lingunin niya ang pinanggalingan ng boses ay muntik pa siyang mapasigaw nang makita ang isang matandang lalaki na pormal ang pananamit.

“Ako nga pala si Don Lucio. Ikaw si Marylane, tama ba, hija?” nakangiting tanong ng matanda.

“A, eh, o-opo. Kayo po ba ang bago kong amo?” nahihiya niyang tanong.

“Hindi, hija. Sa katunayan, ang pamangkin ko ang dahilan kung bakit ka narito.”

“Pamangkin? Sino po?”

Nang biglang lumitaw sa harap nila ang isa pang lalaki. Mas bata iyon, guwapo at matipuno ang katawan.

Advertisement

“Ako ang dahilan kung bakit ka narito, Marylane!”

Hindi makapaniwala ang dalaga kung sino pa ang nakita niya sa malaking bahay.

“L-Lexter?”

“Ako nga. Ang totoo’y hindi Lexter ang tunay kong pangalan. Ako si Julius Bernard, ang pamangkin ni Don Lucio Saavedra na isa sa pinakamayayamang negosyante sa bansa. Ang tiyuhin ko ang may-ari ng palengke kung saan tayo nagkakilala. Mula nang makita kita ay nagkaroon na ako ng paghanga sa iyo, kaya nakiusap ako sa uncle ko na kung maaari ay magtrabaho ako roon bilang tindero para makilala ka at mapalapit ako sa iyo.

Habang tumatagal, ang paghanga ko ay naging pagmamahal lalo nang malaman ko ang kwento ng buhay mo at mga paghihirap sa kamay ng iyong naging mga amo. Hiniling ko rin kay uncle na alisin ka na sa poder nila kaya binayaran niya ang mga ito kapalit ng iyong kalayaan. Ginawa ko iyon dahil ayoko nang mahirapan pa ang babaeng mahal ko. Mula ngayon ay dito ka na titira sa mansyon. Hindi ka na magsisilbi bilang kasambahay, ikaw na ang pagsisilbihan ko dahil nakahanda akong pakasalan ka, Marylane,” hayag ng binata.

“Tama ang sinabi ng pamangkin ko, hija. Nang makilala ka niya ay napamahal na siya sa iyo. Malaki ang ipinagbago niya mula sa pagiging bulakbol ay nagkaroon ng direksyon ang buhay niya at iyon ay dahil sa iyo. Wala na siyang mga magulang kaya ako na ang nag-alaga at nagpalaki sa kaniya. Para ko na siyang tunay na anak. Ngayon ay siya na ang Bise Presidente ng isa sa mga kumpanyang pagmamay-ari ko,” saad naman ni Don Lucio.

Ang akala ni Marylane ay nananaginip lang siya. Hindi niya inakala na makakatagpo pa siya ng pag-ibig sa kabila ng mga pinagdaanang hirap.

“Nagugulat pa rin ako sa mga nangyayari. ‘Di pa rin ako makapaniwala na may lalaking magmamahal pa sa kagaya ko. Ang totoo, hindi ka mahirap mahalin, Lex…este Julius Bernard. Ikaw ang naging hingahan at takbuhan ko sa mga panahong kailangan ko ng karamay. Aaminin ko na may pagtingin na rin ako sa iyo. Sa palagay ko nga’y mahal na rin kita,” tugon niya sa binata.

Advertisement

Mula sa pagiging kasambahay ay naging ganap na senyorita na si Marylane nang mapangasawa si Julius Bernard. Ang dating minamaltr*ato ay nakahanap ng totoong pag-ibig. Kahit maganda na ang katayuan sa buhay ay hindi niya kinalimutang tulungan ang kaniyang pamilya. Binigyan niya ng negosyo ang mga magulang at pinag-aral ang mga kapatid. Nabalitaan rin niya na nakakulong na ang mga dati niyang amo. Ipinakulong ng bagong kasambahay ang malupit na mag-asawa dahil sa pagmamaltr*ato ng mga ito. Sa isip niya ay kinarma rin ang mga amo niya at nakahanap ng katapat para wakasan ang kasamaan ng mga ito.